parallax background

Ang Hari ng Pag-ibig

God is Sufficient
November 21, 2020
Offering My Last Two Coins
November 23, 2020
PITIK-BULAG: Ang Hari ng Pag-ibig
 
Sa araw na ito, ating ipinagdiriwang ang Kapistahan ng Kristong Hari. Isang kakaibang hari na hindi nakaupo sa maringal na trono, kundi nakaupo sa gitna na mga taong nagdurusa upang sila’y paglingkuran. Naroon siya sa palengke, sa kalye, sa bahay ng makasalanan, sa sementeryo, sa dagat, at sa mga maysakit. Narito ang kanyang mga nasasakupan, wala sa maringal na templo at palasyo.
 
Pinili ng haring ito ang ibigin ang kanyang nasasakupan, lampas pa sa pag-ibig na inilaan ng kanyang naasasakupan. Ibigin man natin o hindi si Hesus bilang ating Hari, mananatili siyang tapat sa atin dahil Siya’y HARI NG PAG-IBIG!
 
1. ANG HARING WALANG BAHAY.
 
“Isinilang niya ang kanyang panganay, na isang lalaki. Binalot niya sa lampin ang sanggol at inihiga sa isang sabsaban, sapagkat wala nang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan.” (Lukas 2:7).
 
Sa simula pa lamang, PINILI NIYANG MAGING TAO UPANG MAGING HARI NG MUNDO. Hindi niya piniling isilang sa marangal na palasyo, bagkus isinilang siya sa sabsaban, upang simulan ang unang hakbang ng kaligtasan … SAMAHAN ANG MGA DUKHA. Sa isang Diyos na umiibig, hinahanap niya ang mga NAWAWALA AT NALIMUTAN. Upang sabihin sa kanila ang mabuting balita … KASAMA NINYO ANG DIYOS AT ANG DIYOS AY SAPAT NA! Sa kanyang pagdamay sa mga maralita, nagkabahay ang mga nag-iisa at maralita … ANG DIYOS MISMO ang kanilang bahay.
 
2. ANG HARING WALANG DAMIT.
 
“Nang si Jesus ay maipako na ng mga kawal, kinuha nila ang kanyang kasuotan at pinaghati-hati sa apat na bahagi, isa sa bawat kawal. Kinuha rin nila ang kanyang mahabang panloob na kasuotan; ito’y walang tahi at hinabi nang buo mula sa itaas hanggang sa ibaba.” (Juan 19:23)
 
Sa kanyang pagtanda, lumitaw ang ganda ng kanyang pagkatao. Ipinakita niya sa ating kung paanong maging tao, at hindi maging Diyos. Ipinakita niya ang kapangyarian ng pag-ibig at paglilingkod bilang sandata ng tunay na hari.
 
Unti-unti, siya’y naging haring walang yaman maliban sa kanyang nag-uumapaw na pag-ibig. Wala siyang permanenteng tirahan, maliban sa puso ng mga mahihirap. Wala siyang pamilyang naturingan, maliban sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. Wala siyang naturingang matalik na kaibigan, maliban sa mga dukha, maysakit, makasalanan at inaalihan ng masamang espiritu. Wala siyang naturingang kayamanan, kundi ang umibig nang umibig nang umibig sa mga nakalimutan at napabayaan ng lipunan. Kaya’t ganoon na lamang ang pagkabigla ng mga taong sumusunod kay Hesus, nang sabihin niya … “Hindi kita kilala.” Sapagkat nang ako’y nauunaw, hindi mo ako pinainom. Nang ako’y nagugutom, hiindi mo ako pinakain. Nang ako’y nagkasakit, hindi mo ako dinalaw. Nang ako’y walang damit, hindi mo ako dinamitan. Damit nang paglilingkod ang suot-suot ng Diyos. Ito rin ang nais niyang isuot natin. Hindi ba’t nasubaran din siya sa kalbaryo nang pinili niyang ibigin tayo? Hindi ba’t nahubaran din ng pagka-Diyos si Hesus nang pinili iyang maging tao? Handa ka bang mahubaran ng sarili at piliing magmahal ng mga taong hubad sa biyaya tulad ng mahihirap?
 
2. ANG HARING NAGMAHAL HANGGANG KAMATAYAN.
 
“Pagkatanggap ni Jesus ng alak, sinabi niya, “Naganap na!” Iniyuko niya ang kanyang ulo at nalagot ang kanyang hininga.” (Juan 19:30).
 
Ang kamatayan sa krus ang pinakarurok ng kanyang paghahari. Ang kanyang pag-ibig ang kanyang sandata sa anumang kalaban. Ang pagpapatawad ang kanyang tungkod na umaakay sa mga naliligaw. Ang kanyang salita ang gumamot sa mga nalulungkot at naliligaw. Ang kanyang kamatayan ang nagligtas sa atin. Sa bawat patak ng dugong lumalabas sa kanyang katawan, halimuyak ng langit ang humahalo sa mabahong amoy ng kasalanan ng mundo. Sa bawat tinik na tumatarak sa kanyang ulo, hapdi ng kasalanan ay umaabot sa langit, ngunit hindi upang magdala ng paghihiganti, kundi ng pagpapatawad. Sa mga pakong walang pakiramdam na tumusok ng kanyang laman, malugod niyang tinanggap nang buong puso, para sa kaligtasan ng lahat. At nang iniyuko niya ang kanyang ulo at binawian ng buhay, nagluksa ang langit sa matinding dulot ng kasalanan. Ngunit ang mismong kamatayan ng Haring mapagmahal ang nagpakita ng pinakarurok ng pagmamahal … yakapin ang kamatayan at buhayin ang minamahal.
 
Si Hesus, ang ating Kristong hari ay nadadamitan ng dugo sa kalbaryo. Isang Hari na ipinako ng ating kasalanan. Nagluksa ang langit sa kanyang kamatayan, ngunit sa krus mismo naganap ang ating kaligtasan. Hindi sumusuko ang pag-ibig. Lumalaban ang pag-ibig. Nagpapatawad ang pag-ibig. Hindi nagtatanim nang sama ng loob ang pag-ibig. Ang pag-ibig ay sumasagip.
 
Dahil sa ating Hari na walang bahay, sa kanyang kamatayan ay binigyan niya tayo ng bahay sa langit. Ngunit isibugo niya na manirahan sa puso ng mga mahihirap, nalulungkot at naliligaw ng landas. Ang kalooban ng Diyos ang ating tunay na tahanan.
 
Dahil sa ating Hari na walang damit, sa kanyang kamatayan ay dinamitan niya tayo ng dangal at bagong buhay. Simula ngayon, inatasan niya tayong hubarin ang damit ng pagiging makasarili. Isuot natin ang damit ng pag-ibig at paglilingkod.
 
Dahils sa ating Hari na nagmahal hanggang kamatayan, tinuruan niya tayong umibig ng wagas. Nang walang kapalit. Nang walang hinihintay na balik. Isang pag-ibig na hindi sumusuko hanggang kamatayan. Hindi umaayaw. Hindi tumatakbo. Hindi nawawalan ng pananampalataya. Sapagkat ang pag-ibig ay hindi namamatay. Ang ating katawan ay maaring mamatay, ngunit hindi ang ating puso. Isang pusong marunong magmahal, dahil minahal din tayo ng isang haring galing sa langit, ngunit piniling tumira sa ating puso, piniling madamitan ng pag-ibig at piniling mamatay para sa atin. Dahil para sa kanya … handa niyang ibuwis ang lahat dahil mahal niya tayo.
 
Mabuhay ang Kristong Hari!
 
– Fr. Willy M. Samson, SJ
 
———-
Nobyembre 22, 2020 – Kapistahan ng Kristong Hari
Ebanghelyo: Mateo 25:31-46
 
 
 

Leave a Reply

error: The Storytellers\\\' Society Inc. website content is protected.