parallax background

Gulatan Lang Ang Buhay

A HEADLESS SOCIETY
August 29, 2020
GOD’S WAY
August 30, 2020
PITIK-BULAG: Gulatan Lang Ang Buhay
 
Takot tayong masaktan, mabigo at mahirapan. Kaya’t hangga’t maaari gagawin natin ang lahat maiwasan lamang ito. Ngunit alam nating mabibigo lamang tayo. HIndi natin ito matatakasan. Bahagi na ng ating buhay ang masaktan, mabigo at mahirapan, lalo na kung pinili nating magmahal.
 
Kung susuriin natin ang ating buhay, ang lahat ng ating paglago ng ating sarili, pag-unlad ng ating pamilya, at pagsulong ng bayan ay bunga ng ating mga sakrispisyo at paghihirap sa buhay. Hindi ba’t nariyan ang mga OFWs na tumanda na sa abroad mabigyan lang ng magandang buhay ang pamilya? O ang isang labandera punung-puno ng kalyo ang kamay ngunit napagtapos ang anak sa kolehiyo? Hindi ba’t nariyan din ang mga bayanı natin tulad ni Rizal, Bonifacio at Ninoy na nag-alay ng buhay para sa atin? O kaya naman ang mga doktor at nurses natin na nagtitiis at handang mamatay para sa mga may COVID?
 
Bahagi na ng ating buhay ang mahirapan, magsakripisyo at magbuhat nang mabibigat na pasanin sa buhay. Magkakambal ang pagmamahal at sakripisyo. At dahil sa pinili nating magmahal, pinili na rin nating magsakripisyo, mahirapan at mamatay para sa iba. Kung batid natin ang dahilan ng ating paghihirap, at kung para kanino ito … mas magaan nating mayayakap ang anumang krus ng ating buhay. Sapagkat sa huling pagtutuos, ang krus na pinapasan natin araw-araw ay nagbibigay ng buhay sa ating minamahal. Walang sayang na pag-ibig. Walang sayang na sakripisyo at paghihirap, kung ito’y bunga ng ating desisyon na magmamahal.
 
Sa ating ebanghelyo ngayon, tatlong panggugulat ang ginawa ng ating Panginoon sa mga disipulo. Nais niyang iwasto at bigyan ng mas malalim na kahulugan ang pagiging isang disipulo. Marami sa mga disipulo ang hindi buo ang pagtingin kay Hesus, pati na rin si Pedro. Tama si Pedro nang sinabi niya, “Kayo po ang Mesias, ang Anak ng Diyos. (Mateo 16:16).” Tumpak siya. Ngunit hindi buo ang kanyang pag-unawa kay Kristo.
 
Kaya’t nagulat ni Pedro ng sabihin ni Hesus na Siya’y pupunta sa Jerusalem upang magdanas ng maraming hirap, mamatay, at muling mabuhay sa ikatlong araw (Mateo 16:21). HIndi niya inaasahan ito. Hindi niya nakita na si Hesus ay isang Sugatang Mesiyas. Para kay Pedro, hindi bahagi ng isang dakilang Mesiyas ang mahirapan at mamatay sa kamay ng kalaban. HIndi niya nakita na ang kaligtasang gagawin ni Hesus ay hindi kaligtaasan laban sa Romano, kundi kaligtasan ng kaluluwa. Narinig niya ang lahat ng sinabi ni Hesus, ngunit hindi ang bahagi na mabubuhay Siya sa ikatlong araw.
 
Kaya’t kinausap ni Pedro si Hesus at pinagsabihan. Ngunit muling ginulat ni Hesus si Pedro ng Kanyang sabihin, “Lumayo ka, Satanas! Hadlang ka sa aking landas. Ang iniisip mo’y hindi sa Diyos kundi sa tao. (Mateo 16:23).” HIndi ba’t katatapos łamang purihin ni Hesus si Pedro sa pagsasabi niya na siya ang Mesias? (Mateo 16:16).
 
Hindi nakita ni Pedro na bahagi ng pagiging Mesiyas ang pagpapakasakit at pagkamatay sa krus. Hindi tayo nalalayo kay Pedro. Tulad ni Pedro, hindi rin natin nakikita na bahagi ng ating desisyon na magmahal ang masaktan, masugatan, mahirapan, magsakripisyo at mamatay para sa kapakanan ng iba. Hindi pa natin matanggap nang lubusan na walang tunay na kaligayahan at pag-unlad na hindi dadaan sa paghihirap at sakripisyo. Na bahagi ng ating desisyong magmahal ang mamatay sa sarili. Nais natin ng shortcut. Ayaw natin ng nahihirapan. Gusto natin ng tagumpay at kaligayahan, ngunit hindi sa pamamaraan ng paghihirap at pagdurusa.
 
Kaya’t pagkatapos pagsabihan ni Hesus si Pedro, na ang iniisip niya ay hindi sa Diyos kundi sa tao, bumaling siya sa mga disipulo upang gulatin ang natutulog nilang puso: “Sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kailangang itakwil ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin. (Mateo 16:24).”
 
Sa mga salitang ito, ibinigay ni Hesus ang tunay na sukatan ng pagiging disipulo. Nais niyang itama ang maling paniniwala nila ukol sa Kanya. Naroon ang kanyang imbitasyon na tahakin ang parehong daan ng pagmamahal … ang itakwil ang sarili, paşanin ang krus at mamatay para sa kalooban ng Diyos. Dito lamang maaring magkaroon ng kahulugan ang mga paghihirap at sakripisyo na ating dinadaanan. Kung ito’y galing sa ating desisyon na magmahal, nagkakaroon ng katuturan ang ating mga paghihirap at sakripisyo sa buhay.
 
Isang malaking kabalintunaan na ang ating mga sakripisyo at paglimot sa sarili ang siyang bumubuhay sa ibang tao. Balikan mo ang iyong mga karanasan ng paghihirap at sugat dahil pinili mong magmahal, hindi ba’t dito ka humugot ng lakas at kaligayahan ngayon? Hindi ba’t ang mga luha’t sugat na ating tinamo ang siyang nagpalago ng ating pagkatao? Hindi ba’t ang tunay mong tagumpay ay naganap sa pagharap mo sa mga pagsubok sa buhay at hindi sa pagtakas?
 
“Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito. 26 Sapagkat ano ba ang mapapala ng isang tao makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili? (Mateo 16:25-26).
 
Gulatan lang ang buhay. Maraming nagaganap sa atin na hindi tayo handa. Hindi tayo handang masaktan, mabigo, mahirapan, o dumaan sa pagsubok. Hindi tayo handa sa COVID. Hindi tayo handa kung anong maari nating gawin. Ngunit kung handa tayong magmahal, madali nating yayakapin ang anumang pagsubok sa buhay. Sapagkat batid natin na bahagi ng ating desisyong magmahal ang masaktan, magsakripisyo at mag-alay ng buhay para sa Diyos at para sa iba.
 
– Pitik-Bulag
 
——-
Agosto 30, 2020 – Ika-22 Linggo sa Ordinaryong Panahon
Ebanghelyo: Mateo 16: 21-26

Leave a Reply

error: The Storytellers\\\' Society Inc. website content is protected.