parallax background

Walang Sayang na Pag-ibig

MAGTANIM AY DI BIRO
July 12, 2020
Make My Heart Your Dwelling Place
July 13, 2020
PITIK-BULAG: Walang Sayang na Pag-ibig
 
“Sayang naman ang pagod ko.” Isang salitang madalas lumabas sa ating mga bibig sa tuwing mayroon tayong ginawang kabutihan ngunit hindi ito nagbunga, binalewala, o hindi nagkaroon nang magandang resulta. At agad dating susundan ito ng salita ng PANGHIHINAYANG, “Kung alam ko lang na masasayang lang, hindi ko na sana ginagawa. Hindi na sana ako nagmagandang-loob.” At pagkatapos, tampo, pagkainis, panghihina ng loob, panghihinayang o galit ang mararamdaman natin.” At ang masakit pa nito, susundan pa natin ng salitang, “AYOKO NANG MAGMAGANDANG-LOOB. AYOKO NANG MASAKTAN. AYOKO NG MAGMAHAL.”
 
Karanasan na nating manghinayang sa anumang sakripisyo o paghihirap nating ginawa na tila nasayang at napunta lamang sa basura. Kaya’t madalas tayong masaktan at panghinaan ng loob. Ayaw na nating gumawa ng kabutihan. Ayaw na magmahal. Dahil wala nakikitang resulta o bunga sa ating mga ginagawa. Kaya’t nawawala na rin APOY NG PAGLILINGKOD AT APOY NG PAGMAMAHAL SA KAPWA.
 
Sa ating ebanghelyo ngayon, tinuturuan tayo ng ating Panginoon ng tamang diwa ng paglilingkod. Isang paglilingkod na dalisay at wagas. Isang paglilingkod at pagmamahal na hindi naghihintay ng balik, bunga at biyaya. Ang tunay na pag-ibig ay sinusukat sa ating TODO BIGAY NA KAGANDAHANG-LOOB NA HANDANG MASAKTAN AT MAGSAYANG. HANDANG MAGSUGAL. HANDANG MAGTAYA. HANDANG MATALO. HANDANG MAWALAN. HANDANG MABIGO. Sapagkat ang tunay na sukatan ng pag-ibig ay ating paniniwala na HINDI ITO MASASAYANG. AT KUNG MASAYANG MAN. GAGAWIN KO PA RIN, MAY BUNGA MAN O WALA.
 
Ito ang aral na ipnakikita ng MANGHAHASIK sa ebanghelyo natin. Alam kong alam niya na may masasayang na butil sa hinahagis niya sa lupa. Alam niyang masasayang ang babagsak sa tabi ng daan, sa mabatong lugar, at madawag na lupa. Ngunit hindi niya ito inalinta. Hindi niya nakikita ang masasayang na butil. Tanggap na niya ito. Hindi lahat ng butil ay magbubunga. Hindi lahat ng kanyang pagod, sakripisyo at pagmamahal ay magbubunga. Ngunit alam din niyang karamihan sa kanyang butil ay mapupunta sa mabuting lupa at magbubunga. At tanggap din niya, na maging ang butil sa mabuting lupa ay hindi mamumunga ng sagana … may mamumunga ng tig-isang daan, tig-animnapu o tig-tatlungpu. Nagpapalaya ang katotohanang ito sa kanya. Na ang TUNAY NA UMIIBIG, HANDANG MAGSAYANG, HANDANG MAGSUGAL, HANDANG MAGTAYA, HANDANG MABIGO … SAPAGKAT NAUSUSUKAT ANG ATING PAGMAMAHAL SA ATING KAKAYAHANG MAGMAHAL, MAY RESULTA MAN O WALA.
 
Ang anumang hapdi o sugat ng ating puso ngayon ay dulot ng ating desisyon na magmahal. Ngunit sa kasawiang-palad, hindi nagbunga ang ating pagsusumikap, pagod at kagandahang-loob. Maraming beses na rin tayong nagpatawad at patuloy na nasaktan, ngunit hindi pa rin tayo nakakita ng resulta na nais natin. Kaya’t naroon ang panghihina ng loob. At magdesisyon na sumuko na lamang at huwag ng umibig pa. Ngunit hindi na ba tayo masasaktan kung hindi na tayo iibig pa? Hindi na ba tayo masasaktan kung hindi na tayo magtataya? Baka sa huling pagtutuos, MAS MASASAKTAN LAMANG TAYO O MAS HINDI TAYO LILIGAYA KUNG PILIIN NATING HUWAG NANG MAGMAHAL. Sapagkat hindi na tayo magiging TOTOO PA SA ATING SARILI.
 
Biglang isang disipulo ni Kristo, tayo ay manghahasik ng mabuting balita o ng kabutihan sa kapwa … may resulta man o wala. Hindi tayo dapat maging “result-oriented” bags maging “love-oriented.”
 
Hindi “magsasaka o farmer” ang ginamit ni Hesus sa talinghaga. Ang ginamit niya ay “manghahasik o sower.” Patunay na ang ating misyon ay MAGKALAT NG PAG-IBIG. HINDI NG LAGIM. PAGPAPATAWAD AT HINDI PAGHIHINGANTI. PAGLABAN AT HNDI PAGSUKO. PAGHARAP SA MGA HAMON AT HINDI PAGTAKAS. UMIBIG NG UMIBIG NG UMIBIG … MAY BUNGA MAN O WALA.
 
Huwag mawalan ng pag-asa. Huwag mawalan ng apoy ng paglilingkod. Huwag mong tingnan ang bunga ng paghihirap. Mahalin mo ang taong tinutulungan mo. Bakit mo iiwan ang mahal mo, kung alam mong mababaw ang kanyang pang-unawa sa salita ng Diyos (ang butil sa tabi ng daan), kung siya’y madaling mabulid sa tukso ng mundo (ang butil sa mabatong lupa) at kung siya’y madaling sumuko sa pagsubok (ang butil sa madawag na lupa)? Hindi ba’t mas dapat natin sabayan, tulungan at huwag pabayaan?
 
Humugot tayo ng lakas sa Diyos nagmahal sa atin, magbago man tayo o hindi. May bunga man tayo o wala. Ikaw, sumuko ka na ba? Pagod ka na bang magmahal? Liligaya ka ba kung piliin mong huwag nang magmahal? Ang pag-ibig ay maaring mapagod ngunit hindi ito sumusuko. Kung pagod ka na, magpahinga ka lamang sa Panginoon. Sabi ni Hesus, “Kayong mga napapagal at napapagod, magpahinga kayo sa akin. Matuto kayo sa akin, sapagkat ang pamatok ko ay magaan.” (Mateo 11:28-30).
 
Walang sayang na pag-ibig. Huwag magsasawa. Huwag susuko. Huwag panghinaan ng loob. Sapagkat mas may hapdi ang desisyon na huwag ng magmahal. Hindi lamang ang iba ang masasaktan, higit sa lahat ay tayo. Sapagkat bahagi na ng ating pagkatao ang magmahal. Ang pagkalimot sa tawag na magmahal … ay pagkalimot sa ating sarili na nilikha ng Diyos mula sa pagmamahal.
 
– Pitik-Bulag.
 
——–
July 12, 2020 – Isa-15 Linggo sa Ordinaryong Panahon
Ebanghelyo: Mateo 13: 1-9

Leave a Reply

error: The Storytellers\\\' Society Inc. website content is protected.