parallax background

San Jose: Huwaran ng Katapatan, Paggalang, at Pakikipagkapwa.

THE DIGNITY OF LABOR
May 1, 2020

 

Homiliya para sa Huling Araw ng Misang Nobena , John 6:44-51
Humugot muna tayo ng inspirasyon sa ating binasang ebanghelyo. Inilalarawan ni San Juan ang Diyos bilang Guro at Huwaran sa ating Gospel reading. Katulad daw siya ng isang ama na gumagabay at nagtuturo sa kanyang mga anak. Ang napakapersonal na relasyon ng isang Anak sa kanyang Ama—ito rin ang itinuro ni Hesus sa kanyang mga alagad na paraan ng pakikipag-ugnayan sa Diyos.
Marahil sasabihin natin, natural lang iyon kay Kristo dahil Anak naman talaga siya ng Diyos. Kung minsan dahil sa pagkilala natin kay Hesus bilang Diyos na totoo, nakakalimutan nating siya’y tao ding totoo at tulad natin lumaki at natutong magpakatao. Nangailangan din siya ng pagkalinga, pagmamahal at paggabay ng magulang—paggabay ng isang Ina, kay Maria, panggabay ng isang Ama, kay Jose.
Kaya bago natin pag-usapan si San Jose bilang isang huwaran para sa atin, pag-usapan muna natin siya bilang isang huwaran kay Hesus, isang huwarang ama.
Napakalapit ng salitang huwaran at huwad, kahit na magkasalungat sa kahulugan. HUWAD ang tawag natin sa hindi orihinal, hindi tunay, peke, gaya-gaya o plastik. Kabaligtaran ito ng kahulugan ng salitang HUWARAN, ibig sabihin—totoo, orihinal, bukod-tangi, mabuting halimbawa, dapat tularan. Ang paggawa ng kopya ay PAGHUHUWAD. At ang pinagkopyahan, iyon ang HUWARAN. Sa totoo lang, hindi naman dating negatibo ang ibig sabihin ng HUWAD. Dahil meron din namang kopya na malapit sa pinagkopyahan. At meron din namang malayo. Siguro dahil nauso ang mass production, habang paparami nga naman ang kopya, papalayo nang papalayo sa pinagkopyahan. Kaya naging katumbas ng HUWAD ang peke, di-tunay o plastik.
Hindi naman masama ang tumulad kung ang tinutularan ay mabuti, o malapit man lang sa orihinal. Kapag pangit na ang tinutularan, pangit na rin ang resulta. Ano ang isang huwarang ama sa kulturang Pilipino? May kasabihan tayo: Kung ang INA ay ILAW ng tahanan, ang AMA ay HALIGI. Katulad ng haligi, ang ama ay huwaran na nagbibigay katatagan ng pagkatao. Tatlong mahalagang sangkap ng pagpapakatao ang nais kong bigyang pansin tungkol sa karakter ni San Jose: KATAPATAN, PAGGALANG, AT PAKIKIPAGKAPWA.
Simulan natin sa KATAPATAN: Mahina ang pagkatao ng taong walang katapatan o walang paninindigan. Hindi mo pagkakatiwalaan ang isang taong pabago-bago ang isip, walang isang salita, o hindi marunong tumupad sa pangako.
Ang katapatan ay hindi sa salita napatutunayan, kundi sa gawa. Kung may tahimik na karakter sa ebanghelyo, ito ay si San Jose. Halos walang linyang binigkas. Pero matindi ang pananagutan. Pinanindigan niya si Maria at ang ang kanyang pagiging ama kay Hesus. Nakalulungkot na sa panahon natin, para bang ang pananagutan ay katumbas na ng kawalan ng kalayaan. Sa isang interview, nasabi ng isang celebrity—ayoko ng commitment. Mas gusto kong malaya ako para magawa ang gusto ko. Nasabi ko tuloy sa loob-loob ko, “Kawawa naman ang taong ito, ang pag-unawa sa laya ay layaw.” Nagiging tunay na malaya lamang ang tao kapag natututo siyang itaya ang buhay niya sa isang layuning nakahihigit sa sarili niya. Kaya natutupad ang kalayaan ng tao sa kanyang pagyakap nang kusang loob sa isang pananagutan.
Pangalawa, ang PAGGALANG. Walang mabuting magulang na magtuturo sa anak niya na magmura, manlait o mandaya o mang-api ng kapwa. Kapag lumaking masama ang ugali ng isang bata, sa ayaw natin at sa gusto, naitatanong natin: sino kaya ang magulang ng batang iyan? Ano bang klaseng pagpapalaki ang ibinigay sa kanya.
Kahit kakaunti ang alam natin kay San Jose, ang pinakamalakas na katibayan ng pagiging huwaran ni San Jose sa buhay niya ay ang mismong pagkatao o karakter ni Hesus: magalang sa kapwa, kahit sa mga maliliit at itinuturing na mababa sa lipunan. Ang paggalang o pagiging magalang ay hindi basta namamana. Natututunan ito.
Kung minsan nakakalimutan natin na ang pamilya ang pangunahing eskwelahan na humubog sa atin. Di ba’t maliliit pa tayo’y itinuturo na sa atin ang mga “magic words” sa magalang na pakikipag-usap? Katulad ng Please (Paki-), Thank you, Sorry. Hindi matututong gumalang ang taong hindi naturuan kumilala sa dangal ng tao—hindi lang ang dangal ng kapwa kundi pati na rin ng sarili. Kasabay ng pagiging magalang ang pagiging kagalang-galang. Mahirap galangin ang taong hindi marunong gumalang sa kapwa. Hindi naman lahat ng tao ay ugaling tao. Mayroon ding parang hindi tao—lalo na pag malupit, makasarili, walang pakundangan. Di ba’t may kasabihan tayong mga Pilipino, “Madali ang maging tao, ngunit mahirap ang magpakatao.”
Pangatlo: ang PAKIKIPAGKAPWA. Ito ang karugtong ng paggalang. Pag hindi natutong gumalang ang tao, hindi rin siya matututong makipagkapwa. IIkot ang mundo sa sarili lang niya. Pinatunayan ni San Jose ang pagiging huwaran ng pakikipagkapwa nang isantabi niya ang sariling mga balakin. Isinuko ang sariling mga pangarap niya sa buhay upang bigyang daan ang katuparan ng plano ng Diyos.
Natututong makipagkapwa ang tao kapag ang iba ay magsimula nang maging hindi-na-iba sa kanya. Kapag ramdam na rin niya ang ikasasakit o ikatutuwa ng iba. Ang diyalogo ay hindi magaganap kapag ang nangibabaw ay reaksyon at hingi pagtugon, lalo na sa mga taong IBA sa atin: hindi kadugo, kapamilya, kaibigan, karelihiyon o kalahi. Ang reaksyon ay iyung kapag nasaktan mananakit din o kapag minura ay magmumura din. Halos automatic, hindi na iniisip. Kapag nadala lang ang tao ng simbuyo o silakbo ng damdamin.
Ang pinakamalinaw na tanda na natututong makipagkapwa ang tao ay kapag marunong siyang maghunosdili sa reaksyon o silakbo ng damdamin. May pumasok nang plano sa loob ni San Jose nang malamang buntis na ang babaeng kanyang pakakasalan. Pero hindi niya ginawa, itinulog muna niya upang luminaw ang isip at magpasiya na panatag ang damdamin. Sa ganyan din siya natutong makinig sa kalooban ng Diyos.
Kahit hindi tunay na ama si San Jose sa laman, naging totoo pa rin siyang ama kay Hesus. Naging huwaran, hindi huwad. Marami na akong narinig na patotoo ng mga taong nakatagpo ng gabay at kalinga ng ama, hindi sa ama sa laman kundi sa mga naging amain—mga lolo, tiyuhin, titser, parish priest atbp. Sa unang pagbasa, parang ganoon din ang ginampanang papel ni apostol Felipe sa Eunuco.
Mga kapatid, tinuruan tayong lahat ng Panginoong Hesukristo na tumawag sa kanyang ama bilang ating ama. Sana, bilang pamayanan natin pagsumikapan natin na walang mga batang mapariwara dahil nasa abroad ang kanilang ama, o dahil walang kakayahang maging tunay na haligi ang kanilang biological na ama. Kung lahat ng mga ama sa parokyang ito ay naging tunay anak ng huwarang amang si San Jose, sana huwag nating ipagkait ang pakiking huwaran din kahit sa hindi kalaman at kadugo. Pagpalain kayo ng Panginoon.
 

Leave a Reply

error: The Storytellers\\\' Society Inc. website content is protected.