PITIK-BULAG: Nang Malasahan Ko ang Langit
Ang tao ay laging naghahanap ng ganap na kaligayahan, kasaganahan at kapayapaan sa buhay. Marami tayong mga “sana” sa buhay. Sanay yumaman na ako. Sana mabuo na ang aking pamilya. Sana umunlad na ang Pilipinas. Sana lumigaya na ako nang lubusan. Sana matapos na ang pandemyang ito. Sana pag-ibig na lang lagi. Sana … sana … sana! Ngunit sa katapusan, naroon ang pagkadismaya at kalungkutan, sapagkat marami tayong mga “sana” sa panalangin ang hindi nagkakaroon ng katuparan.
Naghahanap tayo ng milagro ng kasaganahan, dahil marami tayong kakulangan sa buhay. Nais natin ng engrandeng pagbabago. Nais natin na ngayon na sana maganap ang pagbabago. At dahil hindi dumarating ang ating hinahanap o nais, inaabot tayo ng gutom, pagod at panghihina ng loob. Marahil ito ang dahilan kung bakit maraming sumusunod kay Hesus saan man siya magpunta. Nakita nila ang katuparan ng kanilang “sana” sa ating Panginoon. Hinahanap nila ang magbibigay ng ganap na kasaganahan o kaya’y sagot sa kanilang mga katanungan o kaya’y paghahanap ng kahulugan ng buhay. Marahil, naghahanap din sila ng isang Ama o Panginoon na masasandalan at maasahan.
Ito ang nakita ng Panginoon sa mga makapal na taong sumunod sa kanya. Higit pa sa gutom, nakita niya na para silang mga tupang walang pastol. Nakita ni Hesus ang kanilang gutom sa pagmamahal. Nakita niya ang kanilang gutom sa kahulungan ng buhay. Kaya’t SIYA’Y NAHABAG SA KANILA. Nais ni Hesus na gumawa ng isang milagro na magpapabago sa kanilang pananaw sa buhay. Nais niyang ipamulat sa mga disipulo at sa mga tao na hindi lamang gutom ng katawan ang dapat isipan. Hindi tayo nabubuhay para kumain lamang. Naroon ang hamon na magpakain at bumusog ng iba. Naroon ang hamon ng magbigay at hindi lamang tumanggap. Ang manalig sa nasa kapirasong tinapay ang BUONG LANGIT at MILAGRONG HINAHANAP SA BUHAY.
Oo, nasa kapirasong tinapay ang buong langit. Walang kapiraso o kaunti sa mata ng Diyos, kung ito’y punung-puno ng pag-ibig. Naranasan ng limang libong tao ang mismong langit sa pagpapakain ni Hesus. NGUNIT HINDI LAMANG TINAPAY ANG KANILANG NATIKMAN, NATIKMAN DIN NILA ANG PAG-IBIG NI HESUS. HINDI ANG ANG TINAPAY ANG BUMUSOG SA KANILA, ANG PAGMAMAHAL NG DIYOS ANG BUMUSOG SA KANILA. Kaya’t naramdaman nila ang KASAGANAHAN AT PAG-UUMAPAW NA BIYAYA NG LANGIT! NATIKMAN NILA ANG LANGIT.
Sa panahon ng pandemya, marami sa atin ang gutom. Hindi lamang sa tinapay, ngunit higit pa rito. Gutom tayo sa PAGMAMAHAL, SA KALINGA, SA KAIBIGAN, SA PAGPAPATAWAD, SA PAGHAHANAP SA KAHULUGAN NG BUHAY. Naroon ang matinding gutom sa DIYOS. Maraming naghahanap ng Diyos. Maraming gutom sa kanyang Presensiya.
Laking kagalakan ang aking naramdaman nang malaman kong hinati ng mga chapel volunteers ang bigay kong bigas at gulay sa kanilang kapit-bahay at kaibigan. Sabi nila, “Nais naming matikman din nila ang biyayang natanggap namin.” Dito pa lang, may milagro nang naganap! HINDI NAMAN PAGKAIN ANG NAGPAPABUSOG SA TAO, KUNDI PAGMAMAHAL. HINDI NAMAN KAYAMAN ANG NAGBIBGAY KALIGAYAN SA BUHAY NG TAO, KUNDI KAHULUGAN NG BUHAY. HINDI NAMAN KATUPARAN ANG NAGAPAPASAYA SA TAO, KUNDI PAGBANGON SA PAGKABIGO. HINDI NAMAN KUNG ANO ANG IYONG NAIPON ANG NAGBIBIGAY NA SAYA, KUNDI KUNG ANO ANG NAIBIGAY MO SA IYONG KAPWA. WALA SA PAGPAPASAYA SA ATING SARILI ANG TUNAY NA SAYA, NASA SA PAGPAPASAYA SA IBA! NARITO ANG MILAGRO!
Narito ang ilang dapat tandaan sa ating ebanghelyo ngayon:
1. SA AWA O PAGMAMAHAL NAGSISIMULA ANG MILAGRO. Nang makita ni Hesus ang mga taong gutom at hapo sa buhay, siya’y nahabag, kaya’t pinagaling niya ang may sakit. (Mateo 14:14).
2. IMBITASYON NA MAGPAKAIN NG IBA. Wala sa paghahanap ng sariling interes ang kaligayahan, nasa pagpapakain ng iba. Narito ang milagro ng puso. Kaya’t sinabi ni Hesus, “BIgyan ninyo sila ng makakain.” (Mateo 14:16).
3. HUWAG MONG MALIITIN ANG MALIIT. Maniwala sa sariling kakayahan na mågpakain ng iba. Maniwala sa sarili at sa Diyos na nag-uutos na tayo ay magmahal. Walang milagro sa mga nagdududa: “May limang tinapay at dalawang isda lamang kami.” (Mateo 14;17).
4. MANALIG SA DIYOS NG MILAGRO. Ipagpasa-Diyos mo ang lahat. Ibigay mo sa Diyos kung anong meron ka. Pararamihin niya iyan. Magtiwala sa kanyang kapangyarihan. Huwag mong tingnan ang maliit mong alay, tingnan mo ang Diyos ng milagro. (Mateo 14:18).
5. NASA PAGBABASBAS, PAGHAHATI AT PAGBIBIGAY ANG MILAGRO. Hindi ba’t dumadami ang anumang bagay na may basbas ng Diyos at hinati natin? Sa paghahati, nagiging dalawa ang isa at nagging apat ang dalawa. Hindi ito paramihan ng makakain, ang tao ay nabubusog sa pagmamahal.
Sa tuwing hinahati natin ang anumang biyayang tinanggap natin, pinaparami natin ang ating pag-ibig at kaligayahan. Natitikman ng iba, hindi lamang ang ibinigay natin, pati na rin ang Rating pag-ibig. Ngumingiti ang taong gutom hindi dahil binusog natin sila, kundi natikman nila ang pag-ibig natin… at higit sa lahat, natikman nila ang langit! Isang milagro!
Sana … sana isa na lang ang ating sana … sana’y pag-ibig na lang. Sapagkat nasa pag-ibig ang milagro, nasa pag-ibig ang kaganapan ng lahat ng ating hinahanap.
Tanong sa pagmumuni-muni:
Natitikman mo ba ang pagpapakain ni Hesus sa iyo sa Eukaristiya? Anong ginagawa mo para pakainin din ang iba?
– Pitik-Bulag
——–
Agosto 2, 2020 – Ika-18 Linggo sa Ordinaryong Panahon
Ebanghelyo: Mateo 14: 13-21