parallax background

Kaladkarin

CONQUERING FEAR
August 9, 2020
The Little Ones
August 11, 2020
PITIK-BULAG: Kaladkarin
 
May mga kaibigan tayo na sunod lang ng sunod saan man tayo magpunta. HIndi dahil nais nila ang ginagawa natin, kundi wala lang silang magawa o hindi nila alam kung anong gusto nilang gawin. Kaya’t isang sabi mo lang, sama ka? Agad-agad silang susunod saan ka man magpunta. Ngunit madaling magsawa ang mga taong ito. Kung hindi na nila “feel o type” ang ginagawa mo o pinuntahan mo, agad din silang mawawala. Goodbye na lang sa atin.
 
Maraming sumunod kay Hesus dahil gumawa Siya ng maraming milagro, lalo na ang pagpaparami ng tinapay. Kung saan may tinapay o biyaya, naroon ang mga tao. Susundan nila si Hesus, hanggat may makukuha sila. Isang nakalulungkot na katotohanan.
 
Ngunit hindi ba’t ganito rin tayo? Sa panahon ng kasaganahan at kaligayahan, madaling sumunod sa yapak ni Hesus. Ngunit hindi sa panahon ng kasalatan, karamdaman, at kadiliman. Marami sa atin ang unti-unting kumakalas, nanlalamig, at nawawalan ng pananampalataya sa panahob ng pagsubok. Ngayong panahon ng pandemya, KALADKARIN KA PA RIN BA NG DIYOS? O sumuko ka na? Nasusubok ng Diyos ang ating katapatan sa panahon ng paghihirap, pag-uusig at kawalang-katiyakan.
 
Nagbigay ng ilang mahalagang pamantayan ng pagiging disipulo ni Hesus sa ebanghelyo ngayon. Ayaw ni Hesus ng mga kaladkarin sa kanyang grupo. ANG NAIS NG PANGINOON AY MGA TAGASUNOD NA MAY PUSO SA KAPWA AT HANDANG MAGING KALADKARIN HANGGANG KAMATAYAN.
 
Nais sukatin ng Panginoon ang tunay na disipulo. AYAW NIYA NG MGA KALADKARIN SA GRUPO – na kasiyahan at tagumpay lamang ang nais, ngunit takot sa pagsubok, paghihirap at sakripisyo. Ang mga disipulong nais niya – mga KALADKARIN SA NGALAN NG PAG-IBIG.
 
Kaya’t sinabi ng Panginoon … WAGAS BA ANG PAGIGING KALADKARIN MO?
 
1. Handa ka bang MAMATAY SA SARILI para kay Hesus?
 
“Ang taong nagpapahalaga sa kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, ngunit ang taong hindi nagpapahalaga sa kanyang buhay sa daigdig na ito ay siyang magkakaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 12:25).
 
2. Handa ka bang MAGLINGKOD sa Kapwa?
 
“Ang naghahangad na maglingkod sa akin ay dapat sumunod sa akin.” (Juan 12:25a).
 
3. Handa ka bang maging KALADKARIN?
 
“Saanman ako naroroon ay naroroon din siya.” (Juan 12:26b)
 
Anong sagot mo sa katanungay ni Hesus? Nakatatakot ka na ba? Nais mo na bang kumalas sa grupo? Bakit? Ngunit ang tanong, saan ka pupunta?
 
HIndi ba’t ito rin ang tanong ng Panginoon kay Pedro ng maraming kaladkarin ang lumayo kay Hesus ng sinabi niya na siya ang Tinapay ng Buhay? Sumagot si Simon Pedro, “Panginoon, kanino pa po kami pupunta? Nasa inyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan.” (Juan 6:68).
 
Nasa pagkamatay ng ating sarili ang sikreto ng pamumunga at buhay na walang hanggan (Juan 12: 24-25). Nasa Panginoon lamang ang tunay na kahulugan ng Buhay.
 
Kung maririnig mo ang tawag ni Hesus na maglingkod, mabilis ba ang iyong Oo? Kung marinig mo ang tawag ng kayamanan, katanyagan at kapangyarihan, anong gagawin mo? Kaladkarin ka ba ng Diyos o Kaladkarin ka ng mundo?
 
Natutuwa tayo sa mga kaibigan na kaladkarin, hindi dahil sa gusto lamang nila ang ginagawa natin, kundi dahil mahal nila tayo. Na kahit saan man tayo magpunta, mahirap man o masaya, may pagkain man o wala, may ayuda man o salat, ..handang sumama sa atin, dahil mahal nila tayo.
 
Ganyan din ang Diyos. Matinding kagalakan ang nasa kanya sa mga disipulo na handang sumama sa kanya hanggang kamatayan.
 
– Pitik-Bulag
 
——-
Agosto 10, 2020 – Lunes
Ebanghelyo: Juan 12: 24-26
 

Leave a Reply

error: The Storytellers\' Society Inc. website content is protected.