PITIK-BULAG: Ibalik sa May-ari ang Nararapat
Sa tindi ng galit ng mga Pariseo kay Hesus, naisipan nilang gumawa ng isang patibong upang ilagay si Hesus sa isang nakakahihiyang situwasyon sa harapan ng mga tao. Ngunit alam nila ang talino ni Hesus, kaya’t nagpadala sila ng kanilang disipulo upang hulihin si Hesus. Ngunit alam din ni Hesus, ang kanilang masamang pakay. Hindi nila nais matuto. Nais lamang nilang ipahiya si Hesus sa isang pampublikong paglilitis sa pamamagitan ng isang tanong. Isang tanong na maglalagay kay Hesus na pumili at humatol. Nasaan ang kanyang katapatan? Sa kanyang relihiyon o sa mga Romano? Ito’y isang paglilitis na tiyak na magpapahamak kay Hesus anuman ang kanyang kasagutan. Sa puntong ito, ang mga Pariseo ang lumalabas na tag-usig, si Hesus ang nasasakdal, at ang mga tao ang nagsisilbing taga-hatol. Ngunit alam ni Hesus ang kanilang masamang iniisip.
Kaya’t nagtanong ang mga disipulo ng Pariseo, “Ano po ang palagay ninyo? Naaayon ba sa Kautusan na magbayad ng buwis sa Emperador, o hindi?” (Mateo 22;17).
Hindi sinagot ni Hesus ang tanong. Alam niya na kapahakan ang idudulot maging anuman ang kanyang sagot. Alam niya na walang karapatang umusig ang mga Pariseo. ALAM NIYANG WALANG KARAPATANG UMUSIG ANG SINUMANG TAO SA DIYOS. SIYA ANG DAPAT NA MAGING HUKOM SA MGA TAO.
Kaya’t humingi si Hesus ng isang denaryo at nagtanong, “Kaninong larawan at pangalan ang nakaukit diyan?” (Mateo 22:20). At sumagot sila, “Sa Emperador po.” Kaya’t sinabi niya sa kanila, “Kung gayon, ibigay ninyo sa Emperador ang para sa kanya, at sa Diyos ang para sa Diyos.” (Mateo 20:21).
Sa puntong ito, bumaliktad ang mundo. SI HESUS NA ANG NAGING TAGA-USIG AT ANG MGA PARISEO’T MGA NAKIKINIG ANG BIGLANG NAGING NASASAKDAL. Ang nagbabalak magpahiya kay Hesus ang siyang nalagay sa kahihiyan. Sapagkat sinagot niya ng isang tanong ang kanilang katanungan. ANONG OPINYON NINYO? SINO BA ANG NAGMAMAY-ARI SA IYO? HINDI BA DIYOS ANG MAY-ARI SA IYO? KUNG DIYOS ANG MAY-ARI SA IYO, IBINABALIK MO BA ANG LAHAT SA KANYA? Tayo na ang biglang naging nasasakdal at nalagay sa kahihiyan.
Malinaw kay Hesus na nararapat nating gawin ang obligasyon sa pamahalaan, sa simbahan, sa pamilya at sa ating mga trabaho. Ngunit alam niyang nararapat ding ibalik ang para sa Diyos.
Madalas nating inuusig ang Diyos. Tinatanong natin siya bakit hindi niya ibinibigay ang mga hinihingi sa kanya. Madalas pa tayong magtampo ng tahimik sa tuwing hindi niya ibinibigay ang ating gusto. Sandali lamang. Pag-isipan natin nang mabuti. May karapatan ba tayong mag-demand sa Diyos? May obligasyon ba ang Diyos sa atin? Tayo ba ang may-ari sa kanya? Alipin ba natin ang Diyos? Sino nga ba talaga ang tunay na may-ari sa atin? HIndi ba’t ang Diyos ang japat magtanong kung bakit HINDI NATIN IBINABALIK SA KANYA ANG PARA SA KANYA? Hindi ba’t Diyos ang lumikha sa atin, kaya’t nararapat lamang ibalik ang lahat sa kanya?
Walang bagay na masasabi nating GALING SA ATIN. KAYA’T WALA TAYONG KARAPATAN NA GAMITIN ITO SA ANUMANG GUSTO NATIN. Ang lahat ng hawak mo at nakikita mo ay may tatak ng may-ari … ang Diyos! ANG KALIKASAN, ANG PAMILYA MO, KAIBIGAN MO, ANG HININGA MO, ANG KALUSUGAN MO, ANG PANAHON, ANG BUHAY MO AT ANG BAGONG ARAW NA SUMISIKAT …HINDI BA’T MAY TATAK ITO NG DIYOS BILANG MAY-ARI? KAYA’T NARARAPAT LAMANG NA IBALIK ANG LAHAT SA KANYA.
Huwag nating kalimutan na tayo’y nilikha ng Diyos na kawangis niya. Ang mismong kakayahan mong umibig at maghanap ng kaligayahan ay tatak ng Diyos. Kaya’t nararapat lamang na ibalik natin ang ating sarili sa Kanya.
Hindi ba’t ibinabalik mo ang anumang bagay na nawala at natagpuan sa LOST AND FOUND? Lalo’t na kilala mo ang nagmamay-ari nito.
Huwag nang magtanong sa Diyos kung bakit hindi niya ibinibigay ang iyong mga hinihingi sa panalangin. Huwag mong usigin ang Diyos. Baka bigla Siyang magtanong … SINONG BANG MAY-ARI SA IYO? IBINABALIK MO BA ANG NARARAPAT SA AKIN? Tiyak na mapapahiya lamang tayo tulad ng mga Pariseo, sapagkat sa huling pagtutuos … ALAM NATING HINDI TAYO NAGING TAPAT SA TUNGKULIN NA IBALIK ANG NARARAPAT SA DIYOS.
Ibalik sa May-ari ang nararapat. Ginagawa mo ba ito?
– Fr. Willy M. Samson, SJ
———
Oktubre 18, 2020
Ebanghelyo: Mateo 22: 16-21