PITIK-BULAG: Bulong ng Langit.
Ang taong 2021 ay panahon pa rin ng pandemya. Patuloy pa rin tayong nangangapa sa kadlimang dala-dala nito. Hindi natin alam kung kailan ito matatapos, kaya’t maraming nabubuhay sa takot, pangamba at kawalan ng pag-asa. Masasabi nating binalot ng pandemya ang mundong ibabaw at nag-aapuhap tayo ng liwanag upang makahakbang ng tama sa likod ng kadiliman. Ngunit nasaan na ang liwanag? Sa gabing madilim, ang mga butuin ay sapat na upang magbigay ng direksiyon sa naglalakbay sa dagat. Sa panahon ng pandemya, ang Diyos at ang kanyang mga alagad ang tangi nating masasandalan.
Naitanong na ba natin sa sarili, “Kung narito si Hesus, ano sa iyong palagay ang kanyang gagawin ngayon? Kung narito ang mga disipulo ni Hesus, paano nila haharapin ang pandemya?”
Tiyak na nasa squatters area si Hesus at ang kanyang disipulo upang makasaluha’t tulungan ang mga nagugutom, nalulungkot at nawawalan ng pag-asa. Tiyak na aktibo ang Panginoon sa pagpapagaling sa mga maysakit at pakikiisa sa mga namatayan. Tiyak na makikita mo siya sa lansangan, at hindi lamang sa simbahan. Tiyak na nasa putikan siya, sa mga nakatira sa barung-barong, sa hospital, nagpapakain ng bata, kasama ng volunteers, kausap si Mayor at kapitan, at nanalangin sa Simbahan. Kung nasaan ang pinakamalalim na sugat, tiyak na naroon si Hesus at ang kanyang mga disipulo.
Kaya’t ang tanong niya sa atin, “Nasaan ka sa panahon ng pandemya? Saan ka madalas magpunta? Anong madalas mong ginagawa ngayon? Anong madalas mong iniisip? Kung narito si Hesus, kasama ka ba niya?”
Ang bawat Kristiyano ay tinawag ni Hesus na sundan siya. Hindi na ito isang imbitasyon lamang. Ito’y isang utos na dapat nating sundan. Inaasahan tayo ni Hesus na makasama tayo sa hirap at ginhawa, sa gutom at kasaganahan, at sa kabiguan at tagumpay. Walang iwanan. Bawal sumuko. Pwedeng magpahinga sandali, pero bawal mag-resign. Bawala umayaw. Bawal mag-retire. Hanggat may buhay, handang maglingkod sa Diyos nang naaayon sa ating kakayanan.
Kung nagdududa ka sa tawag ng paglilingkod kay Hesus, pag-isipan mo ang mga sumusunod:
1. Apektado ka ba sa kahirapan ng tao sa panahon ng pandemya? Kung nararamdam mo ang hapdi at paghihirap ng iba. Tawag po ang tawag dito. Ang pagkabagabag mong nararamdaman ay tawag ng langit.
2. Anong pwede kong gawin? Naitanong mo ba ito sa sarili mo? Kung ito’y sumagi na sa isip mo. Ibig sabihin, pinili ka ng Diyos na tumugon sa tawag niya na makiisa sa kanya. Hindi mo ito ginusto, ikaw ay pinili ng Diyos.
3. May pag-aalinlangan ka ba, dahil feel mo hindi ka karapat-dapat? Mabuting sinyales ito. Ang mga disipulo na pinili ng Diyos ay mga ordinaryong tao lamang, walang pinag-aralan.
4. Handa ka bang tumugon agad? Para ka bang boyscout, na handang tumugon agad sa tawag ng paglilingkod? Kung yes ang sagot mo, tulad ka ng mga disipulo na agad iniwanan ang lahat at sumunod kay Hesus.
5. Handa ka bang magbago ng buhay? Kung ito’y nararamdaman mo, kung sawa ka na sa pagiging makasalanan at nais mong magbago, tinatawag ka ng Diyos. Ang mga disipulo, iniwan nila ang lahat upang sundan si Hesus.
6. Mahal mo ba si Hesus? Hindi mo iiwanan ang dati mong buhay at susundan si Hesus kung hindi mo mahal si Hesus. Dapat malinaw sa iyo na ang pagtugon mong maglingkod ay nanggaling sa iyong pagmamahal sa Diyos. Kaya’t mahalaga na lagi kang nagdarasal.
O di ba, tinatawag ka niya? Huwag nang magdalawang-isip pa. Magpagpag ng sugat at kalungkutan. Itaas ang noo at tumindig. Pakinggan mo ang tawag ni Hesus na sumama sa kanya at maging disipulo ng pagbabago at liwanag. Huwag kang maging tinapay na inamag na, lumabas ka. Tulad ni Hesus, maging pagkain ka para sa lahat ng nagugutom sa panahon ng pandemya.
Ang nararamdaman mong tawag ng paglilingkod ay bulong ng langit. Huwag maging bingi. Huwag matakot. Tumugon ka at ikaw ay magiging maligaya.
– Pitik-Bulag
———
Enero 24, 2021 – Ika-3 Linggo sa Ordinaryong Panahon
Ebanghelyo: