Ang Pinakamagandang Alay.

The Trinitarian Challenge.
April 5, 2021
Wala sa Taas, Nasa Baba.
April 5, 2021
PITIK-BULAG: Ang Pinakamagandang Alay.
 
Isang malinis na puso ang hinahanap ng Diyos sa tuwing lumalapit tayo sa kanya. Mahal niya ang sinumang tapat sa kanyang sariling kalooban. Kaya’t naroon ang hamon na linisin ang puso bago lumapit sa Diyos at sumamba.
 
Sa puso ng isang taong nagnanais sumamba sa Diyos, naroon ang pagnanais na magkaroon ng malinis na puso: “Isang pusong tapat sa aki’y likhain, bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.” (Awit 51:10).
 
Sa ating pagbasa ngayon, inilatag ng ating Panginoon kung paano magkaroon ng malinis na puso:
 
1. MAHALIN MO ANG DIYOS AT KAPWA. Huwag Diyos lamang ang mahalin, mahalin mo rin ang iyong kapwa. Hindi maaring ibukod ang pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa kapwa. Magkakambal ang dalawa. Hindi mabubuhay ang isa nang wala ang isa. Ito ang tinuligsa ng Panginoon sa mga Pariseo at eskriba. Nakatuon lamang ang kanilang mata sa pagmamahal sa Diyos.
 
“Kung ang pagsunod ninyo sa kalooban ng Diyos ay tulad lamang ng pagsunod ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit.” (Mateo 5:20).
 
2. HUWAG MAGTANIM NG GALIT. Kung ang galit o poot ay pumapatay ng tao, marami nang nakalibing sa atin. Magaling tayong mag-ipon ng galit sa ating puso. HIndi natin ito ipinakikita. Ayaw natin ng confrontation. Mas gusto ibaon ang damdamin at sarilinin na lamang ito. Dahil dito, napupuno ang puso natin ng galit at poot. Subukang magtanim ng pag-ibig, huwag ng galit.
 
“Ngunit sinasabi ko naman sa inyo, ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman.” (Mateo 5:22)
 
3. HUWAG MANLAIT NG KAPWA. Hindi tayo madalas manlait sa bibig. Ngunit mas madalas tayong manlait sa isip. Ito ang isa sa nagpaparumi ng ating isip. Ngunit saan nga ba nanggaling ang panlalait natin? Inggit ang madalas na pinagmumulan nito.
 
“Ang humahamak sa kanyang kapatid ay mananagot sa Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio, at sinumang magsabi sa kanyang kapatid, ‘Ulol ka!’ ay manganganib na maparusahan sa apoy ng impiyerno.” (Mateo 5:22).
 
4. PAGPAPATAWAD ANG GAMOT. Malinaw na pagpapatawad lamang ang gamot sa pusong sugatan at pusong marumi. Kaya’t naroon ang hamon na ayusin ang anumang hindi pagkakaunawaan sa kapwa bago magdasal o magsimba.
 
“Kaya’t kung mag-aalay ka ng handog sa dambana para sa Diyos at naalala mong may sama ng loob sa iyo ang iyong kapatid, 24 iwan mo muna ang iyong handog sa harap ng dambana at makipagkasundo ka sa kanya. Pagkatapos, magbalik ka at maghandog sa Diyos.” (Mateo 5:23-24).
 
Ngunit maaring hindi pa tayo handang magpatawad, Kung magkagayon man, mangako sa Diyos na sisikapin mong buksan ang puso sa grasya ng pagpapatawad ng kapwa. Huwag pilitin magpatawad kung hindi pa handa. Ngunit naisin mong gawin ito sa hinaharap. Huwag ikandado ang puso. Magpagaling lang muna ng damdamin at ihanda ito sa pagpapatawad sa tamang panahon. Hilingin sa Diyos na bigyan ka ng sapat na biyaya na makapagpatawad ng kapwa sa tamang panahon.
 
Sa panahon ng Kuwaresma, ang pagpapatawad ang isang mabuting paraan ng panlilimos sa kapwa. Limosan natin ng ating pagpapatawad ang mga nagkasala sa atin. Mabuting ayuno din ito. Fasting sa paghihiganti o pag-iisip ng masama sa kapwa. Supilin ang damdamin na nag-iisip maghiganti o bumawi, bagkus magpatawad.
 
PINAKAMAGANDANG ALAY. Sinaktan din natin ang Diyos sa ating mga pagkakasala. Ngunit pinatawad niya tayo lagi-lagi. Kaya’t bilang pasasalamat sa kanyang kabutihan at awa, mabuting patawarin din natin ating kapwa. Nang maraming beses. Nang lagi-lagi. Para matuwa naman ang Diyos sa atin. Baka nga ito pa ang maging pinakamagandang alay natin sa kanyang dambana.
 
– Pitik-Bulag
 
———
Pebrero 26,2021 – Biyernes
Ebanghelyo: Mateo 5: 20-26

Leave a Reply

error: The Storytellers\' Society Inc. website content is protected.