PITIK-BULAG: Ang Makasalanang Matuwid
“Sa langit, mababa ang pintuhan ng langit. Kaya’t kinakailangan mong yumuko upang makapasok.”
– Cardinal Jaime Sin.
Ang kababang-loob ang isa sa mga katangiang hindi madaling isabuhay. Bahagi na ata ng ating ugali ang maging mayabang, purihin ang sarili at maliitin ang pagkatao ng iba. Ngunit batid ba natin na ang kababaang-loob ang isa sa mga katangiang ikinatutuwa ng Diyos? Batid ba natin na ang panalangin ng taong may mababang-loob ay mabilis na sinasagot ng Diyos?
Sa ebanghelyo ngayon, pinuri ng Panginoon ang maniningil ng buwis na umamin ng kanyang pagiging makasalanan. Alam niya na wala siyang maaring ipagmalaki sa harapan ng Diyos. Samantala, hindi pinansin ng Panginoon ang pariseo na naglahad ng kanyang mga kabutihang ginawa. Samakatuwid, hindi tunay na nagdarasal ang Pariseo. Hindi Diyos ang itinungo niya sa panalangin, kundi upang purihin ang kanyang sarili. Samantalang ang maniningil ng buwis naman, ay buong kababaang-loob na humihingi ng awa sa lahat ng kanyang pagkukulang.
Ang tanong ng ating ebanhelyo ngayon: Kinalulugdan ka ba ng Diyos? Anong tunay mong layunin sa paggawa ng kabutihan? Ito ba’y nanggagaling sa pagmamahal sa kapwa mo? O naghahangad kang lang ng parangal at papuri? Mabilis ka bang humusga o manglait ng taong makasalanan, mahina ang ulo, mahirap, may ibang relihiyon o walang pinag-aralan? Paano mo pinatutunguhan ang mga maralita, bilanggo at mga taong nakatira sa squatters area? Sino ang mga taong binibigyan mo ng paggalang at mabuting pakikitungo? Sinong madalas mong kasama? Saan ka mandala’s matagpuan? Sabihin mo sa akin ang mga sagot mo dito at sasabihin ko sa iyo kung ika’y pariseo o maniningil ng buwis.
Ang simbahan ay para sa makasalanan at hindi sa mga banal. Kaya’t hindi natin dapat husgahan ang sinumang nagsisimba o nagpupumilit makilala ang Diyos. Maging mapagkumbaba tayo sa harap ng Diyos at kapwa. Huwag mag-isip ng masama sa kapwa. Huwag mong isipin na mas mabuti ka, mabait o mas banal sa iyong kapwa. Pag-isipan mo ang mga salitang ito: “Ayokong magsimba sa simbahang Katoliko, maraming plastic diyan, tsismosa at makasalanan.” Diyos lamang ang dapat humusga. Lahat tayo ay makasalanan at nangangailangan ng pagbabago.
Kunin mo ang panalangin ng maniningil ng buwis: “Panginoon, maawa po kayo sa akin, sapagkat ako’y makasalanan.” At matutuwa ang Diyos sa atin, sapagkat kinagigiliwan niya ang taong may mababang-loob at aminado sa kanyang mga pagkukulang.
Lagi nating tandaan, kung nais nating kalugdan ng Diyos sa panalangin, mabuting kunin ang disposisyon ng kababaang-loob. Kinalulugdan ng Diyos ang mga ganitong tao. Malayo ang puso ng Diyos sa mga tahona mayayabang at mapang-lait ng kapwa.
– Pitik-Bulag
——-
Marso 13, 2021
Ebanghelyo: Luke 18: 9-14