parallax background

Dalamhati sa Panahon ng Pandemya.

To See God in All Things.
April 6, 2021
Operation Sagip Kapatid.
April 7, 2021
PITIK-BULAG: Dalamhati sa Panahon ng Pandemya
 
Isang Bukas na Sulat sa Gobyerno
 
Ako po’y isang Paring Katoliko na naka-assign sa Sacred Heart Mission Station sa Diyosesis ng Kalookan. Sa loob ng isang buwan, napansin ko ang pagdami ng mga patay na binabasbasan ko araw-araw. HIndi naman ganoon dito dati. Pero ramdam ko na may mali sa situwasyon.
 
Maraming mga may sakit ang hindi pa dapat mamatay, ngunit dahil sa kakulangan ng ospital at gamot, marami są kanila ang namamatay na lang sa bahay. Hindi ko na rin alam kung may Covid ba ang binabasbasan ko. Ngunit pinupuntahan ko na rin para mabasbasan upang magbigay nang pagdamay sa mga nagluluksa. Kutob ko lang, ang napapansin kong pagdami ng mga namamatay araw-araw, lalo na są mga marali tang taga-lunsod, ay dulot ng kawalan ng mabuting plano ng pamahalaan sa pagtugon sa pandemyang ito. Hindi ko na rin alam kung maniniwala pa ako sa DOH statistics na below 2% lamang ang namamatay sa Covid. Kasama ba sa bilang ang namatay sa emergency room at sa bahay? Marami sa binasbasan ko ay pneumonia at heart attack ang dahilan. Hindi ba’t ito ang madalas na ikinamamatay ng positibo sa Covid?
 
Bihira akong maglabas ng aking damdamin o opinyon sa gobyerno. Ngunit ngayon, alam kong hindi na ako dapat manahimik. Dapat kong ipahayag ang aking opinyon o suhestiyon. Nais ko lang magpa-alala sa pamahalaan ng kanilang mga pagkukulang. Baka sakaling makatulong. Hindi ko sinasabing walang pagkukulang ang mga Pilipino. Ngunit ang kailangan namin ngayon ay halimbawa at inspirasyon. Hindi panunumbat, paninira at pananakot ng paghahabla.
 
Nakikita kong may ginagawa naman ang gobyerno. Pero super kulang. Hindi sapat. Parang pampalubag-loob lamang. Parang sawsaw lamang sa problema. Palibhasa, hindi pa nagkakasakit ang kanilang mga mahal sa buhay. Kaya’t hindi nila nakikita ang lalim ng krisis na ito.
 
Naniniwala pa rin ako na may kakayahan silang gumawa ng mas maayos, komprehensibo at epektibong tugon laban sa krisis. Kailangan lang nilang itabi ang kayabangan (na tila alam nila ang lahat) at maging mapagkumbaba. Parami nang parami na ang nagugutom. Marami nang walang hanap-buhay. Natatakot akong magdudulot ito ng kaguluhan sa ating lipunan at pagtaas ng krimen. Kaya’t kailangan gumising ang ating pamahalaan, isipin muna ang bayan, bago ang sarili.
 
Hindi ako eksperto sa larangan ng pamumuno. Ngunit narito ang ilang obserbasyon at munting suhestiyon. Baka makatulong nang kaunti sa pangingilatis nang tamang tugon:
 
1. SUMAGOT NANG MAHINAHON AT MAY LAMAN. Bakit po ba mahilig kayong sumagot ng pabalang o namimilosopo sa mga tanong o kritisismo ng mga tao? Sana po, seryosohin ninyo ang mga sagot sa tanong ng bayan. Huwag mainis. Ang pikon ay laging talo. Sagutin natin ng mahusay ang mga işyung kinakaharap. Mga edukadong tao po kayo, kaya’t inaasahan po namin na sasagutin ninyo kami ng maayos. Hindi po ninyo kami kalaban, kakampi po ninyo kami.
 
2. PAKINGGAN ANG LAHAT. Makinig po tayo sa lahat, maging sa hindi ninyo kapartido o kadugo. Pakinggan din po natin ang sinasabi ng iba. May mapupulot din tayong aral o ideya sa opinyon ng iba, lalo na kung ito’y galing sa mga maralita. Huwag lang basta mag-react o mapikon sa pumuna. Mag-react po tayo sa krisis, huwag sa tao.
 
3. KUMUNSULTA SA IBANG STAKEHOLDERS. Hindi ko pa narinig na tumawag ng isang malakihang pagpupulong ang ating gobyerno sa iba’t-ibang stakeholders sa krisis na ito. Matagal nang naghihintay ang mga pinuno ng Simbahan, NGO, eskwelahan, industriya, mahihirap, hospital at iba pa. Hindi po natin hawak ang buong katotohanan. May mabuting opinyon at kaalaman din ang iba. Ang sama-samang utak, malayo ang nararating. Wala pong mawawala sa inyo sa pag-konsulta, dito pa kayo makakakuha ng kaibigan at kasangga sa panahon ng pandemya.
 
4. ORAS ANG KALABAN. Malalim na ang krisis ng pandemya sa ating bayan. Kailangang kumilos kaagad. Salamat po sa inyong kagustuhan na bigyan ng libreng vaccines ang lahat. Ngunit pahintulutan ninyong maghanap ng paraan ang mga pribadong grupo na makabili ng vaccines. Oras po ang kalaban natin sa pandemya. Aanhin mo ang damo kung patay na ang kabayo. Suportahan po ninyo ang mga initiatives ng mga pribado at relihiyosong grupo na bumili ng vaccines.
 
5. ALISIN ANG TAKOT SA VACCINE. Karamihan sa Pilipino ay takot sa vaccines dahil sa mga fake news na kumakalat. Upang magkaroon ng lakas ng loob ang mga Pinoy, mabuting humingi ng volunteers mula sa mga sikat na artista, pari, opisyal ng gobyerno at mga kilalang tao. Sa ganitong paraan, magkakalakas ng loob ang mga Pinoy kung makikita nila ang kanilang idol na artista o tao na sinaksakan na ng vaccine.
 
6. HUMANAP NG IBANG ALTERNATIBO. Mahalaga ang vaccines para masugpo ang pandemya. Ngunit pag-aralan din po natin ang ibang alternatibong gamot na hindi pa aprobado (tulad ng Ivermectin at Lianhua), ngunit may potensiyal na magbigay ng lunas sa Covid. Huwag po nating usigin ang mga alternatibong ito, bagkus suportahan sa larangan ng masinsinang pagsusuri. Sa panahon ng kagipitan, mabuting maging bukas sa lahat ng paraan. Bitawan natin ang makitid na isip at palawakin ang kaalaman. Magkakaibigan po tayo, ang Covid ang tunay na kalaban.
 
7. TAO MUNA, BAGO PERA. Maaring mali ako. Pero may hinala akong sinasamantala ng iba ang krisis upang yumaman at magpakasasa. Huwag po. Maawa na po kayo. Makonsensiya naman kayo. Inilagay kayo sa posisyon ng taong-bayan upang paglingkuran ang lahat. Bato-bato sa langit, ang tamaan ay huwag mapikon. Ito po’y paalala sa mga nakalilimot na may Diyos.
 
Dito ko na po ilalabas ang pagka-pari ko, bilang alagad ng Diyos. Tayong lahat po ay tinawag ng Diyos upang maglingkod sa iba, at hindi sa ating sarili. Kung bingi po kayo sa dalamhati at hinaing ng mga maysakit at mahihirap, baka magandang bigyan ng pansin ang sinabi ni Hesus:
 
“Sasagot ang mga matuwid, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom at aming pinakain, o nauhaw at aming pinainom? At kailan po namin kayo nakitang nagkasakit at kayo’y aming dinalaw?’ Sasabihin ng Hari, ‘Tandaan ninyo, nang gawin ninyo ito sa pinakahamak sa mga kapatid kong ito, sa akin ninyo ito ginawa.’ (Mateo 25: 37-40).
 
Pagkatapos, ay sasabihin ko sa aking sarili, marami ka nang naipon para sa mahabang panahon. Kaya’t magpahinga ka na lamang, kumain, uminom, at magpakasaya!’ Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal! Sa gabi ring ito’y babawian ka na ng buhay. Kanino ngayon mapupunta ang mga inilaan mo para sa iyong sarili?’ (Lukas 12:19-20).
 
——
 
Ayokong dumating ang panahon na magbasbas na lamang ng patay ang aking gagawin. Ayokong bumaha ng luha sa lupa dahil hindi natin inagapan kaagad ang pandemya. Sana po magising kayo ng liham ito. Sapagkat sa tuwing nagbabasbas ako ng patay o sa tuwing may nabalitaan akong namatay dahil sa Covid, alam kong nagluluksa din ang langit.
 
– Fr. Wilfredo M. Samson, SJ
Sacred Heart Mission Station
Diocese of Kalookan

Leave a Reply

error: The Storytellers\' Society Inc. website content is protected.