PITIK-BULAG: Ang Espiritu ng Katotohanan.
“Marami pa akong sasabihin sa inyo subalit hindi pa ninyo kayang tanggapin sa ngayon. Ngunit pagdating ng Espiritu ng katotohanan, papatnubayan niya kayo sa buong katotohanan.” (Juan 16:12-13).
Malinaw na hindi sapat ang tatlong taon na pagtuturo ni Hesus sa kanyang mga disipulo. At habang papalapit ang araw ng kanyang pagpapakasakit at pagkamatay sa krus, naramdam niya ang kakapusan ng panahon. Napakaikli ng panahon upang matutunan ng mga disipulo ang lahat ng aral ni Hesus. Nag-uumapaw ang kanyang turo. At hindi pa handang tanggapin ng mga disipulo ang ibang aral tulad ng halaga ng pagkamatay sa Krus at ang tawag na buhatin ang sariling krus araw-araw. Isang bagay na bumulag sa mga disipulo. Kaya’t nang mabuhay na magmuli si Hesus, nilinaw niya ito sa kanyang mga disipulo. (Lukas 24:25-27): ipinaliwanag niya ang halaga ng sakripisyo at pagpapakasakit bilang bahagi ng ating pagka-Kristiyano.
KAPOS NA ISIP. Hindi madaling unawain kung bakit hinayaan ng Diyos ang pandemya. O bakit nagkasakit at namatay ang isang mabuting tao? O bakit hinayaan ng Diyos na maghari ang masama sa lupa? O bakit binibigyan tayo ng Diyos ng matinding pagsubok? Ang lahat ng ito’y mananatiling misteryo sa atin. Walang kasagutan at katiyakan. Ang hamon lamang ay MANIWALA AT MAGTAYA SA MISTERYONG NG DIYOS SA ATING BUHAY. Manalig na hindi tayo pababayaan ng Diyos. At sa tamang panahon, mauunawaan natin ang lahat.
Maraming misteryo ang ating buhay. Marami tayong katanungan na walang kasagutan. At kung pipilitin nating hanapan ng kasagutan ang mga nagaganap, maari tayong humantong sa kawalan ng pag-asa at pananampalataya sa Diyos. Kung ganoon, anong maari nating gawin? Anong nais ituro nI Hesus sa ebanghelyo ngayon?
MAGPALALIM NG UGNAYAN SA ESPIRITU SANTO. Batid natin sa ebanghelyo ang lalim ng ugnayan ni Hesus są Diyos Ama at Espiritu Santo. Kung malalim ang ugnayan mo sa isang tao, hindi mo na kailangan pa ng paliwanag. Kahit hindi mo maunawaan ang kilos niya, alam mong walang mali, pandaraya at panlolokong nagaganap. Sa ating pagpapalalim ng ugnayan sa Espiritu Santo, makaaasa tayo ng kanyang pagtuturo sa aral ni Hesus. Unti-unti, sa gabay ng Espiritu Santo, makakakita tayo ng liwanag.
Nakikita mo ba ang halaga nang pagpapalalim ng ugnayan sa Banal ng Espiritu? Siya ang guro ng ating puso at pananampalataya. Ibibigay niya ang biyaya ng liwanag at unawa sa mga bagay na hindi natin maunawaan. At kung hindi man niya ipagkaloob ito, bibigyan niya tayo ng lakas ng loob at pagtataya na yakapin ang mga misteryo ng buhay.
LIWANAG SA PANAHON NG KADILIMAN. Sa panahon ng pandemya, maraming bagay ang hindi natin maunawaan. Marami ang nawawalan ng pananampalataya sa Diyos sa pagpupumulit na maunawaan ang lahat. Malinaw na sinabi ni Hesus na may mga bagay na hindi natin mauunawaan sa ngayon. Kaya’t huwag nating lubayan ang Diyos na hingin ang Banal na Espiritu na Manahan sa atin. Kinakailangan din na maging mapagbantay sa galaw ng masamang espiritu. At madalas, tulad nang sinabi ni San Ignacio de Loyola, ang masamang espiritu ay nagpapanggap bilang prinsipe ng liwanag. Siya’y naglalatag ng patibong upang manlinlang ng mga kaluluwa. Sinasamantala niya ang mga kadiliman ng ating buhay, ang panahon ng ating pagtatanong at pagdududa, at ang panahon ng ating kalungkutan at takot. Kaya’t magbantay at humingi ng biyaya ng pangingilatis sa Banal na Espiritu upang huwag malinlang ng masamang espiritu.
Anong madalas mong hilingin kay Hesus paggising mo sa umaga? Biyayang materyal ba o biyaya ng liwanag? Laging kapos ang ating pag-iisip na umuwa. Kaya’t naroon lagi ang tawag na magtaya kay Hesus. Huwa magmadali na makahanap agad ng sagot. Madalas, kailangan dumaan sa tatlong hakbang:
Nasain ang liwanag mula sa Banal na Espiritu,
tingnan ang buhay ni Hesus at matuto dito,
at hanapin ang kalooban ng Diyos Ama.
– Pitik-Bulag
——–
Mayo 12, 2021 – Mierkules
Ebanghelyo: Juan 16: 12-15