PITIK-BULAG: Ang Tunay na Mayaman
Matindi ang ating pagnanasa na makapag-impok ng kayamanang materyal. Maraming panahon at lakas ang ibinubuhos natin upang makapag-impok ng pera at makapagpundar ng mga bagay sa buhay. Ginugugol natin ang ating buhay upang makamit lamang ang lahat ng bagay sa mundong ito. At sabay sabi sa ating pagtanda, “Ngayon, maari na akong mag-retire, secured na ako sa buhay.”
Ngunit ilan kaya sa atin ang tunay na maligaya at kuntento sa buhay? Marami sa atin ang nag-iisa at walang kasama. Sapagkat ipinagpalit natin sa pera ang ating pamilya at kaibigan. May mga naging sakim sa atin. Pera na lamang ang inisip hanggang tumanda. Ang pera na inakala nating magpapasaya sa buhay, ang naging ating diyos-diyosan at sentro ng buhay. Naging alipin tayo ng kayamanan ng mundo. Narito ang kabalintunaan ng buhay. Kailangan pa ba nating humarap sa kamatayan upang mabuksan ang ating mata na wala sa paramihan ng pera ang tunay na ligaya? Walang halaga ang lahat kung hindi natin ito ginagamit upang bumuhay ng kapwa. Walang halaga ang lahat kung kinalimutan natin ang ating mahal sa buhay dahil lamang sa pera.
Isang babala ang ebanghelyo natin ngayon. Suriin ang ating pinahahalagahan sa buhay. Nasa sentro ba ng ating buhay ang mga kayamanang makamundo? Naitatabi ba natin ang ating pamilya, kaibigan at Diyos sa paghahanap natin ng pera? Hindi ka ba nakukuntento sa pera mo ngayon at nais mo pang madagdagan nang madagdagan nang madagdagan? Tingin ba ng ibang tao sa iyo ay mukhang pera? Maramot ka ba sa kapwa mo? Kuripot ka ba sa pagbibigay ngunit magarbo para sa sariling luho? Saan mo madalas ginagastos o dinadala ang pera mo?
Ang mga tanong na ito ang magsasabi kung ikaw ba’y kabilang sa mga TANGA na tinutukoy ng ating Panginoon. Balikan natin ang mga dahilan kung bakit tanga ang mga taong ang nasa isip lamang ay mag-impok nang mag-impok ng yaman sa buhay:
1. WALA SA DAMI NG YAMAN ANG KALIGAYAHAN.
“Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman; sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa dami ng kanyang kayamanan.” (Lukas 12:15),
Wala sa dami ng ating yaman ang ating seguridad at kaligayan sa buhay. Ito’y nasa dami ng ating natulungan at binuhay sa pamamagitan ng ating yaman. Mapapasaya ka ng pera mo ngunit hindi ito nagtatagal sa puso. Subukan mong gamitin ang pera mo sa pagpapaligaya ng iba, dobleng ligaya at hindi lilipas ang iyong madarama.
2. WALA SA PERA ANG SEGURIDAD SA BUHAY.
“Pagkatapos, ay sasabihin ko sa aking sarili, marami ka nang naipon para sa mahabang panahon. Kaya’t magpahinga ka na lamang, kumain, uminom, at magpakasaya!” (Lukas 12:19).
Huwag mo nang hintayin pang tumanda ka, upang maunawaan mo na walang tunay na ligaya kung wala kang pamilya at kaibigan na nagmamahal sa iyo. Hindi marunong magmahal ang pera. Hindi ka niya kayang bigyan ng mainit na yakap. HIndi siya marunong makinig sa iyong tagumpay at kabiguan. Walang puso ang pera upang magbigay ng ngiti sa pagsapit ng gabi.
Sa ating karanasan, walang tao ang nagiging kuntento sa kanyang yaman. Laging naroon ang tukso na dagdagan ng dagdagan pa ito.
3. DUKHA SA MATA NG DIYOS.
“Ganyan ang sasapitin ng sinumang nag-iipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos.” (Lukas 12:21).
Magpayaman tayo sa mata ng Diyos. Hindi tayo mamamayan ng mundo. Tayo’y mamamayan ng langit. Kaya’t nararapat lamang na ang mga yaman ng langit ang dapat nating pag-ipunan. Hindi ito lumilipas. Hindi ito nananakaw. Huwag maging tanga. Yaman ng langit ang dapat nating hanapin. Sa bangko ng langit dapat tayo mag-impok. Tandaan natin, kahit piso hindi natin madadala sa langit.
– Fr. Willy M. Samson, SJ
———
Oktubre 19, 2020 – Lunes
Ebanghelyo: Lukas 12: 13-21