Bato at Susi

LET IT BE DONE TO ME
August 22, 2020
BINDING AND LOOSING
August 23, 2020
PITIK-BULAG: Bato at Susi
 
Marami sa atin ngayon ang pagod, naguguluhan, natatakot at punung-puno ng alalahanin. Ilang buwan na rin ang ating ginugol sa paghihintay sa katapusan ng pandemnyang ito. Ngunit hanggang ngayon, tila walang pang tayong nakikitang solusyon sa pandenyang ito. Pagod na ang nakakarami sa atin. Marami na ang nawawalan na ng pananampalataya at nagtatanong kung nasaan ang Diyos?
 
Sa ating paghahanap sa Presensiya ng Diyos sa panahon ng krisis, magandang tanungin ang sarili, “Sino ba ang Diyos para sa akin? Sino ba si Hesus para sa akin?” Nakatago sa tanong na ito ang ating INAASAHAN SA DIYOS.
 
Ikaw ba’y disappointed sa Diyos ngayon dahil wala siyang ginagawa? O patuloy ka bang nagtitiwala na hindi tayo pinababayaan ng Diyos? Nakikita mo ba ang kamay ng Diyos sa nagaganap na krisis? Nawawalan ka na ba ng pag-asa?
 
Nasa sagot mo sa mga katanungang ito ang lalim at lawak ng iyong pananampalataya sa kanya. Sa mga katanungang ito mo mauunawaan kung kilala mo ba talaga ang Diyos o kung anong tingin mo sa Diyos.
 
Sa ating ebanghelyo, nang sumapit si Hesus at ang kanyang disipulo sa bayan ng Caesarea Philippi, agad niyang tinanong sila, “Sino ako para sa mga tao? Sino ako para sa inyo? (Mateo 16:13,15).” Magandang maunawaan na ang lugar na ito ay kilala bilang isang lugar nang maraming diyos-diyosan o pagsamba. Naririto ang mga templo ng iba’t-ibang Diyos mula sa maraming bansa. Kaya’t sinamantala ni Hesus ang pagkakataon na tanungin ang mga disipulo ng kanilang pagkakakilala sa kanya?
 
MALING SAGOT. Marahil nalungkot si Hesus sa tugon sa unang tanong: “Ang sabi po ng ilan, kayo si Juan na Tagapagbautismo. Sabi po naman ng iba, kayo si Elias. At may nagsasabi pong kayo si Jeremias, o isa sa mga propeta. (Mateo 16:14)” Sa likod ng kanyang pagtuturo, milagro, at pagpapagaling sa mga may sakit, ito lang ang kanilang tanging nakita. Nanatiling bulag ang mga tao sa mismong pagkatao niya. Siya’y isang propeta lamang sa mata ng tao.
 
TAMANG SAGOT. Kaya’t bumaling si Hesus sa mga disipulo at nagtanong kung sino siya? Namangha siya sa sagot ni Pedro, ““Kayo po ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buháy. (Mateo 16:16).” Dahil dito, binigyan niya si Simon ng BAGONG PANGALAN, PEDRO (ANG BATO) at ibinigay sa kanya ang SUSI NG LANGIT.
 
ANG TAWAG NI KRISTO. Sa dalawang bagay na tinanggap ni Pedro, naroon din ang dalawang tawag. Una, ang tawag na maging bato. Ikalawa, ang tawag na maging susi ng langit.
 
1. Ang Maging Bato. Ang anumang nasa ibabaw ng bato ay matatag at hindi nagigiba. Kay Pedro itinatag ang Simbahan. Kaya’t inaasahan na sa pamumuno ni Pedro, ang simbahan ni Hesus ay magiging matatag sa anumang krisis. Hindi magigiba ng anumang bagyo. Tayo ang simbahan sa pamumuno ng ating Papa Franciso. Walang pagsubok ang maaring sumira sa ating simbahan maging nang pandemya. Naroon ang tawag na maging bato tayo na masasandalan ng nawawalan ng pag-asa at pananampalataya. Sa panahon ng pandemya, tayo ba’y nagiging matatag na sandigan ng mga pinanghihinaan ng loob?
 
2. Ang Maging Susi ng Langit. Ibinigay sa Simbahan ang susi ng langit. Ito’y nangangahulugan ng tawag sa Simbahan ng maging daan ng pagkakaisa, pagpapatawad, at pananampalataya. Nawa’y maging daan din ang Simbahan ng biyaya ng Diyos. Sa panahon ng pandemya, paano ba tayo nagiging susi o daluyan ng kanyang biyaya at awa?
 
Sa panahon ng pandemya, tinatanong tayo ni Hesus, “Sino Ako para sa Ivo?” Kung ang sagot mo ay “Ikaw si Kristo. Ang taga-pagligtas ng sanlibutan.” Nakikita mo rin ba kung sino ka? Na bilang anak ng Diyos at disipulo ni Hesus, nakikita din natin ang hamon na sundan ang yapak ni Hesus na magligtas ng kapwa.
 
Sa panahon ng pandemya, nakikita mo lang ba si Hesus bilang tagapagligtas mo? O nakikita mo ang hamon niya, na maging bato ng pananampalataya bilang Sandigan ng naguguluhan o maging susi ng langit upang maglapit sa Diyos ng mga naliligaw ng landas.
 
– Pitik-Bulag
 
——–
Agosto 23, 2020 – Ika-21 Linggo sa Ordinaryong Panahon
Ebanghelyo: Mateo 16: 13-20

Leave a Reply

error: The Storytellers\' Society Inc. website content is protected.