parallax background

Gising! BFF ka ni Hesus!

Remain in My Love.
May 7, 2021
Tanga ka ba o Dakila?
May 8, 2021
PITIK-BULAG: Gising! BFF ka ni Hesus!
 
“Ito ang aking utos: magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo.” (Juan 15:12).
 
Madalas tayong mautusan ng ating mga magulang at nakatataas sa atin. Ngunit kung mahal mo ang nag-uutos sa iyo, agad-agad at masaya nating ginagawa ang kanilang ping-uutos. Sa ating ebanghelyo ngayon, ibinigay ng ating Panginoon ang dakilang utos … ang MAGMAHALAN SA ISA’T ISA. Dakila ang utos na ito, sapagkat hindi ito mabigat at nagpapalaya ito ng ating sarili sa pagiging makasarili. Sa pagsunod natin sa utos na magmahalan sa isa’t-isa, natatagpuan natin ang ating TUNAY NA SARILI at ang kahulugan ng TUNAY NA KALIGAYAHAN.
 
Ngunit hindi madaling magmahal ng iba, lalo na’t ibang-iba są atin ang isang tao. Yung tipong hindi natin ka-pamilya, ka-dugo, ka-barkada at kakampi. Hindi madaling magmahal ng iba, lalo na’t hindi tayo mahal ng iba.
 
Kaya nga sa ating pagbasa ngayon, minabuting iparamdam ng ating Panginoon ang kanyang pagmamahal sa atin. Na hindi tayo iba sa kanya …. NA MAHAL NIYA TAYO, HINDI ITO BIRO, HINDI ITO BOLA, HINDI ITO PANLOLOKO ..KUNDI TOTOONG-TOTOO. Ang upang mapatunayan niya ang lalim at lawak ng kanyang pagmamahal sa atin, binanggit ng ating Panginoon ang tatlong katotohanan na ito:
 
1. KAIBIGAN KITA. Hindi niya tayo itinurlng na alipin. Kaibigan ang turing niya atin. Ibinigay niya kanyang buhay para sa ating kaligtasan. Wala siyang itinago sa atin. Alam natin ang lahat ng kanyang ginagawa at sinasabi. What we see is what we get. Maging ang sinabi ng Ama sa kanya ay sinasabi niya sa atin. HIndi ba’t ito ang tanda ng pagiging magkaibigan? Walang sikreto, walang itinatago, lahat alam mo. (Juan 15:13-15).
 
2. ESPESYAL KA, PINILI KA NIYA. Bakit ikaw ang pinili niya? Bakit hindi ang iba? Hindi dahil sa pinakamagaling ka o pinakamatalino ka o pinakamaganda. Pinili ka niya, dahil NAKITA KA NIYA. MAY NAKITA SIYA SA IYO. ESPESYAL KA SA KANIYA. Dama mo ba na pinili ka niya? Alam mo ba na pinili ka niya? Isang malaking karangalan na pinili ka ng Diyos na mabuhay at mahalin niya. (Juan 15:16a).
 
3. INATASAN KA NIYANG LUMABAS AT MAGBUNGA. Kilala ka niya. Nais niyang sumaya ka at lumbago. Nais niyang makilala mo ang tunay mong pagkatao na nakaugat sa tawag na magmahal nang magmahal nang magmahal … nang walang inaasahang kapalit o bunga. Lumabas ka sa makasarili mong mundo at isipin ang iba. Lumabas ka sa iyong takot at kalungkutan. Ipagpag mo ang lahat ng mga negatibong bagay sa isip mo. Lumabas ka! Huminga ka ng bagong hangin ng paglilingkod at pagkakaroon ng bagong pag-asa. Huwag kang manatili sa nakaraan. Hindi mo na mababago yan. Huwag kang tumunganga lamang at naghihintay na bumalik ang dating buhay. Kilos na! Magbanat ng buto. Gumawa ng ibang bagay. Maging productive araw-araw. Kumampay ka at lumangoy. Nakakalunod ang walang ginagawa na kakaiba para sa kapwa. (Juan 15:16b).
 
Kung malinaw at feel mo na BFF mo si Hesus, kung malinaw sa iyo na ikaw ay ESPESYAL AT PINILI KA, at kung nakita mo na may mas malaking mundo kumpara sa mundong maliit na ginagalawan mo araw-araw …TIYAK NA MAKAKAKITA KA NG IBANG KAHULUGAN SA BUHAY, MAMUMULAT NA MAHAL KA NG DIYOS … AT TINAWAG KA NA MAGMAHAL NG KAPWA. (Juan 15:17).
 
Hindi ba’t may lukso ng damdamin tuwing may magsasabi sa iyo na BFF KA NIYA … NA MAHAL KA NIYA … NA ESPESYAL KA SA KANYA? HIndi mo ba naririnig ito kay Hesus? Baka hindi ka nagdarasal?
 
BFF ka ni Hesus. Huwag kang kokontra. Ito ang sinasabi niya sa iyo. Ihinto mo na ang pagdududa at subukang magtaya.
 
– Pitik-Bulag
 
——-
Mayo 7, 2021 – Biernes
Ebanghelyo: Juan 15: 12-17

Leave a Reply

error: The Storytellers\\\' Society Inc. website content is protected.