Kapit nang Mahigpit, Huwag Bibitiw.

Do Not Be Afraid.
May 4, 2021
Remain in My Love.
May 7, 2021
PITIK-BULAG: Kapit nang Mahigpit, Huwag Bibitiw.
 
“Ako ang puno ng ubas at kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang nagbubunga nang sagana, sapagkat wala kayong magagawa kung kayo’y hiwalay sa akin.” (Juan 15:5).
 
Mahalaga ang ugnayan sa buhay ng tao. Kailangan natin ng kasama, kapatıd at kalakbay sa buhay na ito. Ang taong hindi marunong makipag-ugnayan sa kapwa ay hindi marunong magmahal. Balikan mo ang pinakamalalim mong kalungkutan. Ito’y nakaugat sa mga nasirang ugnayan sa iba. Balikan mo ang pinakamalalim mong kaligayahan. Ito’y nakaugat sa malalim mong pakikipag-ugnayan sa iba. Balikan mo rin ang mga panahon na payapa ka buhay. Ito ang panahon na buong-buo ng iyong ugnayan sa Diyos. Hindi dahil sagana ka sa pera o materyal na bagay, kundi dahil dama mo na ikaw ay minahal at nagmahal ka rin.
 
Mga ilang punto nang pagninilay:
 
1. MANATILI KA. KAPIT NG MAHIGPIT! Ang salitang “manatili” (o remain) ay binanggit ng walong beses sa ating ebanghelyo. Tulad ng isang taong makulit, paulit-ulit na binanggit ni Hesus ang salitang MANATILI. Naroon ang masidhing paanyaya na MANATILI SA KANYA, anuman ang mangyari sa atin sa buhay. HIndi maaring bumitaw ang tangkay sa mismong sanga. Sapagkat hindi maaring mamunga ang tangkay kung wala sa sanga, at tiyak na mamatay ito kung wala sa sanga.
 
Balikan ang iyong buhay. Kay Hesus ka ba kumakapit anuman ang mangyari? Alam mo ba na tangkay ka lamang? Ang ating buhay ay nanggagaling sa Diyos. HIndi tayo maaring mabuhay ng sagana kung wala Siya sa buhay natin. Kaya’t naroon ang hamon na KUMAPIT NG MAHIGPIT, lalo na są panahon ng pandemia.
 
2. MAGPUTOL NG TANGKAY. Bahagi ng paglago ng halaman ang pagpuputol ng mga tangkay. Isang masakit na proseso sa may ari ng halaman at sa halaman mismo. Ngunit ito’y KINAKAILANGANG GAWIN upang lumago at magbunga ang halaman nang sagana. Walang paglago ng pagkatao kung walang pagpuputol at paglilinis ng ating pagkatao.
 
Ang pagpuputol sa halaman ay mahalaga:
 
A. PAGLILINIS. Inaalis ng tagapag-alaga ang anumang tangkay o sanga na hindi na namumunga. Maraming tangkay ang wala ng halaga, ngunit kumukuha pa rin ito ng sustansiya ng halaman. Kaya’t dapat lamang putulin.
 
May mga bagay sa buhay na dapat nang putulin o alisin. Sapagkat ito’y kumukuha o umuubos lamang ng ating lakas, panahon at kayamanan. Inordinate attachments ang tawag ni San Ignacio dito sa mga tangkay na walang kwenta, na data putulin.
Anong mga bagay ang dapat nang putulin sa iyo? Bakit hindi mo siya maputol? Anong takot mo? Magtiwala ka sa Diyos. Masakit man ito, ngunit ito ang magpapaganda ng buhay mo?
 
B. PAGPAPALAGO. Putulan ang Mabuting Sanga. Maging ang mabuting sanga ay dapat putulan upang yumabong at mamunga ng sagana. Bahagi ito sa kalikasan ng halaman. Isang misteryo ng pagyabong.
 
Isang katanungan sa marami kung bakit dumadaan sa pagsubok ang mabubuting tao? Bakit hinahayaan ng Diyos na sila’y dumaan din sa mabibigat na pagsubok? Ito ang isang kasagutan. Nais ng Diyosna lumago at mamunga nang marami ang mabubuting tao. Balikan mo ang buhay mo. HIndi ba’t pinabuti din tayo ng pagsubok sa buhay? HIndi ba’t marami sa atin ang guminhawa sa buhay dahil sa pagsubok sa buhay?
 
ANUMAN ANG MANGYARI, HUWAG BIBITIW. Kaya’t anuman ang mangyari sa buhay, huwag kang bibitiw sa iyong pananampalataya. Kapit-tuko, walang susuko. Huwag mong bibitawan ang panalangin mo, kahit na tila hindi sumasagot ang Diyos. Sige kapatid, magtampo ng sandali sa Diyos, pero huwag mo siyang iwanan, sapagkat wala tayong magagawa kung hiwalay tayo są Diyos. (Juan 15:5).
 
Sa panahon ng pandemya, maraming tangkay ang nalalagas mula sa puno. Isa ka ba dito? Naninilaw na ba ang pananampalataya mo o tuluyang natuyo ka na? Huwag manlamig sa pagsubok. Kapit lang nang mahigpit sa Diyos. Nagpapalago ng ating pagkatao ang pagsubok. At umasa na hindi tayo bibigyan ng Diyos ng pagsubok na hindi natin kaya. At kung hayaan man ng Diyos na dumaan tayo sa malalim na pagsubok, bibigyan niya tayo ng sapat na biyaya upang magtagumpay dito.
 
Mahalaga ang pananatili at pagpapalalim ng ugnayan natin sa iba, lalo na sa Diyos. Paugatin mo ang iyong ugnayan sa Diyos. Ito’y isang bagay na dapat gawin araw-araw. Sapagkat kung malalim ang ugnayan mo kay Hesus, hindi ka matatakot at mawawala sa landas. Dadaloy sa iyo ang Kanyang lakas, tapang, at sigasig na harapin ang mapagbirong buhay.
 
– Pitik-Bulag
 
———
Mayo 5, 2021 – Mierkules
Ebanghelyo: Juan 15: 1-8

Leave a Reply

error: The Storytellers\\\' Society Inc. website content is protected.