Makulit Ka! Okay Ka!

ARK OF THE NEW COVENANT
August 15, 2020
OTHERING
August 16, 2020
PITIK-BULAG: Makulit Ka! Okay Ka!
 
Madalas tayong mainis sa mga taong makukulit sa ating buhay. Yung kung may ginusto, ang maipilit ay maipilit. Hindi nila tayo lulubayan hangga’t hindi nila nakukuha ang ating atensiyon o ang kanilang hinihingi sa atin. Kaya’t madalas, kahit hindi mo nais ibigay ang kanilang gusto, ibinibigay na lang natin dahil sa kanilang kakulitan o pagpupumilit.
 
Ang ating ebanghelyo ngayon ay kwento ng isang babaeng makulit at mapilit. Ngunit kakaiba ang kanyang kakulitan. Ito’y wagas! Isang kakulitan na dumudurog ng puso ng Diyos. Sapagkat ang kanyang kakulitan ay nagmumula sa dalawang bagay: PAGMAMAHAL AT PANANAMPALATAYA. Ang dalawang bagay na ito ang nagpapabago ng situwasyon, nagpapabago ng puso at nagbibigay ng isang milagro. Tinuturuan tayo ng babaeng ito na walang matigas na puso sa harap ng isang matinding pagnanais, wagas na pagmamahal at malalim na pananalig. Ang babaeng ito ang magandang maging huwaran natin sa panahon ng pandemya. Dahil sa kanyang kakaibang kakulitan na bunsod ng pagmamahal sa kanyang anak at sa pananampalataya kay Hesus, hinipo ng babae ang puso ng ating Panginoon at pinagaling ang kanyang anak na inaalihan ng masamang espiritu.
 
Hindi masama ang pagiging makulit sa harap ng Diyos. Tanda rin ito ng pananampalataya. Nagpapakita ito ng ating tunay na hangarin (deepest desire) sa buhay. Narito ang tatlong punto tungkol sa kabutihan ng pagiging makulit sa harap ng Diyos.
 
1. Nagpapabao ng Situwasyon
 
Bilang isang Hentil at isang babae, malinaw sa babae na hindi siya dapat lumapit kay Hesus. May nakapagitan na pader sa gitna ng mga Hudyo at Hentil. Kaya’t malinaw sa kanya na hindi siya pakikinggan ni Hesus. Ngunit dalawang bagay ang malinaw sa kanya: Una. Alam niya ang nais niya: ang kagalingan ng kanyang anak (Pagmamahal). Ikalawa. Alam niya kung sino ang lalapitan niya: Si Hesus (Pananampalataya). Kaya’t inakyat niya ang pader na namamagitan sa kanya at Hesus. BInanggit niya ang kanyang hiling, “Panginoon, pagalingin mo ang aking anak.” Ngunit hindi siya pinakinggan ni Hesus at pinagtabuyan pa ng mg disipulo. Hindi naging hadlang ang situwasyon na ito, bagkus lalo siyang nagpumilit at naging makulit. Walang mataas na pader sa may WAGAS NA PAGNANASA. Tatalunin niya ang lahat. Kayat’ sinabi ng baboe, “Maawa ka sa akin” … at lumuhod, “Tulungan mo ako”
 
Anong situwasyon mo ngayon? Nawawalan ka na ba ng pag-asa? PInanghihinaan ka na ba ng loob? Bakit?
 
2. Nagpapabago ng Puso
 
Malinaw kay Hesus ang pakay niya sa mundo – ang kaligtasan ng Israel. Isang Hentil ang babae. Hindi siya kasama sa mapapalad, kaya’t hindi dapat pakinggan. Aso lamang ang kanyang katulad. Kaya’t ang sabi ni Hesus sa babae, “Ako’y pinadala lamang sa mga bayan ng Israel. Kaya’t hindi ko dapat itapon ang tinapay sa mga aso. Ito’y para sa anak ng Israel.” Matigas ang puso ni Hesus. Alam niya ang gusto niya. Ngunit alam din ng babae ang gusto niya, ang kagalingan ng kanyang anak. Kaya’t hindi siya nawalan ng pag-asa sa likod ng panunuya at pagbalewala sa kanya ni Hesus. Bagkus ginamit niya ang kanyang talino. Inamin niya na siya’y parang isang aso lamang, ngunit kahit na ang aso’y kumakain ng mumo mula sa hapag-kainan ng pamilya. Sa mga ganitong uri ng kakulitan at pangangatuwiran, nagbago ang puso ng ating Panginoon. NAKITA NI HESUS ANG LAWAK AT LALIM NG PANANAMPALATAYA NG BABAE SA KANYA AT PAGMAMAHAL SA KANYANG ANAK. Hindi ito patatalo. Hindi ito pagagapi sa mga pagkabigo at pagtanggi sa kanya. Ang mga ganitong tao na may wagas na pananampalataya ay may puwang sa puso ni Hesus.
 
Alam mo ba ang gusto mo sa buhay? PInaglalaban mo ba ito ng todo?
 
3. Nagbibigay ng Milagro
 
Sa lawak at lalim ng pananampalataya ng babae, hindi lamang mumo ang ibinigay ni Hesus sa babae. Nakuha niya ang kanyang minimithi – ang kagalingan ng kanyang anak. Sa kanyang kakulitan na dulot ng pagmamahal at pananampalataya, isang milagro ang naganap sa buhay ng babae.
 
Hinahamon tayo ng ating pagbasa ngayon na suriin ang ating pananampalataya at pagmamahal sa kapwa. Mabilis ba tayong mawalan ng pananampalataya, sigasig sa buhay, at tapang na magpatuloy sa likod ng pandemya. Kutob ng marami sa atin, hindi nakikinig ang Diyos. MAARING HIND NATIN MABABAGO ANG SITUWASYON, NGUNIT MAARI NATIN BAGUHIN ANG ATING PANANAW SA SITUWASYON.
 
Huwag kang magsasawa sa iyong panalangin. Kung malinaw sa iyo ang nais mo sa buhay (deepest desire), dito ka humugot ng kakulitan. Kung malinaw sa iyo na si Hesus lamang ang magbibigay katugunan sa iyong nais, huwag kang magsasawa sa pananalangin. Ibibigay niya ang iyong nais kung ito ang kanyang kalooban.
 
– Pitik-Bulag
 
——–
Agosto 16, 2020 – Kapistahan ni San Roque
Ebanghelyo: Mateo 15: 21-28
 

Leave a Reply

error: The Storytellers\' Society Inc. website content is protected.