PITIK-BULAG: May Panahon ang Lahat.
Walang bahid nang anumang malisya, lumapit kay Hesus ang mga alagad ni Juan Bautista upang magtanong kung bakit hindi nag-aayuno ang mga disipulo. Agad sinagot ni Hesus ang kanilang katanungan, “Dapat bang malungkot ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikinasal? Kapag wala na ito, saka pa lamang sila mag-aayuno.” (Mateo 9:15).
MAY PANAHON ANG LAHAT. HIndi binabalewala ni Hesus ang halaga ng pag-aayuno. Bagkus siya’y nag-ayuno ng 40 araw sa disyerto (Mateo 4:2). Hinikayat niya ang kanyang alagad na mag-ayuno sa pagpapalayas ng demonyo (Mateo 17:21). At nagbigay siya ng gabay kung paano mag-ayuno ng tama (Mateo 6:16). Malinaw kay Hesus ang halaga ng pag-aayuno. Ngunit malinaw din sa kanya kung kailan ito dapat gawin. Para kay Hesus, may panahon ang lahat ng bagay. At dapat maging malinaw kung bakit natin ginagawa ito.
DAHILAN NG PAG-AAYUNO. Malinaw kay Juan Baustista at sa kanyang mga alagad ang dahilan ng kanilang pag-aayuno. Ito’y isang kilos-puso ng matinding pagsisisi sa kasalanan at pagnanasang magbago. Sa mga Pariseo, ang pag-aayuno ay isang pagpapa-gwapo lamang. Nais nilang makakuha ng papuri sa mga tao. Hindi tagos sa puso ang kanilang ginagawa (Mateo 6:16-17). Ito’y isang kaplastikan laman.
At para naman kay Hesus, mahalaga sa kanya ang pag-aayuno, ngunit hindi ito nararapat gawin sa lahat ng araw. Para sa kanya, may panahon ang lahat ng bagay. Ngayong kasama niya ang mga disípulo, hindi ito panahon ng pagluluksa. Bagkus ito’y panahon ng pagdiriwang. Hindi ito panahon ng pag-aayuno. Panahon ito ng pagpapagaling, paghilom, pagpapalaya, pagbubuo at pagtatanim ng mabuting balita.
NARARAPAT NA KILOS. Maari ka bang dumalo sa birthday party ng hindi kumakain dahil diet ka? Maari bang magkwento ng malunkot kung nagdiriwang? Maari bang mag-rosaryo tayo kung kumakain ng almusal?
May nararapat na kilos sa bawat panahon. Ito ang kagandahan kay Hesus. Malaya ang kanyang isip at puso, kaya’t malinaw sa kanya ang dapat gawin. HIndi siya nakukulong sa anumang tradisyon. Puso ang pinakikilos ni Hesus. Hindi ang pagsunod lamang sa nakaugaliang tradisyon. May panahon ang pag-aayuno. May panahon ang pagdiriwang. May panahon ang lahat.
Kaya’t sinabi ni Hesus …
“Dapat bang malungkot ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikinasal? Kapag wala na ito, saka pa lamang sila mag-aayuno.” (Mateo 9:15).
HALAGA NG PANGINGILATIS. May panahon ang lahat. Kaya’t mahalaga na hanapin ang tamang kilos sa bawat sandali. Ito rin ang binanggit sa Ecclesiastes:
“Ang lahat sa mundong ito ay may kanya-kanyang panahon, may kanya-kanyang oras.
Ang panahon ng pagsilang at panahon ng pagkamatay;
Ang panahon ng pagtatanim at panahon ng pagbunot ng tanim.
Ang panahon ng pagpatay at panahon ng pagpapagaling;
Ang panahon ng paggiba at panahon ng pagtatayo.
Ang panahon ng pagluha at panahon ng pagtawa;
Ang panahon ng pagluluksa at panahon ng pagdiriwang.
Aang panahon ng pagyayakap at panahon ng paglalayo.
Ang panahon ng pagpunit at panahon ng pagtahi;
Ang panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita.
(Ecclesiastes 3:1-8).
Kaya’t napakahalaga ng pagdarasal at pangingilatis upang maging malinaw kung anong dapat gawin. Alam ni Hesus ang dapat gawin habang kasama ang mga alagad. Mabuting magpalalim ng ugnayan. Mabuting magkaroon ng kapatiran (fellowship). Mabuting gumawa ng magagandang alaala. Ito’y paghahanda na rin sa panahon ng kanyang pagpapakasakit at pagkamatay sa krus. At kung dumating na ang kadiliman, panahon na para sa mga alagad na mag-ayuno.
SA PANAHON NG PANDEMYA. Sa panahon ng pandemya at panahon ng kuwaresma, tinatawag tayo ng Diyos na manalangin, mag-ayuno at tumulong sa kapwa. Ang panahon ng pandemya ay panahon ng kahirapan, kagutuman at kalungkutani. Kaya’t nararapat na maging sensistibo sa pangangailangan ng iba at maging mapagmahal sa kapwa. Hindi ito panahon ng pagdarasal lamang, panahon din ito ng pagtugon. Hindi ito panahon upang hanapin ang sariling kapakanan. Ito ay panahon ng pagdamay at pakikiramay. Ito’y panahon ng pagtulong at hindi ng pagtulog. Ang pandemya ay panahon ng pagkakawang-gawa.
Malinaw ba sa iyo kung anong dapat mong gawin ngayon?
Panahon na para itanong ito.
– Piitk-Bulag
——–
Pebrero 19, 2021 – Biernes
Ebanghelyo: Mateo 9: 14-15