parallax background

Multo! Multo!

TO BE CHRIST
August 8, 2020
CONQUERING FEAR
August 9, 2020
PITIK-BULAG: Multo! Multo!
 
Marami sa atin ang takot sa multo. Tiyak na maninindig ang ating mga balahibo kung makakakita tayo ng taong nakalutang o di kaya nama’y naglalakad sa ibabaw ng tubig. Marami tayong kwentong naririnig tungkol sa multo. Ngunit kadalasan, sa gabi lagi nagpapakita ang multo. Anong meron sa dilim? May multo nga ba? O ito’y kathang isip lamang natin dahil sa ating takot? O baka naman takot lamang tayo sa dilim? O takot lamang tayong mag-isa? O baka naman dahil sa takot, pati kapwa natin ay napagkakamalan nating multo.
 
Ngunit, hindi ba’t nawawala ang ating takot sa multo kung TAYO’Y NASA LIWANAG, KUNG ALAM NATING HINDI TAYO NAG-IISA AT KUNG BIGLANG NAGPAKILALA ANG TAONG NASA DILIM? Kadalasan ay wala namang multo. Mas madalas nanggagaling ang multo sa ating isip BUNGA NG ATING TAKOT SA DILIM AT SA MGA BAGAY NA HINDI NATIN MAUNAWAAN … DITO TAYO MADALAS MAKAKITA NG MULTO!
 
Ang ating ebanghelyo ngayon ay tungkol kay Hesus na napagkamalang multo ng mga disipulo. Ngunit bakit nga ba napagkamalang multo ng kanyang mga disipulo si Hesus at sila’y pinagharian ng matinding takot? Kutob ko, ito ang mga dahilan: Una, TAKOT SA ISIP. Ikalawa, HINDI NILA LUBUSANG KILALA SI HESUS. Ikatlo, TAKOT NA MAG-ISA SA DILIM. Ika-apat, KAKULANGAN NG PANANAMPALATAYA SA DIYOS.
 
Maraming tayong kinatatakutan sa mundo. Ayaw natin sa dilim. Dito nagpapakita ang multo. Ayaw nating nag-iisa sa dilim. Kailangan natin ng KAIBIGAN NA MAHAHAWAKAN NG KAMAY AT MAGSASABI SA ATIN NA HUWAG MATAKOT. Ikaw? Anong madalas mong katakutan? Anong kinatatakutan mo ngayon? Sa gitna ng pandemya na ating dinaraanan ngayon, maraming multo ang lumilitaw sa ating isip. ISANG MAHABANG GABI ANG PANDEMYA. ISANG MULTO NA HINDI NATIN MAUNAWAAN, KAYA’T TAYO’Y PUNUNG-PUNO NG TAKOT. Anong aral ang mapupulot natin sa ebanghelyo ngayon?
 
1. ANG HALAGA NG PANANALANGIN KAY HESUS.
 
Malaking bahagi sa buhay ni Hesus ang panalangin. Hindi niya ito kinalilimutan. Sa ating ebanghelyo ngayon, inutusan niyang tumawid sa kabilang ibayo ang mga disipulo, ngunit PINILI UMAKYAT NG BUNDOK MAG-ISA UPANG MANALANGIN (Mateo 14:22). Alam niya ang halaga ng pananalangin bago tumawid sa kabilang ibayo. Nakikita niya ang halaga na KASAMA NIYA ANG DIYOS AMA. Pampawala ng pangamba at takot. Sa pananalangin, lumalalim ang pagkilala ni Hesus sa kanyang Diyos Ama.
 
Ngunit nakalulungkot na tila hindi nakita ng mga disipulo ang halaga ng panalangin. Wala isa man sa kanila ang nagsabing gusto rin nilang magdasal. HIndi nila nakita ang halaga ng may kasama sa pagtawid sa kabilang ibayo. Agad-agad silang tumawid sa kabilang ibayo, kahit wala si Hesus.
 
Nakikita mo ba ang halaga ng pananalangin sa panahon natin ngayon?
 
2. ANG TAKOT AY NASA ISIP LAMANG.
 
Mga mangingisda ang mga disipulo kaya’t sanay sila sa dagat. Ngunit para sa mga Hudyo, ang dagat ay lugar ng masamang espiritu. Idagdag mo ba dito ang dilim ng gabi, malakas na hangin, malayo sa pampang at nakasakay sa maliit na bangka. Kaya’t naroon sa kanilang isip ang matinding takot at pangamba. Kailangan nila si Hesus, ngunit iniwanan naman nila.
 
3. HINDI KA NAG-IISA.
 
Sumunod si Hesus upang samahan ang kanyang mga disipulo. Alam niyang hindi sila pwedeng mag-isa. Kaya’t agad sumunod upang samahan ang kanyang mga disipulo. Nararamdaman mo ba na hindi ka iniiwan ng Diyos? Na handa siyang sumunod kahit iniwanan natin siya sa pampang?
 
4. NGUNIT HINDI NILA NAKILALA SI HESUS.
 
Napagkamalan nilang multo si Hesus dahil hindi nila ito nakilala. Multo! Ang sabi nila! Kaya’t agad nagpakilala si Hesus sa tatlong kataga: “LAKASAN NINYO ANG INYONG LOOB. HUWAG KAYONG MATAKOT. AKO ITO (Mateo 14:27)” Isang salita ng pagpapakilala kung sino si Hesus sa ating buhay.
 
Sa salitang ito, naroon ang hamon na magiging matatag ang ating loob. Sapagkat ang tunay na unos ay nasa ating kalooban din. Wala sa labas. Naroon ang hamon na huwag matakot dahil kasama natin si Hesus. At higit sa lahat, ANG DIYOS MISMO ANG ATING KASAMA, ang ating Panginoon. “Ako ito.” Ang pangalan ng Diyos sa panahon ni Moises.
 
5. MAARI KANG MAGLAKAD SA TUBIG
 
Lakas ng lob ang nagtulak kay Pedro upang maglakad sa ibabaw ng tubig. Ngunit ang kanyang kawalan ng pananampalataya ang nagpalubog sa kanya. Kaya’t ang sabi ni Hesus, “O taong mahina ang pananampalataya, bakit ka nag-aalinlangan? (Mateo 14:31)” HInatulan din natin si Pedro. Ngunit MAS MASAHOL TAYO KAY PEDRO DAHIL HINDI TAYO UMALIS SA BANGKA UPANG SUMUBOK MAGLAKAD SA IBABAW NG TUBIG PALAPIT KAY HESUS. SI PEDRO ANG NAGBUKAS NG ATING MATA NA MAARI TAYONG MAGLAKAD SA TUBIG!
 
Ikaw, may karanasan ka ba ng paglalakad sa ibabaw ng tubig? O paglalakad sa ibabaw ng mga suliranin mo sa buhay? O nanatili kang takot at hindi man lang sumubok na tumalon sa tubig at iwanan ang iyong bangka? Mas masahol ka ba kay Pedro?
 
6. ANG TUNAY NA PAMPANG.
 
Nang humupa ang hangin, agad nasambit ng lahat, “Tunay na ikaw nga ang Anak ng Diyos (Mateo 14:33).” Hindi na nabanggit ng ebanghelyo na sila ay nakarating sa kabilang pampang. Sapagkat narating na nila ang tunay na pampang .. SI HESUS MISMO. Tulad ng sinasabi ng isang kanta, “Sa Diyos lamang mapapanatag ang ating kaluluwa, sa Kanya nagmumula ang aking pag-asa at kaligtasan.”
 
Ngayon, mas malinaw na sa akin bakit laging nagdarasal si Hesus. ANG DIYOS ANG KANYANG PAMPANG.
 
– Pitik-Bulag
 
——–
Agosto 9, 2020 – Ika-19 Linggo sa Ordinaryong Panahon
Ebanghelyo: Mateo 14: 22-33

Leave a Reply

error: The Storytellers\' Society Inc. website content is protected.