parallax background

Nasa Pagyakap at Pagtanggap.

Ang Espiritu ng Katotohanan.
May 22, 2021
May 22, 2021
PITIK-BULAG: Nasa Pagyakap at Pagtanggap.
 
“Kaunting panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita, at pagkaraan ng kaunti pang panahon, ako’y inyong makikitang muli.” (Juan 16:16).
 
Kakatwa, pitong beses binanggit sa ating ebanghelyo ang salitang “kaunting panahon na lamang….” Ito’y nagbabadya sa napipintong paghihiwalay niya sa disipulo. Sandali na lamang at tapos na ang kanilang maliligayang araw. Ngunit agad niyang sinundan ng isa pang katotohanan … “Ngunit sandali lang at magkikita tayong muli.” Parang sinasabi ng Panginoon na matutong maghintay at huwag mainip, sapagkat mapaparam din ang kalungkutang papalapit. Naroon ang hamon sa mga disipulo na huwag bibitiw sa kanilang pananalig sa Diyos. Kumapit nang mahigpit. Huwag mawalan ng pag-asa sa likod ng mga kalungkutan at kabiguang paparating. Sandali lang iyan. Magtiis. Yakapin ang kadiliman ng buong pananalig. Sandali lang iyan. At magtatagumpay muli ang liwanag.
 
Kung titingnan natin ang buhay, laging magkakambal ang dilim at liwanag, kalungkutan at kaligayahan, kabiguan at tagumpay, pagluha at pagtawa, karamdaman at kagalingan, gabi at dilim. At kadalasan, mabilis tayong mainip sa dilim, kabiguan at kalungkutan. Ayaw nating dumaan sa proseso ng buhay. Gusto nating madaliin ang lahat ng paghihirap. Ngunit habang kinakalaban natin ang proseso, tumatagal ang lahat. Habang hindi natin niyayakap ang kadiliman at kalungkutan, lalong humahaba ang ating paghihintay.
 
IKAW ANG NAGPAPATAGAL. Ngunit isang malaking kabalintunaan na kabaligtaran ang ating ginagawa. Ayaw nating lumabas sa dilim, kalungkutan, kabiguan, takot, at kawalan ng pag-asa. Sa likod ng ating mga pagsubok sa buhay, naroon lagi ang ating Panginoon. Sumasabay sa atin. Binibigyan tayo ng lakas upang paglabanan ang kadiliman at kasalanan, ngunit mas pinili nating lumangoy pa sa ating mga luha. Nariyan ang kamay ng Diyos upang tulungan tayong tumindig sa ating pagkasubasob, ngunit hindi natin siya pinapansin. At dahil dito, humaba ang panahon ng paghihirap natin. Ngunit kung nais nating bumilis ang lahat, kailangan nating yakapin ang krus ng ating buhay. At bibilis ang lahat patungo sa ating kaligayahan, kaayusan at kaliwanagan.
 
MAGKAKAMBAL. Malinaw ang turo ng Panginoon. Hindi mawawala sa buhay natin ang paghihirap at kalungkutan. Ngunit ito’y sandali lamang kung ito’y ating tatanggapi at kung may pananalig tayo sa kanya. Kailangan mamatay ni Hesus sa krus at iwanan ang mga disipulo, ngunit ito’y sandali lamang, sapagkat siya’y mabubuhay pagkatapos ng tatlong araw. May hamon na maghintay at magtiyaga. Huwag mainip. Tanggapin ang proseso ng pagkamatay at muling pagkabuhay. Magkakambal ito.
 
YAKAPIN ANG DILIM AT PAGHIHIRAP. Sa palagay ko, ang ating pagkainip ang nagpapatagal ng lahat. Nais kasi nating madaliin ang lahat. HIndi natin nakita ang halaga ng proseso. Hindi natin gustong masaktan ng matagal. Hindi natin gusto mahirapan ng matagal. Ayaw natin ng krus. Ngunit kakaiba ang Panginoon, nais niyang buhatin natin ang ating krus araw-araw. Yakapin ito. Sa pagyakap ng krus, gumagaan ito. Sa pagyakap sa ating mga pagsubok at hamon ng buhay, gumagaan ang ating pasan at tila bumibilis ang lahat. Bumibilis ang paggaling ng ating puso, bumibilis ang ating pagsaya. Bumibilis ang ating pagbangon. Sapagkat niyakap natin ang ating mga paghihirap bilang bahagi ng ating buhay.
 
BUMIBILIS ANG PANAHON. Sabi ng isang bilanggo, “Alam mo Fr. Willy, noong unang taon ko dito sa kulungan…parang sampung taon ang katumbas. HIndi ko kasi matanggap na bilanggo ako. Nainip ako nang todo. Pero mula ng tinanggap ko ito, nagbalik loob sa Diyos at naglingkod sa kanya, parang bumilis ang panahon. HIndi ko nga akalain, dalawampung taon na pala ako dito. Nag-enjoy na ako nang maglingkod sa Diyos. Niyakap ko ang krus ko.”
 
NASA PAGTANGGAP. Nasa pagtanggap sa katohanan at situwasyon ang paghaba at pag-ikli ng panahon ng paghihirap. Tanggapin natin na magkakambal ang dilim at liwanag, ang paghihirap at tagumpay, ang kalungkutan at kaligayan. Sa mga taong hindi niyayakap ang pandemya, ang dalawang taon na nakalipas ay parang sampung taon sa kanila. Subalit sa mga taong niyakap ito at gumawa ng mabuti, mabilis na lumilipas ang panahon. HIndi nila nakikita ang pandemya bilang pabigat sa buhay, kundi isang panahon na mapaglingkuran ang Diyos at kapwa.
 
Nasa pagtanggap lang iyan … at agad-agad, mapaparam ang iyong luha at lungkot. Hindi dahil wala na ang pagsubok at krus, kundi dahil niyakap mo lang ito ng may pananalig.
 
– Pitik-Bulag
 
——–
Mayo 13, 2021 – Feast of Our Lady of Fatima
Ebanghelyo: Juan 16: 16-20

Leave a Reply

error: The Storytellers\\\' Society Inc. website content is protected.