Sa Kabilang-Ibayo

THE SECRET OF MULTIPLICATION
August 2, 2020
Hear and Understand
August 4, 2020
PITIK-BULAG: Sa Kabilang-Ibayo
 
Ang buhay natin ay isang paglalakbay. Nais nating tumawid lagi sa kabilang-ibayo. Hindi tayo mapalagay na manatili lamang sa ating kasalukuyang kalagayan. Kailangan nating bumagtas sa mas maayos at magandang buhay. Likas sa tao ang maghanap ng paglago sa buhay o maghanap ng mas magandang buhay. Ngunit hindi madali ang bumagtas sa kabilang ibayo. Sapagkat naroon ang matinding pangamba at pag-aalinlangan sa tuwing nagbabalak tayong tumawid. Wala sa kamay natin ang pagtawid sa dagat. Takot tayong malunod. Naroon ang posibilidad ng unos at malakas na hangin. Kaya’t marami ang nananatiling nasa pampang na lamang. Sapat na kanya ang tanawin ang kabilang-ibayo. Ayaw na nilang magtaya. Ayaw nilang malunod. Ayaw nilang mabigo, masaktan o magtaya. Kaya’t ipinipikit na lamang nila ang kanilang mga mata sa alok ng Panginoon na iwanan ang dalampasigan at tumawid sa kabilang-ibayo.
 
Sa ating ebanghelyo ngayon, bago nanalanging mag-isa si Hesus upang manalangin, inutusan niya ang mga disipulo na tumawid sa kabilang-ibayo (Mateo 14;22). Hindi niya sinabi ang dahilan, ngunit sumunod ang mga disipulo ng buong puso. Ngunit wala man lamang nagsabi, “Magdarasal po kayo, maari po ba kaming sumama?” HIndi pa rin nakikita ng mga disipulo ang kahalagahan ng panalangin sa buhay. Hindi nila nakikita na dito kumukuha ng lakas at gabay ang ating Panginoon. Ngunit ako ba? Nakikita ko ba ang halaga ng panalangin sa aking buhay? Ito ba ang sentro ng aking pananampalataya? Mas nakatitig ba ako sa Diyos o sa mga suliranin ng aking buhay?
 
Nang nasa kalagitnaan na ng dagat ang mga disipulo, sumunod si Hesus sa mga disipulo. Ngunit napagkamalan siyang multo ng mga disipulo. Hindi nila nakilala si Hesus kaya’t natakot. Ngunit sinabi niya, “AKO ITO, HUWAG KAYONG MATAKOT.” Isang salitang nagbibigay ng lakas, ngunit isang salitang maririnig lamang natin sa pananalangin.
 
Anong nais mong tawirin sa buhay mo? Anong nasa kabilang-ibayo para sa iyo? Sa panahon ng krisis ng Covid-19, binabagtas natin ang isang dagat na punung-puno ng unos at malakas na hangin. Marami sa atin ang nawawalan na ng pag-asa at punung-puno na ng takot. May mga nawawalan na rin ng pananampalataya at pinanghihinaan na ng loob. Ngunit nakalimutan natin na HINDI TAYO NAG-IISA SA ATING PAGTAWID SA KRISIS NA ITO. KASAMA NATIN SI HESUS. HIndi mo ba siya naririnig ang kanyang salita, ““Huwag kayong matakot, ako ito!” (Mateo 14;27).
 
O baka naman talad tayo ni Pedro, naglalakad na sana sa tubig tulad ni Hesus, ngunit unti-unting lumubog ng mawala ang kanyang mga mata sa Panginoon, at nabaling sa sa malakas na hangin. Nasaan ang iyong mata ngayon? Sa Covid virus ba o sa Panginoon? Naririnig mo ba ang kanyang kalungkutan sa mga salitang, “Bakit ka nag-alinlangan? Napakaliit ng iyong pananampalataya!” (Mateo 14:31).
 
Anong nais mong tawirin ngayon? Mula sa pampang ng pagdududa patungo sa pagtataya? Mula sa galit patungo sa kahinahunan? Pagkasuklam patungo sa pagpapatawad? Mula sa takot patungo sa katapangan? Mula sa dilim patungo sa Liwanag? Mula sa “new normal” patungo sa “new new normal”? HUWAG KANG MATAKOT SUMAKAY SA BANGKA NG ATING PANGINOON. HINDI KA TATAWID NG MAG-ISA, NARITO ANG ATING PANGINOON UPANG SAMAHAN KA? NASAAN NA ANG IYONG PANANAMPALATAYA. Wala sa dalampasigan ang tunay na kaligayahan at pag-unlad, nasa pagtawid sa kabilang ibayo.
 
Huwag mong kalimutan na manalangin araw-araw. Ituon mo ang iyong mga mata sa ating Panginoon. Huwag mamalik-mata sa unos ng buhay, o sa Covid-19. Huwag kang patatakot. Huwag kang duwag, huwag kang bulag. Kasama mo si Hesus. Pakinggan mo ang kanyang tinig, “HUWAG KAYONG MATAKOT, AKO ITO.” Tulad ni Pedro, may kakayahan kang maglakad sa tubig. Huwag ka lang patakot sa unos sa lobo ng iyong puso. Magpakatapang. Huwag maging tanga. Magtaya at pumalaot. HINDI KA NAG-IISA. TAWID NA!
 
– Pitik-Bulag
 
——-
Agosto 3, 2020 – Lunes
Ebanghelyo: Mateo 14: 22-36
 
 

Leave a Reply

error: The Storytellers\' Society Inc. website content is protected.