Tanga ka ba o Dakila?

Gising! BFF ka ni Hesus!
May 7, 2021
A TALE OF TWO GIVERS
May 9, 2021
PITIK-BULAG: Tanga ka ba o Dakila?
 
Ikaw ang may kasalanan, dahil pinili mong magmahal.
 
Si Lucy, isang volunteer ng community pantry ang luhaang umuwi. Sa likod ng tagumpay ng community pantry sa isang squatters area, nakatanggap pa rin siya ng kritisismo sa mga taong simbahan. Kesyo bakit daw sa lugar na iyon, at bakit hindi sa ibang lugar. Sabi ko na lang, “You cannot please everybody. Tandaan mo yan. Gusto mo na bang sumuko?” Ngumiti lamang siya. Sabi ko sa kanya, “Ikaw pa rin ang may kasalanan, dahil pinili mong maglingkod kay Kristo.”
 
Si Ethel, isang physical therepist ng Ospital ng Maynila, ang umiiyak na umuwi dahil sa sobrang pagod. Walang pahinga, pagod, gutom, kulang sa tulog, masakit ang katawan at nagkaroon na ng singaw sa bibig. Tatlong daang tao ang natulungan nila kahapon. Pagod na si Ethel, pero gusto pa niyang balikan ang nasa tent para mag-counseling. Kahit hindi na kaya ng kanyang katawan. Sabi ko sa kanyang Mommy, “Si Ethel pa rin ang may kasalanan, dahil pinili niyang mahalin at paglingkuran si Kristo.”
 
TANGA KA BA O DAKILA? Ganito ang karanasan nang mga frontliners at volunteers ng simbahan sa panahon ng pandemya. Super pagod. Masakit ang buong katawan. Kulang sa tulog. Nagkakasakit. Okay na sana ito, ngunit minsan, inuusig ka pa ng ibang tao imbes na pasalamatan at suportahan. Ngunit ewan ko ba, kahit alam nilang may pag-uusig at hindi madaling maging frontliners o voluteers, dahil inilalalagay nila sa panganib ang kanilang buhay, pipiliin pa rin nila ito. Kaya sa mga umusig sa kanila, tanga at ignorante ang tawag sa kanila.
 
Tingnan mo ang nagtayo ng unang community party sa Maginhawa Village. Na-red tag pa at hinanapan ng permit to operate. Kailangan pa ba ng permit para tumulong sa kapwa? Gumagawa na nga sila ng paraan na tulungan ang gobyerno sa kanilang kakulangan na tulungan ang bayan sa kagutuman. Imbes na purihin at suportahan ng pamahalaan, pag-uusig pa ang tinanggap. Maging ang ating Pangulo Duderte, dumagdag pa sa pag-uusig at kritisismo sa mga nagsulputang parang kabute na community pantries. Ignorante daw ang mga gumagawa ng community pantry.
 
KAKAMBAL NG PAGLILINGKOD. Ang pang-uusig at kritisismo ay bahagi ng ating buhay bilang mga Kristiano. Tahasan itong sinasabi ng ating Panginoon sa ating ebanghelyo ngayon. Kung pinili mong mahalin at paglingkuran ang Diyos at kapwa, pinipili mo ring masaktan, masugatan at mahirapan. Ganyan talaga ang buhay. Kahit anong gawin mo, may tututol at kokontra. Gumawa ka ng masama, may tutuligsa sa iyo. Gumawa ka ng mabuti, may tutuligsa din sa iyo. You cannot please everybody. Kaya’t mas mabuting gumawa nang gumawa nang gumawa na lang ng mabuting bagay … at least, may kwenta at saysay pa ang buhay natin. Tanggapin mo ang katotohanan, kung may bida, laging may kontrabida. Ganyan talaga ang buhay, galit ang masasamang tao sa mabubuting tao sa maraming dahilan, tulad ng inggit o baka nakukunsensiya sila.
 
Sa ating ebanhelyo ngayon, nagbigay ng apat na dahilan kung bakit tayo inuusig ng ibang tao:
 
1. Ako muna, bago ikaw.
 
“Kung napopoot sa inyo ang sanlibutan, alalahanin ninyong ako muna ang kinapootan nito bago kayo.” (Juan 15:18).
Kung may umusig sa iyo o nahihirapan ka na sa paglilingkod sa kapwa, isipin mo na nauna na sa iyo si Hesus. Sa likod ng kanyang ginawang milagro at pagpapagaling sa may sakit, kritisismo lamang ang natanggap niya sa mga Pariseo. Itinuring pa nila na gawa ng demonyo ang kanyang pagpapagaling.
 
2. HIndi ka taga-mundo, taga-langit ka.
 
“Kung kayo’y taga-sanlibutan, kayo’y mamahalin nito bilang kanya. Ngunit hindi kayo taga-sanlibutan, kundi pinili ko kayo mula rito, kaya napopoot sa inyo ang sanlibutan.” (Juan 15:19).
 
Kahit anong gawin mong paliwanag, hindi ka nila mauunawaan. Dahil hindi ka taga-rito sa mundong ito. Gumagalaw ka sa larangan ng paglilingkod at pagmamahal. Ang wika mo ay pag-ibig. Ang wika ng mundong ito ay pagiging makasarili. Kaya’t bulag sila sa ginagawa mo. Dahil hindi sila taga-langit. Magka-iba kayo ng wavelength. Hindi mo sila ka-tribo, kaya’t huwag nang magtaka kung may pag-uusig at kritisismo.
 
3. Galit sila sa Bosing mo, kaya’t galit din sila sa iyo.
 
“Alalahanin ninyo ang sinabi kong ito: walang aliping higit kaysa kanyang panginoon. Kung ako’y inusig nila, uusigin din nila kayo.”
 
HIndi sila galit sa iyo. Galit sila sa Diyos. HIndi ba’t kung galit ka sa isang tao, galit ka rin sa lahat ng mahal niya?
 
4. HIndi nila kilala si Hesus, ang Bosing mo.
 
“Subalit ang lahat ng ito’y gagawin nila sa inyo dahil sa akin, sapagkat hindi nila kilala ang nagsugo sa akin.” (Juan 15:21).
 
Magkaiba kayo ng wavelength ng umuusig sa iyo dahil hindi niya kilala ang ating Panginoon.
 
DAGDAG PAG-UUSIG. At para naman sa nakararami, maaring wala kang kontrabida sa buhay mo, maaring hindi ka nakakaramdam ng kritisismo sa buhay mo. Ngunit magbantay, meron ka pa ring kalaban. Nariyan ang masamang espiritu na aktibong umuusig sa iyong pananampalataya sa panahon ng pandemya. Kung ikaw ay pinanghihinaan na ng loob, natatakot, nalulungkot o nagkakaroon ka na ng panic attack, tiyak na inuusig ka rin ng masamang espiritu. Magpakatatag. Bantayan ang puso at kaluluwa mo. Hindi nagpapahinga ang masamang espiritu. Pangarap niya na ma-depressed ka at sirain ang iyong buhay. Laban kapatid. Ganyan talaga ang sumusunod kay Kristo. Galit ang kampon ng dilim sa mga alagad ng liwanag. Kaya’t ang iyong nararamdaman ay isang uring pag-uusig din. Hindi galing sa tao, galing sa masamang espiritu.
 
O alam mo na kung bakit ka inuusig?
 
KUNG PAGOD KANA. Kung nais mong maging simple ang buhay mo, huwag mong piliing magmahal at maglingkod kay Kristo. Maging simpleng tao. Huwag nang sumawsaw pa sa paghahanap ng solusyon sa pandemyang ito. Ipikit mo ang iyong mata sa paghihirap ng tao. Sa bahay ka na lang. Safe ka pa. Walang kumplikasyon Walang kontrabida. Isipin mo na lang ang iyong sarili. Huwag nang mag-volunteer o maging frontliner.
 
Pero ang tanong, magiging masaya ka kaya? Kutob ko, baka mas maging malungkot ka sa buhay. Tinuruan ka ni Hesus na magmahal, kaya’t mahirap nang alisin ito. Bahagi na ng ating buhay ang paglilingkod. Kung iiwanan natin ito, iniiwanan din natin ang ating tunay na sarili at pagkatao. Baka nga mas nakakapagod ang huwag nang magmahal dahil natatakot tayonng masugatan ng ibang tao sa kanilang pang-uusig at kritisismo, pati na rin ang pang-uusig ng masamang espiritu.
 
Sa huling pagtutuos, mas nakakapagod na huwag nang magmahal. Mahirap turuan ang pusong huwag nang magmahal. Kaya’t bahala na … mas kayang nating dalhin ang sugat ng pang-uusig at kristisismo, kaysa sa sugat ng paglayo sa tawag ng paglilingkod.
 
Tanga ka ba o dakila? Sino ba ang tunay na mapalad? Sino kaya ang tunay na ignorante o tanga? Ang nang-uusig ba sa mga gumagawa ng mabuti o ang inuusig dahil pinili nilang magmahal?
 
Tandaan mo, sa huling pagtutuos, ang nagmamahal pa rin ang magwawagi.
 
– Pitik-Bulag .
 
——
Mayo 8, 2021 – Sabado
Ebanghelyo: Juan 15: 18-21

Leave a Reply

error: The Storytellers\\\' Society Inc. website content is protected.