Wala sa Taas, Nasa Baba.

Ang Pinakamagandang Alay.
April 5, 2021
Mahabaging Puso.
April 5, 2021
PITIK-BULAG: Wala sa Taas, Nasa Baba.
 
Sa panahon ng Kuwaresma, mahigpit ang paanyaya ng ating Simbahan na mag-ayuno, manalangin at manlimos. Ito ang tatlong mahalagang paghahanda ng puso upang magkaroon ng tamang disposisyon sa pagpapasok ng Mahal na Araw at muling pagkabuhay ni Hesus.
 
HALAGA NG PANALANGIN. Sa ating ebanghelyo ngayon, binigyang diin ang halaga ng pananalangin. Sa panalangin natin nakakapiling ang Diyos. Sa panalangin natin naririnig ang kanyang tinig, ang hamon na magbagong-buhay at magbagong-anyo. Ngunit gaano kahalaga sa atin ang pananalangin? Binibigyan ba natin ito ng halaga sa ating buhay? Naglalaan ba tayo ng panahon upang mapalalim ang ating ugnayan sa Diyos? At kung nanalangin tayo, anong laman ng ating dasal? Paano tayo magdasal? Nakikinig ba tayo sa Diyos o mas tayo ang nagsasalita sa dasal?
 
PATIKIM NG LANGIT. Nang dinala ni Hesus si Pedro, Juan at Santiago sa bundok, nais niyang ipalasap sa mga disipulo ang naghihintay na kaluwalhatian sa sinumang sumusunod sa kalooban ng Diyos. Batid niya ang kadilimang naghihintay sa mga alagad sa kanyang pagkamatay sa krus. Kaya’t nakita niya ang halaga ng pagpapakita sa kanila ng kanyang kaluwalhatian at pagka-Diyos. Isang patikim. Isang silip ng Langit. Kahit man lamang sandali. Makita nila ang patutunguhan ng lahat ng paghihirap. Upang magbigay ng lakas at inspirasyon sa mga disipulo sa panahon ng pagsubok. Ito ang hantungan ng lahat. Ito ang bunga ng anumang paghihirap at sakripisyo sa buhay.
 
Nasa panalangin ang patikim na Pagbabagong-anyo. Dito tayo nakakaramdam ng lakas at inspirasyon. Dito nawawala ang ating pagod. Sa panalangin gumagaling ang ating sugat. Nagkakaroon tayo ng lakas na magtaya at umasa sa Diyos. Sa panalangin, nakikita natin ang tamang daan.
 
Sa ating pang-araw-araw na buhay, naroon ang hamon ng manalangin lagi. Maraming nagaganap są pananalangin. Dito nagaganap ang ating pagbabagong-anyo.
 
DAAN NG PAGBABAGONG-ANYO. . Anong bang bunga ng panalangin sa atin? Ano bang itinuturo ng ating ebanghelyo ngayon tungkol sa panalangin?
 
1. UMAKYAT SA BUNDOK. (Markos 9:2). Ang pananalangin ay matutulad sa pag-akyat sa bundok. Sa Biblia, laging sa bundok nanalangin ang mga propeta, lalo na si Hesus. Naroon ang hamon na mag-isa. Hindi madaling manalangin. Ito’y tulad ng pag-akyat sa bundok. Kailangan mong gawin araw-araw, kahit na mahirap, hanggang sa Ikaw ay masanay. Huwag susuko sa pagdarasal. Sapagkat tuktok ng bundok, kita mo ang lahat. Sa panalangin din, makikita mo ang lahat. Ibang perspektibo sa buhay mo. Lahat ng angulo ng buhay ay makikita mo. Kung kasama mo ang Diyos, kita mo ang lahat.
 
2. NAKITA NILA SI MOSES AT ELIAS. (Markos 9:4). Sa pananalangin, malinaw nating naririnig ang dalawang bagay: Ang utos ng Diyos na dapat nating sundin (simbolo ni Moses) at ang tawag ng maging propeta ng Diyos (simbolo ni Elias). Ito ba ang pakay mo sa pananalangin mo? O nais mo lamang manghingi sa Diyos ng pabor? Hindi lamang petisyon ang panalangin. Sa pananalangin, tayo ang nagtatanong sa Diyos ng kanyang kalooban, at hindi ng gusto natin.
 
3. MAGTAYO TAYO NG TOLDA. (Markos 9:5). Namangha si Pedro sa nagaganap. Natikman niya ang langit at ayaw na niyang bumaba. Kaya’t naisipan niyang magtayo na lang ng tolda. Nalimutan natin na hindi pagtakas ang pananalangin. Bagkus ang panalangin ay paghingi sa Diyos ng lakas upang masunod natin ang kanyang kalooban. Maaring humahanap tayo ng kaunting pahinga sa panalangin, ngunit hindi natin nais takasan ang ating mga responsibilidad sa pananalangin.
 
4. PAKINGGAN NINYO SIYA. (Markos 9:7). Makinig. Ito ang layunin ng panalangin. Makinig sa Diyos. HIndi humingi. Ang pananalangin ay pakikinig, hindi pagsasalita. Ito ay dialogue, hindi monologue. Kalooban ng Diyos ang ating hinahanap, hindi ang gusto natin. Bilang mga disipulo ni Hesus, ang sundan siya ang ating nais. Sa pakikinig kay Hesus, hinuhubog niya ang ating puso patungo sa ating pagbabagong-anyo. Makinig kay Hesus.
 
5. WALA SILANG NAKITA MALIBAN KAY HESUS. (Markos 9:8). Solo Dios! Ito ang layunin ng panalangin. Nais nating makita natin si Hesus at wala ng iba. Tulad ni Hesus, sa kanyang pananalangin, wala siyang hinahanap kundi ang kalooban ng ama. Ang Diyos Ama lamang ang nais niyang makita.
 
6. NASA LUPA ANG TUNAY NA KAGANAPAN. HIndi rin nagtagal si Hesus at ang mga alagad sa bundok. PInatikim lang ni Hesus ang kanyang alagad ng kaluwalhatiang naghihintay sa kanila. Sapagkat ang ganap na kaluwalhatian ay matatamo sa lupa, hindi sa bundok. HIndi są panalangin, kundi sa paggawa. Hindi sa pagtakas sa krus, kundi sa pagharap sa mga pagsubok sa buhay. Dito nagaganap ang tunay na pagbabagong-anyo.
 
Kinailangang mamatay sa krus si Hesus upang maganap ang lubusang Pagbabagong-anyo. Kinakailangan din nating buhatin ang krus araw-araw, upang maganap ang ating pagbabagong-anyo. Sa panalangin, natitikman natin ang kaluwalhatian. Ngunit nasa krus ang kaganapan ng lahat.
 
– Pitik-Bulag
 
——–
Pebrero 28, 2021 – Ika-2 Linggo ng Kuwaresma
Ebanghelyo: Markos 9: 2-10

Leave a Reply

error: The Storytellers\' Society Inc. website content is protected.