PITIK-BULAG: Kumita ka ba?
Bilang mga nilikha at anak ng Diyos, malaki ang TIWALA ng Diyos sa atin. Kaya’t pinagkatiwalaan Niya tayo ng kayamanan, panahon, at talento upang gamitin sa mabuting paraan. Bilang mga katiwala ng Kanyang mga biyaya, inaasahan ng Diyos na palalaguin natin ito upang magkaroon ng MABUNGANG BUHAY. At sa huling panahon, isang pagsusulit ang magaganap upang tingnan ang ating buhay. SULIT BA ANG IYONG BUHAY? KUMITA KA BA? Ang ating ebanghelyo ay isang babala sa mga taong naging naging pabaya at hindi naging MABUTING KATIWALA ng mga kayamanan na bigay ng Diyos.
Upang maunawaan ang ebanghelyo ngayon, pagnilayan at pagdasalan ang mga sumusunod na puntos:
1. TIWALA SA KATIWALA. Tayo’y mga alipin lamang ng Diyos, ngunit pinagkatiwalaan ng Diyos ng kanyang kayamanan ayon sa ating kakayahan. Mula sa pagiging alipin, tayo’y naging katiwala. Malaki ang pagtitiwala ng Diyos sa ating kakayahan (Lukas 25:14).
2. MALIKSING PAGKILOS. Pagka-alis ng may-ari, mabilis na nangalakal (invest) ang binigyan ng 5 libo at 2 libong salaping ginto (Lukas 25:16). Ang kumita ang nasa isip nila. Handa silang magtaya. Mayroon silang tiwala sa sarili na kaya nilang mangalakal. Ngunit sa paanong paraan? Sa pamamagitan ng paggamit ng kanilang kayamanan sa kanilang kapwa. Ang ating pagbasa ngayon ay sinundan ng kwento ng huling paghuhukom: Noong ako’y nagutom, nauhaw, nakulong, nagkasakit, nawalan ng bahay at nawalan ng damit, tinunulungan mo ba ako? (Mateo 25: 31-46).
3. HUMUKAY AT ITINAGO ANG KAYAMANAN. Dahil sa matinding takot at kawalan ng tiwala sa sarili, ibinaon lamang ng taong binigyan ng isang-libong salaping ginto. Hindi niya ito winaldas, ngunit ito’y kanyang itinago lamang. Kaya’t wala siyang kinita (Lukas 25:18).
4. MAY PANAHON NG PAGSUSULIT. Bilang mga pinagkatiwalaan ng Diyos ng ating buhay at mga biyaya, dumarating ang panahon ng pagsusulit. Umaasa ang Diyos ng kita, o balik, o tubo mula sa ating buhay. Ikaw, kumita ka na ba? Malaki na ba ang iyong kita o wala? (Lukas 25:19).
5. BATAYAN NG PAGSUSULIT. Malinaw sa ating ebanghelyo na ang katapatan sa maliliit na kayamanan (earthly treasures) ang inaasahan ng Diyos sa atin. Ang pagiging matapat ay ang pagkakaroon ng tubo o kita sa buhay natin – ang pagiging tapat sa maliit na halaga. HIndi lamang nakikita ang katapatan sa pagsunod sa mga utos ng Diyos. Inaasahan ng Diyos na gagamitin natin ang ating buhay at biyayang kaloob Niya sa pagtulong sa kapwa. (Lukas 25:21)
6. MAY GANTIMPALANG NAGHIHINTAY. May tatlong gantimpala ang naghihintay sa mga matatapat na katiwala (Lukas 25:23):
a. Karangalan o papuri mula sa Diyos.
b. Kagalakan kasama ang Diyos.
k. Maging tagapamahala ng malaking kayamanan (eternal things, eternal life)
7. MAY PARUSANG NAGHIHINTAY. Malaking pagkadismaya ang ipinakita ng Diyos sa mga taong nagtatago lamang ng kanyang kayamanan dahil sa takot. May mga taong takot na mawalan ng pera, takot na mubusan ng pera, takot na tumulong, at takot na magmahal (Lukas 25:30).
Walang nakakaalam ng panahon ng pagsusulit. Ito’y magaganap sa ating pagkamatay. Kumita ka na ba? Kung darating si Hesus ngayon, may maipapakita ka bang kita? Matutuwa ba siya sa iyo? O naroon ang malaking panghihinayang na wala kang ginawang maganda sa buhay mo. Sulit ba ang buhay mo? Saan mo dinala ang kayamanan mo o mga biyayang bigay ng Diyos?
– Fr. Willy M. Samson, SJ
———-
Nobyembre 15, 2020 – Ika-33 Linggo
Ebanghelyo: Lukas 25: 14-30