parallax background

Dahil Pinili Mong Maging Iba.

Oo, Ikaw nga. Wala ng Iba.
February 19, 2021
Bulong ng Langit.
February 19, 2021
PITIK-BULAG: Dahil Pinili Mong Maging Iba.
 
Kung kakaiba kang mag-isip o kumilos, agad kang tatawaging baliw o nasisiraan ng bait. Kung hindi ka umaayon sa inaasahang galaw, sagot, pamumuhay o pananaw sa buhay, agad kang babansagang weird. Ganito mag-isip ang mundo, kaya’t madalas nakatatakot gumawa ng kakaibang bagay o magsalita ng iba, sapagkat natatakot tayong mabansagang baliw o may topak sa ulo.
 
Dahil dito, sumasang-ayon na lang tayo sa gusto nang nakararami at sumasabay sa alon ng mundo. Kinakatanta na lang natin ang paborito awit ng lahat, kahit hindi natin feel. Tumatawa na lang tayo sa joke ng lahat. Nagsusuot ng hindi natin gusto. Huwag lang ma-out of place. Huwag lang maging iba. Huwag lang masabing feeling special o pa-importansiya. Ayaw nating mawalay sa lahat. Natatakot tayong maging iba.
 
At dahil dito, maraming tao ang hindi tunay na masaya, sapagkat hindi nila magawa ang tunay na nais ng kanilang puso: na maging-iba o kakaiba, tumahak ng bagong daan, at magpahayag ng bagong pananaw. Mas nais nating pasayahin ang iba, hindi na ang ating sarili. Mas iniisip natin ang sasabihin ng iba sa atin, kaysa kung anong sasabihin ng Diyos sa atin.
 
Kasi, mahalaga sa atin ang sasabihin ng nakararami. Palibhasa, hindi natin gusto na maging iba o mahiwalay sa ating pamilya o kaibigan o komunidad. Kaya’t sige na lang, hindi na tayo sumusubok ng iba. Ginagawa na lang natin ang gusto ng iba, kahit hindi natin gusto. At kahit nakakakita na tayo ng mali, hindi na rin natin itinatama o hindi na tayo nagsasalita, dahil takot tayong usigin, takot tayong maging iba. Kaya’t hindi na rin tayo nakakakita ng pagbabago sa ating buhay na maaring magbigay nang kakaiba at malalim na kasiyahan.
 
Marahil ito ang naramdaman ni Hesus sa ating ebanghelyo ngayon. Binasangan siyang baliw ng kanyang mga kamag-anak mismo. Marahil ibang-iba ang buhay ni Hesus sa kanila. Ibang daan, kilos, pangarap at pananaw sa buhay ang kanyang ipinakikita. At dahil kakaiba si Hesus sa kanila, binansagan siyang baliw ng kanyang kamag-anak. Ngunit iba talaga si Hesus, hindi siya natinag at hindi niya dinibdib ang salita ng kanyang mga kamag-anak. Alam ni Hesus ang gusto niya, at gagawin niya ito. Hahamakin niya ng lahat, masunod lang niya ang gusto ng Diyos.
 
Sa mata ng tao, maaring baliw ang tawag kay Hesus. Ngunit sa mata ng Diyos, siya’y taong matino at matuwid ang isip. Alam ni Hesus ang gusto ng Diyos Ama, at handa niyang talikuran ang lahat, masunod lamang Niya ang kalooban ng Ama. Alam Niyang maraming magagalit sa Kanyang turo, lalo na ang mga Pariseo, ngunit handa niyang ipaglaban ito. Alam niyang napapailing ang kanyang pamilya nang iniwanan niya ang pagiging karpintero at magkaroon ng sariling pamilya. Hindi nila naunawaan si Hesus nang pinili pa niyang maging propeta na walang kinikita at magandang kinabukasan. Alam ni Hesus na pagtatawanan siya ng lahat, ngunit mas pinili Niyang maging baliw sa mata ng iba, kaysa talikuran ang kalooban ng Diyos. Samakatuwid, hindi tunay na baliw si Hesus, sapagkat malinaw na malinaw sa Kanya ang nais Niya sa buhay, ang sundin ang kalooban ng Diyos.
 
Ito rin ang naramdaman si San Pablo: “Kami’y mga hangal alang-alang kay Cristo; Kapag kami’y sinisiraan, mahinahon kaming sumasagot. Hanggang ngayon, kami’y parang maruming basahan, pinakahamak sa lahat ng tao sa mundo.” ( 1 Corinto 4:10,13).
 
Ikaw, tinawag ka na bang weird o baliw dahil sa pagsunod mo kay Kristo? Handa ka bang mabansagang baliw o sira ang ulo para sa iyong pananampalataya sa Diyos? O natatakot kang bang gumawa ng kakaiba o magsalita ng ibang pananaw, dahil natatakot kang pagtawanan o laitin ng iyong kaibigan?
 
Kung disipulo ka ni Hesus, dapat ka nang masanay na pagtawanan o laitin ng ibang tao. Ibang mag-isip ang mundo. Ibang-iba ang pananaw, pinahahalagahan at pangarap ng mundo kung ikukumpara sa turo ni Hesus. Kaya’t asahan mo ang madalas na banggaan o pagtatalo ng pamantayan ng mundo at pamantayan ni Kristo (Standard of the World vs Standard of Christ). Huwag ka nang magulat kung inuusig ka ng iba. Asahan mo na pagtatawanan ka ng iba dahil sa iyong pananampalataya. Dahil iba ka sa kanila. Dahil pinili mo si Hesus. Dahil pinili mo ang tunay na magbibigay sa iyo ng kaligayahan. Dahil pinili mong maging Ikaw.
 
– Pitik-Bulag
 
———
Enero 23, 2021 – Sabado
Ebanghelyo: Markos 3: 20-21

Leave a Reply

error: The Storytellers\' Society Inc. website content is protected.