Tapatan Tayo.

Hindi Ka si Superman at Wonder Woman.
April 5, 2021
May Panahon ang Lahat.
April 5, 2021
PITIK-BULAG: Tapatan Tayo.
 
Ikalawang araw ng Kuwaresma. Kahapon, tinapat tayo ng ating pananampalataya. Sa abo tayo nanggaling, sa abo tayo babalik. Isang tapat na katotohanan na dapat nating harapin. Ngunit nakalulungkot, kailangan ba nating tumanda, magkasakit, o malagay sa panganib upang magising sa katotohanan na ang lahat ay lumilipas. Na tayo’y tao. May limitasyon at hangganan. Hindi tayo Diyos. Kahapon, inilagay ang abo sa ating ulo, upang tandaan ang katotohanang ito, gissingen ang ating pusong natutulog at magbalik-loob.
 
Noong ako’y naglilingkod pa sa bilangguan ng Muntinlupa, mas tapat ako sa bilanggo sa Araw ng Abo. Sa pagpapahid ng abo, hindi ko sinasabi ang mga katagang, “Sa abo ka nanggaling, sa abo ka babalik” o kaya’y “Talikdan ang iyong kasalanan, at maniwala sa ebanghelyo.” Malabnaw at walang suntok sa budhi ang salitang ito. Gusto ng bilanggo, makarinig ng katotohanan.
Mas tapat kami doon. Kaya’t ang ginagamit kong salita sa Miyerkules ng Abo: “MAMATAY KA RIN.” Mas talab ito. Mas may suntok. Mas tapat sa katotohanan. Mas gumigising sa bilanggo na talikdan ang masamang gawa at tahakin ang daan ng pagbabago.
 
TAPAT ANG DIYOS. Nangako ang Diyos ng tunay na kaligayahan, kapayapaan at kaligtasan ng sanlibutan. Ngunit hindi niya sinabi na ito’y magiging madali. HIndi ito grasyang bumabagsak lang sa langit. Pinaghihirapan ito. Pinagpapawisan. PInaghihirapan ang biyayang nagtatagal. May pagsubok at tukso sa daan ng kabanalan. Asahan natin ang paghihirap at sakripisyon na bahagi ng pagiging disipulo. Kakambal ng pag-ibig ang paghihirap. Kung umiibig ka, ihanda ang sarili na yakapin ang lahat, pati na ang paghihirap at kamatayan ng sarili. Matapang ang umiibig. Hindi niya tinatakbuhan ang anumang pagsubok. Maaring takot siya sa simula, ngunit handa niyang harapin ang anumang pagsubok – sa ngalan ng pag-ibig. Napapagod din ang pag-ibig ngunit hindi ito sumusuko.
 
Kaya’t sa simula pa lamang, tinapat na ni Hesus ang kanyang disipulo. May pagsubok na darating. Kakambal ito ng pag-ibig. Kailangang yakapin at harapin ito. Bahagi ito ng buhay. Kaya’t maging ang Anak ng Tao ay kinakailangang magbata ng hirap hanggang kamatayan. Kung inutos ni Hesus, gagawin din niya. Hindi pala-utos si Hesus, ginagawa niya ang kanyang utos.
 
AKO MUNA, BAGO IKAW. Kaya’t sinabi ni Hesus sa mga disipulo, “Ang Anak ng Tao’y dapat magdanas ng matinding hirap. Itatakwil siya ng mga pinuno ng bayan, ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Siya ay papatayin ngunit sa ikatlong araw ay muli siyang mabubuhay.” (Lukas 9: 22).
 
TAWAG NG KABANALAN. Hindi ba’t mas mas madaling sundin ang isang utos kung may nauuna? Hindi ba’t nawawala ang takot natin kung may nagpapakita ng halimbawa? Hindi ba’t mas gusto nating marinig ang katotohanan, kahit na masakit? Kaya’t pagkatapos ipahayag ni Hesus ang Kanyang Kamatayan sa krus at muling pagkabuhay, binanggit din niya ang TAWAG NG KABANALAN …
 
“Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kinakailangang itakwil ang kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus, at sumunod sa akin.” (Lukas 9:23).
 
HAKBANG TUNGO SA KABANALAN. Tatlong Hakbang patungo sa kabanalan, tatlong hakhang patungo sa pakikiisa sa ating Panginoon. Isang Panginoon na piniling magmahal sa atin, kung kaya’t niyakap din niya ang paghihirap at sakripisyo na kakambal ng pag-ibig.
 
1. ITAKWIL ANG SARILI. Madalas, sarili natin ang ating inuuna. Kung sinong mahal mo, siyang inuuna mo. Kung mahal natin si Hesus, kailangan nating unahin siya. HIndi ito madali. Lalo na’t madali tayong matukso są tawag ng laman. Kaya’t naroon ang tawag na mag-ayuno, upang madisiplina ang ating sarili. Agere Contra! Labanan ang sariling kasakiman. Kasakiman ang kalaban ng pag-ibig.
 
2. PASANIN ANG KRUS ARAW-ARAW. Hindi krus ang ating pinapasan araw-araw. Pag-ibig ang ating pinapasan. Kakatwa ang krus sa buhay, kapag iniwasan mo, ito’y lalong bumibigat. Ngunit kung yayakapin, ito’y gumagaan. Sa mga pumapasan ng kanilang krus araw-araw, nalalasap nila ang nakatagong biyaya ng langit: kapayapaan ng puso at malalim na galak sa pakikiisa sa paghihirap ni Hesus.
 
3. SUMUNOD KAY HESUS. Isang babala sa lahat. Ang sumusunod kay Hesus ay handang mamatay para sa kanya. HIndi są pisikal na antas, kundi sa espiritual na pamamaraan. Naroon ang pagkamatay ng ating pagiging makasarili. Naroon ang pagbitiw sa ating gusto. Naroon ang pagbibitiw sa kagustuhan ng maghiganti at tahakin ang daan ng pagpapatawad. Naroon ang pagtitiwala sa Diyos na magiging mabuti ang lahat. At naroon ang hamon na gumawa ng mabuti, may bunga man o wala.
 
MAY TAGUMPAY NA NAGHIHINTAY. Hindi lamang paghihirap ang ang bunga ng pagsunod kay Hesus. Sinabi ni Hesus na siya’y mabubuhay sa ikatlong Araw. Narinig nang malakas ng mga disipulo ang kanyang paghihirap at pagkamatay. Ngunit hindi na nila narinig ang mga sumusunod na salita: May muling-pagkabuhay! Pinangunahan na sila ng dilim, hindi na nila nakita ang liwanag na paparating sa mga naging tapat na disipulo.
 
Sabi ng aking kaibigan, “Padre, mula ng minahal ko si Hesus, dumami ang pagsubok są aking buhay. Bakit gangon?” Ang aking tugon, “Hindi ba’t naging tapat si Hesus sa atin? Hindi niya sinabi na madali ang buhay, pero sinabi niyang hindi tayo iiwan. HIndi niya sinabi na hindi ka luluha, pero pupunasan niya ang iyong mga mata. Hindi niya sinabi na pupurihin ka lagi ng mga tao są kabutihan mo. Pero matutuwa siya na gumagawa ka ng kabutihan, may resulta man o wala. HIndi niya sinabi na yayaman ka sa materyal na bagay. Ngunit nangako siya ng buhay na walang-hanggan.”
 
Tapat siya sa atin. Wala siyang itinatago. Kaya’t hinahamon din tayo ni Hesus na maging tapat sa kanya. Tapat siyang magmahal. Kayang-kaya rin nating tapatan ito.
 
– Pitik-Bulag
 
———
Pebrero 18, 2021 – Huwebes
Ebanghelyo: Lukas 9: 22-25

Leave a Reply

error: The Storytellers\' Society Inc. website content is protected.