Kinalawkaw na Puso.

Moving Forward.
April 5, 2021
The Wounded Healer.
April 5, 2021
PITIK-BULAG: Kinalawkaw na Puso
 
Maraming may mga sakit ang nangangarap makapunta sa Our Lady of Lourdes sa France at Our Lady of Fatima sa Portugal upang gumaling. Ngunit umuuwi silang bigo. Hindi sila gumaling sa sakit, ngunit gumaling ang kanilang kaluluwa. Umuuwi silang may bitbit na bagong pag-asa, tatag ng loob at pananampalataya sa Diyos. Bitbit nila papauwi ang isang milagro na lampas pa sa kanilang hinihiling. Umuuwi silang may bagong puso. Isang pusong malinis. Isang bagong puso na handang tanggapin ang kalooban ng Diyos. Umuwi silang bitbit ang pagpapatawad at awa ng Diyos.
 
WALA KAY HESUS ANG KANILANG MATA. Sa ating ebanghelyo ngayon, narinig ng Diyos ang panalangin ng isang lumpo na tatlumpu’t walong taon nang naghihintay sa imbakan ng tubig ng Bethzata upang gumaling. Ngunit walang nagdadala sa kanya sa imbakan tuwing kınanaw na ng anghel ang tubig. Pangarap niyang gumaling, ngunit ang lahat ay nangangarap ding gumaling. Nasa imbakan ng tubig ang kanilang mga mata. Kaya’t hindi nila nakita si Hesus nang lumapit sa bulag at nag-alok ng pagpapagaling, “Gusto mo bang gumaling? (Juan 5:6).”
 
HABAG NG DIYOS. Naglabas ng hinanakit ang may sakit, “Ginoo, wala pong maglulusong sa akin kapag gumalaw na ang tubig; papunta pa lamang ako, may nauuna na sa akin.”At sinabi sa kanya ni Jesus, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.” Noon di’y gumaling ang lalaki, binuhat ang kanyang higaan, at lumakad. (Juan 5:7-9).
 
ANG MAS MAHALAGA. Ngunit hindi dito nagtapos ang ating kwento. Nagtago si Hesus sa harapan ng lumpo nang ito’y gumaling. Nais niyang manatiling lihim ang pagpapagaling. Araw ng Sabat niya ginawa ang pagpapagaling. Ayaw niya ng gulo at eskandalo kaya’t siya’y nagtago. Ngunit pinuntahan pa rin ni Hesus ang kanyang pinagaling upang magbigay ng babala, ““Magaling ka na ngayon. Huwag ka nang gumawa ng kasalanan at baka masahol pa riyan ang mangyari sa iyo.” (Juan 5:14).
 
Mga ilang aral na mapupulot sa ebanghelyo ngayon:
 
1. NAIS MO BANG GUMALING? Hindi lahat ng maysakit ay nais gumaling. Hindi lahat ng makasalanan ay nais magsisi at magbago. Taimtim na pagnanasang gumaling ang nais ni Hesus, kaya’t tinanong niya ang lumpo. Sa ating ebanghelyo ngayon, hindi sapat ang 38 taon na paghihintay upang maging tanda ng pagnanais na gumaling. Nais niyang bigkasin ng lumpo ang tunay na nais niya. Ito rin ang nais ng Diyos sa atin. Bigkasin natin: “Oo, nais kong gumaling. Oo, nais kong magbago.”
 
2. HANAPIN SI HESUS, HINDI ANG TUBIG NA NAGPAPAGALING. Si Hesus ang tunay na nagpapagaling, hindi ang tubig. At lampas pa ang kanyang ibibigay sa mga lumalapit sa kanya. Halos buong buong buhay na pinangarap ng lumpo na mapunta sa tubig, ngunit sa isang iglap lang, natagpuan niya ang kanyang tunay na hinahanap.
 
3. KAGALINGAN NG KALULUWA. Ang tanging hiling ng maysakit ay kagalingan ng katawan, ngunit pinagaling din ni Hesus ang kanyang kaluluwa. Hindi tubig ang kinalawkaw ni Hesus, kinalawkaw niya ang puso ng lumpo. At inutusan niyang tumindig, kunin ang higaan at maglakad.
 
4. HUWAG NANG MAGKASALA PA. Sa likod ng posiblidad na makilala siya ng lumpo, binalikan niya ito upang magbigay ng isang babala … HUWAG NANG MAGKASALA PA AT BAKA MAY MASAHOL PANG MANGYARI SA IYO.”
 
Sa mga salitang ito, malinaw na hindi lamang katawan ang pinagaling ni Hesus, kundi pati ang kaluluwa ng lumpo. Pinatawad ni Hesus ang kanyang kasalanan.
 
Batid ni Hesus na mas kailangan ng lumpo ang kagalingan ng kanyang kaluluwa, kaya’t ginawaran din niya ito ng pagpapatawad at awa. Ngayon, mas nauunawaan ko kung bakit patuloy na dinadagsa ng tao ang Lourdes sa France o Fatima sa Portugal. Totoong may nagaganap na milagro sa mga banal na lugar na ito. Ngunit hindi lamang pisikal na kagalingan, kundi espiritual na kagalingan. At hindi lamang ang lugar ang kanilang nakita, nakita rin nila ang Diyos na buong buhay nilang hinahanap.
 
Ang puso nila ang kinalawkaw ng Diyos. At naramdaman nila ang tunay na kagalingan.
 
– Pitik-Bulag
 
——–
Marso 16, 2021 – Martes
Ebanghelyo: Juan 5: 1-16

Leave a Reply

error: The Storytellers\' Society Inc. website content is protected.