PITIK-BULAG: Itabi ang Takot at Magpakatatag.
“Huwag mabagabag ang inyong kalooban; sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya din kayo sa akin.” (Juan 14:1).
Marami sa atin ang natatakot at naguguluhan sa gitna ng pandemya. Nagpunla ng pangamba sa ating puso ang pandemyang ito. Naroon sa atin ang matinding takot na magkasakit ng Covid, pati na rin ang ating mga mahal sa buhay at kaibigan. Idagdag mo pa dito ang kawalan ng hanap-buhay at walang malinaw na kinabukasan. Wala tayong mapanhawakan na matatag o masandalan na magbibigay ng kapayapaan sa ating puso a isip na punung-puno ng takot.
Sa gitna ng ating pangamba at takot, ang tanging nagbibigay sa atin ng lakas ay ang mismong salita ni Hesus: “Huwag mabagabag ang iyong kalooban, sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya din kayo sa akin.” (Juan 14:1). Isang simpleng utos na mapanghahawakan natin sa gitna ng pagsubok. Sa krisis na ito, Diyos lamang ang maari nating sandalan at pagkatiwalaan.
Ngunit hindi ito madaling gawin. Lalo na’t nariyan na mismo sa ating tahanan ang Covid. Lalo na’t natutulog na tayo na kasama ng Covid mismo. HIndi na natin ito maitatanggi. Kailangan nating yakapin na nariyan na iyan. Bahagi na ng ating pagsubok. Kaya’t mas makabubuting harapin na lamang ng buong tapang, determinasyon at pagtitiwala na hindi tayo pababayaan ng Diyos, anuman ang mangyari.
Sa ating ebanghelyo ngayon, papalapit na sa kanyang pagpapakasakit at pagkamatay sa krus ang ating Panginoon. Ngunit siya pa ang nagbibigay ng lakas ng loob sa mga disipulo. PInangunahan na nang matinding takot ang disipulo, ngunit malinaw kay Hesus ang kanyang patutunguhan – ang tahanan ng kanyang Ama.
“Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid. Kung hindi ito totoo, sasabihin ko ba sa inyong pupunta ako roon upang ipaghanda ko kayo ng inyong matitirhan?” (Juan 14:2).
Ang dalawang tahanan natin: Buhay Panalangin at Buhay Pagtupad sa Kalooban ng Diyos.
1. ANG PANALANGIN BILANG TAHANAN. Alam natin ang kahulugan ng tahanan. Mahalaga sa atin ang ating tahanan. Dito tayo umuuwi upang magpahinga. Dito tayo nagiging totoo sa ating sarili. Dito tayo pumapayapa. Sapagkat sa tahanan, mayroon tayong Tatay o Nanay na nagsasabi sa atin na hindi tayo nag-iisa. May kasama tayo. May kasangga na tayo. May pagsusumbungan tayo. May tagapag-tanggol tayo. Sa ating puso, nananahan ang Diyos … kaya’t alam natin ang daan patungo sa ating tahanan (Juan 14:4). Ang panalangin ang ating tahanan na kung saan ating kinatatagpo ang Diyos.
2. ANG KALOOBAN NG DIYOS BILANG TAHANAN. Ngunit sa konteksto ni Hesus, hindi lamang ang pisikal na tahanan ang tinutukoy niya. Sa mismong buhay ni Hesus, malinaw na ang pagtupad sa kalooban ng Diyos Ama ang kanyang tahanan. Kaya’t sinabi niya sa mga alagad na ALAM NILA ANG DAAN. Sapagkat inaanyayahan din ang mga disipulo na gawin ang kalooban ng Diyos.
ANG TANGING DAAN PAUWI SA AMA. Si Hesus ang mismong daan pauwi sa Ama. Sinabi niya, “Ako ang daan ….Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” (Juan 14:6).
Si Hesus ang daan. Naroon ang hamon na ituon natin ang ating mga mata sa buhay ni Hesus. Ang kanyang mismong SALITA AT GAWA ang magbibigay sa atin ng malinaw na halimbawa kung paano natin matutupad ang KALOOBAN NG DIYOS AMA – ang ating TUNAY NA TAHANAN.
LAMPASAN MO ANG TAKOT. Aminin natin na hindi nawawala ang takot sa ating puso. Bahagi na ito ng ating buhay. Ang pagkakaroon ng takot sa puso ay hindi tanda ng kawalang pananampalataya. Ang nais ng Diyos sa atin ay ITABI ANG TAKOT, MAGPAKATAPANG AT MAGTAYA SA PANGAKO NG DIYOS NA HINDI NIYA TAYO PABABAYAAN. HIndi tayo dapat pumayag na maging hadlang ang takot sa ating pagnanasang gawin ang kalooban ang Diyos sa panahon ng pandemya.
Sa panahon ng pandemya, sinasamantala ng masamang espiritu ang situwasyon. Binubulabog ka niya. Pinakikita niya ang dilim ng mundo upang takutin ka. Huwag magpaloko at magpalinglang. HIndi lamang DISGRASYA ANG MAKIKITA MO SA MUNDO, MAS MARAMI PA RING GRASYA. Huwag mabulabog sa kabog ng dibdib. Magdasal lagi. Pumayapa sa presensiya ng Diyos. Buksan ang iyong mga mata ng pananampalataya, at makikita mong nag-uumapaw ang BIYAYA NG DIYOS. Puno ng bakas ng kanyang mga paa ang buong paligid. Ngunit dahil sa ating matinding takot, hindi na natin ito nakikita.
Anong mga takot mo ngayon? Bakit ka pinanghihinaan ng loob? Anong madalas mong pakinggan sa puso mo? Tinig ng dilim o tinig ng liwanag? Subukan mong manalangin. Makinig sa tinig ni Hesus. Anong ipinagagawa sa iyo ni Hesus sa panahon ng pandemya?
– Pitik-Bulag
———
Abril 30, 2021 – Biyernes
Ebanghelyo: Juan 14: 1-6