parallax background

Ang Magmahal Nang Magmahal Nang Magmahal

PRAYER 101
August 6, 2020
The True Worship
August 7, 2020
PITIK-BULAG: Ang Magmahal Nang Magmahal Nang Magmahal
 
Si Richie Fernando, isang Heswita, kasama ko sa Sacred Heart Novitiate noong 2001. Mahilig siyang magtanim ng puno kahit sa oras ng siesta. Ang sabi ko sa kanya, “Rich, sisirain lamang ng traktora ni Mang Rudy ang mga itinatanim mong puno. Sayang lang ang pagod at oras mo. Ikalawa, maraming taon ang bibilangin bago mo matikman ang bunga ng mangga na itinatanim mo.” Ngumiti lamang si Richie. Hindi ko malilimutan ang sagot niya, “Alam ko. Ngunit alam ko rin na hindi lahat nang itinatanim ko ay masisira ng traktora. Alam kong may makaliligtas, kahit isa.” Ngumiti na lamang ako sa sagot niya. Sa likod ng aking pagdududa sa kanyang giinagawa, humahanga ako sa kanyang pagtataya. Lumipas ang panahon, nakalimutan ko na ang lahat, hanggang sa ako’y naging Paring Heswita.
 
Dawampu’t siyam na taon na ang lumipas. Sa tuwing pumapasyal ako sa Sacred Heart Novitiate, kapansin-pansin ang malalaking puno na nagbibigay ng lilim at ang mga punong mangga na hitik sa bunga. Mga puno ni Ritchie ang iba dito. Tama si Richie. Hindi lahat ng kanyang itinanim ay kinain ng traktora. Nabuhay ang iba! Sayang, wala na si Richie. Hindi niya nakita ang bunga ng kanyang pinagpaguran. Dagdag pa niya noon, “Hindi man ako makinabang sa mga itinanim ko, may makikinabang nito sa darating na panahon. Nagtatanim ako ng puno, hindi para sa akin, kundi para sa iba.” Hindi ko akalain, ako pala’y makatitikim ng pinagpagurang mangga ni Richie. Matamis siya. Kakatwa, parang nalasahan ko ang pagmamahal ni Richie sa manggang kinain ko. 
 
Nong taong 1996, namatay si Richie sa Cambodia. Gamit ang kanyang katawan, iniligtas niya ang kanyang mga estudyante sa sumabog na granada. Sa loob-loob ko noon, “Nagtanim na naman si Richie.” Ngunit hindi puno ang kanyang itinanim – ang buhay niya para sa iba. Tulad ng dati, hindi na naman niya nakita ang ang bunga ng kanyang ginawa. Ngunit hindi na ito mahalaga.
 
Hindi naghihintay ng kapalit, bunga o malinaw na resulta ang mga nagmamahal. Hindi na ito mahalaga sa kanila. Ang magtanim, magtanim at magtanim ang tanging nasa puso. Alam nilang may pagod, pawis at sakripisyo na masasayang. Alam nila na may kabutihang itinanim na masasagasaan lamang  ng kasamaan, kapabayaan at karahasan. Ngunit alam din ng mga umiibig, hindi masasayang ang ng lahat ng kanilang itinanim na kabutihan at pinagbuhusan ng pagod. Hindi sila takot sa traktora. HIndi sila nagbibilang. Hindi sila tumitingin sa resulta. HIndi sila naghahanap ng papuri o ganansiya o tagumpay o balik ng kanilang pinagpaguran. Hindi naghihintay ng kapalit, bunga o malinaw na resulta ang marunong magmahal. Hindi na ito mahalaga. Ang magtanim, magtanim at magtanim ang tanging nasa puso. Kahit na may mga traktora.
 
Pinagtawan namin si Richie noon nang magtanim siya nang maliliit na puno. Alam naming sisirain lamang ito ng traktora ni Mang Rudy. Ngunit ngayon, alam kong humahalakhak si Richie. Parang naririnig ko ang boses niya, “Nakita mo na!”
 
Totoo, nasa nagmamahal ang huling halakhak. Wala sa traktora.
 
– Pitik-Bulag

Leave a Reply

error: The Storytellers\\\' Society Inc. website content is protected.