parallax background

Laway Lang ang Gamot.

Sulit ang Pagiging Makulit.
April 5, 2021
The Meaning of Love.
April 5, 2021
PITIK-BULAG: Laway Lang ang Gamot.
 
Umaalingawngaw sa ebanghelyo ngayon ang madalas na kalagayan ng mga disipulo sa harap ng Panginoon. Sila’y mga bingi at pipi sa larangan ng pakikinig at pagpapahayag ng Mabuting Balita. Masasabi natin na hindi rin tayo naiiba sa mga disipulong bingi at pipi.
Taimtim na nakikinig ang mga disipulo sa kanilang guro, ngunit hindi nila laging nauunawaan ang sinasabi ni Hesus. Hindi nila ma-gets ang mensahe ng kanilang guro. Lagi silang natutulala. Nararamdaman nila ang tusok-puso ng mga turo ni Hesus, ngunit kinakapos sila sa pang-unawa.
 
Madalas ding gumamit ng talinghaga si Hesus kaya’t lalong nagiging mahirap sa mga disipulo na maunawaan ang turo ng kanilang guro. Kaya’t lagi silang nagtatanong at humihingi ng paliwanag pagkatapos ng kanyang pagtuturo. Mabuti na lang, matiyagang magpaliwanag si Hesus sa mga disipulo na laging NABIBINGI AT NAPIPIPI SA KANYANG MGA ARAL.
 
“Nagsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng talinghaga sapagkat tumitingin sila ngunit hindi nakakakita, at nakikinig ngunit hindi naman nakakarinig ni nakakaunawa man.” (Mateo 13:13).
Ngunit hindi lamang ang mga disipulo ang nahihirapang unawain si Hesus. Maging ang mga tao, lalo na ang mga Pariseo at eskriba ay nag-aapuhap din ng liwanag. Ang pagkakaiba lamang ng dalawa, bukas ang puso ng mga disípulo sa katotohanan, samantalang matigas na ang puso ng mga Pariseo at eskriba. Naging bato na ang mga hintutuli sa kanilang taínga.
 
Isama rin natin ang ating sarili sa pag-aapuhap na maunawaan ang Salita ng Diyos at ang kanyang kalooban. Idagdag pa natin dito ang araw-araw na talinhaga, misteryo at pagsubok sa buhay. Para rin tayong mga bingi, naghahanap ng sagot. Nagbabasa tayo ng Salita ng Diyos, ngunit marami tayong hindi maunawaan. Para rin tayong pipi, tinuring tayong mga disipulo ni Hesus, ngunit nanatili tayong tahimik sa pagpapahayag ng mabuting balita at katotohanan.
 
Anong gamot o solusyon sa ating pagiging bingi at pipi? Anong maari nating gawin? Ang ebanghelyo ngayon ay nagbigay ng tatlong hakbang upang makarinig at makapagsalita tayo:
 
1. LUMAYO MUNA SA KARAMIHAN. Sa ating ebanghelyo, inilayo ni Hesus ang lalaking bingi at pipi sa karamihan (Markos 7:33). Binibigyan ng diin ni Hesus ang halaga nang paglayo at pananahimik kasama ang Diyos. Mahalaga ang paglayo at pakikinig sa Diyos bilang disposisyon upang maunawaan ang kanyang kalooban at aral. (Prayer).
 
2. MAGHINTUTULI MUNA. Isinuot ni Hesus ang kanyang daliri sa tainga ng lalaki (Markos 7:33). Kung puno ng hintutuli ang tainga, malamang na hindi ito makakarinig. Madalas, hindi tayo bingi. Madumi lang ang ating tainga. Kailangan lamang linisin ang tainga upang makarinig nang maayos. (Removal of Inordinate Attachments).
 
Sa ating buhay pananampalataya, pinipili natin ang gusto nating marinig (selective hearing). Madalas, ang ating matigas na puso, maling opinyon at mga pinahahalagahan ang nagiging sagabal sa pakikinig sa Diyos. Matigas ang ating ulo. Pinipilit natin ang atin, kahit na mali. Kaya’t hindi tuloy natin maunawaan ang salita ng Diyos. Maghintutuli ka. Itabi muna ang iyong opinyon at paniniwala upang maunawaan si Hesus. We need to unlearn old things in order to learn new things.
 
3. LAWAY ANG GAMOT. Pagkatapos, dumura si Jesus at ipinahid ang kanyang laway sa dila ng pipi (Markos 7:33). Isang nakapandidiring kilos ang ginawa ni Hesus sa lalaki. Ngunit siya’y guro at mangagamot, alam niya ang dapat gawin. Laway ang gamot sa nauusog. Kaya’t laway naman ni Hesus ang gamot sa mga katulad natin na nausog ang dila sa pagpapahayag ng mabuting balita. (Contemplating the Word of God).
 
Sa Lumang Tipan, may paniniwala na nasa laway ng propeta ang mabuting balita o salita. Naroon ang Espiritu ng Diyos sa mismong laway ng propeta kaya’t punung-puno ng karunungan ang salita. Ang pagpapahid ni Hesus ng kanyang laway sa dila ng lalaki ay tanda ng pagnanais ni Hesus na mabahiran ng Salita ng Diyos at ng Banal na Espiritu ang lalaki upang makapagpahayag ng Mabuting Balita. Sa tuwing nagmumuni-muni tayo sa Salita ng Diyos, para na rin tayong nilalawayan ng Diyos ng kanyang Banal na Espiritu.
 
HIndi ba’t laway ang ginagamit kung may nausog tayo? Laway din ang ginagamit ni Hesus upang pagalingin ang sinuman są atin na nanatiling pipi sa pagpapahayag ng mabuting balita.
 
Ikaw ba’y naguguluhan ngayon sa buhay mo? Maraming ka bang katanungan sa Diyos sa panahon ng pandemya? Gusto mo bang maunawaan ang ngaganap sa buhay mo? Simple lang solusyon ….
 
Lumayo muna sa karamihan.
Manahimik kasama si Hesus.
Maghintutuli. Itabi ang iyong opinyon at paniniwala.
Palaway ka kay Hesus. Magmuni-muni sa Salita ng Diyos.
At sabihin mo sa Diyos, “Mabuksan ang aking puso!”
 
Na-gets mo ba? Sa sinumang laging nakiking sa Diyos at nagbabasa ng Salita ng Diyos, gets na gets niya ang kalooban ng Diyos.
 
– Pitik-Bulag
 
——–
Pebrero 12, 2021 – Biernes
Ebanghelyo: Markos 7: 31-37

Leave a Reply

error: The Storytellers\' Society Inc. website content is protected.