parallax background

Lundag ng Pag-ibig.

May Panahon ang Lahat.
April 5, 2021
Sa Disyerto Patungong Galilea
April 5, 2021
PITIK-BULAG: Lundag ng Pag-ibig!
 
Namangha ang buong bayan ng maghapunan sa tahanan ni Levi si Hesus. Hindi ito inaasahan ng lahat. Itinuturing na makasalanan ang mga mambubuwis (tax collector) sa kanilang pakikiisa sa pamahalaan ng Romano at sa pagiging mayaman dahil sa pangingikil. Kaya’t sila’y kinamumuhian ng lahat at pinagbawalan na sumamba sa templo. Kaya’t laking gulat ng lahat, lalo na ng mga Pariseo at eskriba nang naghapunan si Hesus sa tahanan ni Levi. Ất lalong nagulantang ang lahat ng tinawag niya si Levi na maging alagad! Isang lundag ng pagtitiwala at pagtataya ito ni Hesus sa isang makasalanan. Sumugal si Hesus! Ngunit Alam Niyang magwawagi siya.
 
GALIT AT HINDI TUWA. Isang sampal sa Pariseo at eskriba ang ginawa ni Hesus. Tumindi ang kanilang galit kay Hesus, dahil nakipag-kaibigan siya sa isang makasalanan. Punung-puno ng galit ang puso ng mga Pariseo, ngunit hindi nila maharap si Hesus. Kaya’t sa kanyang disipulo sila nagtanong, “Bakit kayo kumakain at umiinom na kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?” (Lukas 5:30).
 
PAG-IBIG AT HINDI PAGHATOL. Matalas ang tainga ni Hesus. Agad siyang tumugon, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit. 32 Hindi ako naparito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan upang sila’y magsisi.” (Lukas 5:31).
 
UMAAPAW NA KAGALAKAN. Punung-puno ng galit at hinanakit ang puso ng mga Pariseo sa mga oras na iyon. Ngunit nag-uumapaw naman sa kagalakan ang puso ni Levi. Pinansin siya ni Hesus. Nakita siya ni Hesus at tinawag siya. Marahil, sa buong buhay ni Levi, panlalait at pag-uusig lamang ang natanggap niya dahil sa kanyang hanap-buhay. Hinusgahan na siya ng mga tao. Marahil, nais niyang magbago ngunit hindi niya alam kung papaano. Marahil naramdaman niya na may kulang sa kanyang buhay sa likod ng kasaganahan. Marahil nabatid niya na hindi lamang umiikot sa kayamanan, katanyagan at kapangyarihan ang buhay. MAY HINAHANAP SIYA NA HINDI NIYA MATAGPUAN. NGUNIT NANG MATAGPUAN AT TINAWAG SIYA NI HESUS, NATAGPUAN NIYA ANG KANYANG HINAHANAP. NATAGPUAN NIYA ANG TUNAY NA KAYAMANAN.
 
NATAGPUAN NIYA ANG TUNAY NA KAYAMANAN. Kaya’t mas madaling maunawaan kung bakit iniwanan agad ni Levi ang lahat at sumunod kay Hesus (Lukas 5:28). Sapagkat natagpuan na niya ang matagal na niyang hinahanap. Natagpuan na niya ang magpupuno ng kanyang puso. Natagpuan na niya ang tunay na yaman. Natagpuan na niya ang kanyang Diyos na paglilingkuran. Sa tawag ni Hesus, naramdaman niya na may halaga siya, na may silbi ang kanyang buhay. Na hindi lamang siya makasalanan. May nakatagong ganda sa kanya, at nakita ito ni Hesus. HIndi malirip ang kanyang kaligayahan, kaya’t siya’y nagbigay ng isang maringal na hapunan para kay Hesus, kasama ng lahat ng kanyang kaibigan na itinuring ding makasalanan.
 
LUNDAG NG PAG-IBIG. May mata si Hesus sa mga makasalanan. Naroon ang awa niya sa kanila. Para silang mga tupang ligaw na naghahanap ng pastol at gabay. Nakikita ni Hesus ang kanilang potensiyal na magmahal at maglingkod, at hindi lang ang kanilang kasalanan. Sa isang umiibig, ganda ang kanilang nakikita at hindi ang pagkukulang. Hindi katulad ng mga Pariseo na punung-puno ng galit, hinanakit at inggit ang puso, kaya’t ang pagkukulang lamang ng iba ang kanilang nakikita. Lundag ng pag-ibig ang nagtulak kay Hesus upang hanapin ang makasalanan, sapagkat sila ang mga naliligaw ng landas. Lahat ng makasalanan ay dapat maligtas.
 
HINDI TAYO NALALAYO KAY LEVI. Pagod na rin tayo sa paghahanap ng yaman ng mundo. Alam nating kulang ito. May hinahanap din tayo. Dama natin ang ating pagiging makasalanan, ngunit hindi natin alam ang daan tungo są pagbabago. Ngunit, tuląd ni Levi, nag-uumapaw din ang ating puso ng TINAWAG TAYO NI HESUS UPANG MAGING KANYANG ALAGAD. Sa wakas, may nakakita sa ating tunay na pagkatao. Sa wakas may tumatanggap sa atin maging sino man tayo. Sa wakas may bagong pag-asa tayong nababanaagan. Dahil sa tawag ni Hesus, nagkaroon tayo ng bagong kahulugan at misyon sa buhay.
 
Balikan nating muli ang nagpatibok sa puso ni Levi.
 
1. Siya’y nawala ngunit NATAGPUAN ni Hesus.
2. Siya’y makasalanan ngunit PINATAWAD ni Hesus.
3. Siya’y Kinamumuhian ngunit MINAHAL siya ni Hesus.
3. Siya’y walang silbi ngunit TINAWAG siya ni Hesus.
 
Sapat na ito upang mapalundag sa galak ang puso ni Levi.
Sapat na ito upang lumundag siya at SUMUNOD kay Hesus.
 
– Pitik-Bulag
 
———
Pebrero 20, 2021 – Sabado
Ebanghelyo: Lukas 5: 27-32

Leave a Reply

error: The Storytellers\' Society Inc. website content is protected.