parallax background

Mahabaging Puso.

Wala sa Taas, Nasa Baba.
April 5, 2021
Huwag Magbuhat ng Sariling Silya.
April 5, 2021
PITIK-BULAG: Mahabaging Puso.
 
Sa panahon ng Kuwaresma, habag ng Diyos ang ating hinihiling. Sa hindi mabilang na pagkakamali at pagkukulang na ating nagawa laban sa Diyos, nararapat lang ang parusang nakalaan sa atin. Ngunit dumudulog tayo sa kanyang harap upang manlimos ng kanyang pagpapatawad. Madaling kausap ang Diyos, kung nais nating makamit ang kanyang habag, maging mahabagin din sa kapwa. Ganoon kadali. Ngunit ganoon din kahirap!
 
Isang imbitasyon ang ebanghelyo ngayon: Kung wagas ang ating paghingi ng habag sa Diyos, dapat na maging mahabagin tayo sa kapwa.
 
UGAT NG HABAG. Nais ng Diyos ng katapatan ng ating puso. Kung ramdam natin ang bigat ng ating kasalanan sa Diyos at ang lalim ng pagpapatawad na natanggap natin sa kanya, magiging likas ang pag-usbong ng habag sa ating puso. Nais nating bumawi sa kanyang kabutihan. Nais nating tumanaw ng utang na loob. Nais nating magpasalamat. Kaya’t naroon ang tulak ng damdamin na maging mahabagin din sa iba.
 
ANG UTOS NG HABAG:
 
“Maging mahabagin kayo tulad ng inyong Ama na mahabagin.” (Lukas 6:36).
 
At upang maging malinaw ang habag na Kanyang hinihingi, nagbigay si Hesus ng halimbawa ng pagbibigay habag sa kapwa:
 
“Huwag kayong humatol at hindi kayo hahatulan. Huwag kayong magparusa at hindi kayo parurusahan. Magpatawad kayo at kayo’y patatawarin.” (Lukas 6:37).
 
Nais ng ating Panginoon na tugunan ang habag na natanggap natin ng habag din. Habag sa habag. Pag-ibig sa pag-ibig. At hIndi ngipin są ngipin o galit sa galit. Bumubuhay ng puso ang habag. Sumasakal ng buhay ang galit at paghihiganti.
 
MUNDO NG UGNAYAN. Gumagalaw ang mundo sa larangan ng ugnayan. Nasa maayos na ugnayan sa isa’t-isa ang tunay na ligaya at kapayapaan. Naroon ang imbitasyon na laging gumawa ng tulay at hindi ng pader. Makipagkaibigan at hindi makipag-away. Bumuo at hindi sumira. Magpagaling at hindi sumugat. Tumanggap ng estrangeiro at hindi magpalayas ng tao. Magbigay ng respeto at hindi mang-api ng kapwa.
 
KAPWA KO, KAPATID KO. Naroon ang imbitasyon ng Panginoon na makita ang kapwa bilang ating kapatid. Ang bawat isa’y anak ng Diyos, kung kaya’t naroon ang tawag na magmahalan sa isa’t-isa. Hindi mga bagay na materyal ang nagpapasaya sa tao, kundi ang pagkakaroon ng mabuting ugnayan sa bawat isa. Sa pamamagitan ng ating pagmamahal at paggalang sa bawat isa, nagiging maka-tao ang mundo … at unti-unti, nagiging patikim na langit ang mundo dahil sa mga taong piniling mahalin ang kapwa, at hindi husgahan.
 
MAGMUNI-MUNI MUNA:
 
1. Sa aking pakikipag-ugnayan sa kapwa, pinangungunahan ba ako ng habag o awa? Sa habag ba umuugat ang aking mga salita at gawa?
 
2. Madalas ba akong humusga at manlait ng kapwa? Mayroon ba akong sinaktan ng damdamin dahil sa aking marahas na salita? Anong naramdaman ko pagkatapos kong masaktan o hatulan ang aking kapwa?
 
3. Kailan ako huling nagpakita ng habag o awa sa kapwa? Anong ginawa ko? Anong naramdaman ko pagkatapos gawin ang isang kilos ng habag?
 
4. Sa panahon ng Kuwaresma, anong maari mong gắwin upang magpakita ng habag sa kapwa?
 
– Pitik-Bulag
 
———
Marso 1, 2021 – Lunes
Ebanghelyo: Lukas 6: 36-38

Leave a Reply

error: The Storytellers\' Society Inc. website content is protected.