parallax background

Sell and Buy

What is Your Deepest Desire?
July 25, 2020
A WISE HEART
July 26, 2020
PITIK-BULAG: Sell and Buy
 
Natagpuan mo na ba ang tunay na kayamanan? Yung isang uri ng kayamanan na hindi kumukupas, hindi nawawalan ng halaga, hindi nananakaw at hindi nabubulok. Isang uri ng kayamanan na nagbibigay sa nang di-malirip na kaligayahan. Yung alam mong handa mong ibenta o iwanan ang lahat, makamit mo lamang ito? Ito’y isang uri ng kayamanan na maari mong ipagmalaki sa Diyos! At matutuwa ang Diyos na ibinuhos mo ang lahat mo, ang buong Buhay mo, upang makamit lamang ang yaman na ito.
 
Ito ang hamon ng ebanghelyo ngayon. Si Kristo ang tunay na kayamanan. At natagpuan ito ng mga disipulo kaya’t iniwanan nila ang lahat upang sumunod kay Hesus. Malinaw sa kanila na ang Panginoon ang tunay na kayamanan na dapat nating hinahanap!
 
Malinaw ba sa iyo na si Hesus ang kayamanang ito? May tapang ka ba na iwanan ang lahat upang sundan si Hesus? Sa kabanatang ito ng ebanghelyo, makikita natin kung paanong nalungkot ang isang mayaman sapagkat hindi niya maiwanan ang lahat upang masundan si Hesus. Ito ang hamon ng ating ebanghelyo … ang MAGBENTA AT MAGTAYA SA TUNAY NA YAMAN NG BUHAY. Batid man niya na si Hesus ang tunay na yaman, wala siyang tapang at lakas upang iwanan ang lahat at sundan ang Panginoon. Ikaw, may tapang ka ba na magsugal sa mga makalangit na bagay? Handa mo bang sundan si Hesus? Handa mo bang iwan o ibigay ang anumang hihilingin niya sa iyo upang sundan Siya? O matutulad ka ba sa mayaman binata na malungkot na iniwanan si Hesus?
 
Ngunit huwag kang matakot o malungkot. Hindi naman nagmamadali ang Diyos. Batid niya na hindi madali ang magtaya o magsugal ng buhay sa Kanya. Kaya’t ang laging tanong ng Diyos sa atin, “ANONG KAYA MONG IBENTA NGAYON? ANONG KAYA MONG IBIGAY? ANONG KAYA MONG GAWIN? PWEDE NAMANG HULUGAN. Basta’t malinaw na sa iyo na si Hesus ang tunay mong kayamanan.
 
Ang anumang kalagayan ng ating Buhay ngayon, ang anumang lalim at saya na tinatamasa natin, ang anumang bagay na ikinalulungkot natin, o ang anumang meron o wala tayo sa Buhay na ito … ang lahat ng ito’y bunga ng ating DESISYON SA BUHAY. Kaya’t napakahalaga na dapat malinaw sa atin ang TUNAY NA KAYAMANAN O YAMAN NA DAPAT NATING HINAHANAP! At dapat tayong maging handa sa pagtataya, pagsusugal o pagbitiw sa anumang bagay na makasasagabal upang makamit natin ang tunay na yaman.
 
BInigyan tayo ng Diyos ng isang Buhay. Gamitin natin ito upang makamit si Hesus, ang tunay na yaman ng mundo. Huwag matukso sa mga nagpapanggap na yaman. Huwag masilaw sa kinang ng ginto o salapi. Huwag padala sa magandang balot. Huwag matukso sa panandaliang saya o aliw. Huwag makuntento sa makamundong kayamanan. Hanapin ang magbibigay ng tunay na saya. Diyos lamang at wala ng iba. Ito’y nakita ng mga disipulo, kaya’t ibinenta nila ang kanilang ari-arian upang makamit ang kaharian ng Diyos (Mateo 4:18-29). Sana makita mo rin ito.
 
Ikaw, malinaw ba sa iyo ang tunay na kayamanan? Nasaan ang iyong puso? Sabihin mo sa akin kung nasaan ang iyong puso, nasaan ang iyong isip, lakas at oras … at sasabihin ko sa iyo ang kayamanan mo. Sana hindi ka nagkakamali. Sana hindi ka mabulag ng makamundong yaman. Sana ang kaharian ng Diyos ang tunay mong kayamanan.
 
Sell and buy ang Buhay natin … kailangang magtaya … kailangang magbenta ng mga kayamanan ng mundo … upang mabili natin at maangkin ang kayamanan ng langit.
 
Huwag mainggit sa kayamanan ng mundo,
hanapin si Hesus, ang kayamanang maka-langit.
 
– Pitik-Bulag.
 
——-
July 26, 2020 – Sunday
Gospel Reading: Mateo 13:44-52

Leave a Reply

error: The Storytellers\' Society Inc. website content is protected.