parallax background

Si Roque at Ang Mga Bulaklak

Take the Last Seat
October 31, 2020
The Twin Feasts
November 2, 2020
PITIK-BULAG: Si Roque at Ang Mga Bulaklak
 
Isang araw, natuwa si Roque sa libu-libong bulaklak na nakita niya sa parang. Iba’t-ibang kulay at hugis. Mababango lahat. Tila nagpapaligsahan sa kanilang ganda. Pinuri sila ni Roque sa kanilang bihis-ganda. Ngumiti lamang ang mga bulaklak at nagsalita si Sampaguita, “Magaganda kami ngayon, ngunit sa susunod na araw, isa-isa kaming malalanta at hindi na makikita.” Nalungkot ang lahat sa sinabi ni Sampaguita. Isang katotohanan ng buhay-bulaklak na hindi nila maunawaan. Para sa kanila, bakit kinakailangang maging maganda, kung lilipas lamang ito? Bakit ba sila ginawa ng Diyos?
 
Ngumiti lamang si Roque. Pumitas siya ng isang bulaklak. Pinagmasdan niya ito at inamoy ng may galak. At pagkatapos, tinanaw niya ang mga bulaklak nang may ngiti, “Lumilipas ang lahat sa mundong ito. Walang permanente dito kundi ang Diyos at pag-ibig. Maging ako, bilang tao ay lilipas din. Ngunit hindi na mahalaga kung ako ba’y mabubuhay nang mahaba o maikli lamang. Wala sa haba ng buhay ang kaligayahan ng tao. Nasa pag-ibig. Hindi ito paramihan nang magagawa, kundi nasa palaliman ng pag-ibig. Ang anumang bagay na ginagawa natin nang may pag-ibig, ito’y mananatiling buhay sa puso ng Diyos. Hindi ito mamamatay.
 
Ang anumang bulaklak ay malalanta pagkatapos mamulaklak ng ilang araw. Ngunit ang magandang alaala ninyo sa mga taong nalulungkot at sa mga taong napangiti ninyo dahil sa inyong ganda at bango ay mananatiling buhay sa kanilang puso. Ang isang bulaklak na bigay ng isang manliligaw sa babaeng sinisinta niya, ay sapat na upang mapasagot ito. Hindi man magtagal ang tao at bulaklak sa mundong ito, ang mga iniwan nating alaala ng kagandahan, bango at kabutihan ay mananatiling buhay sa puso ng mga tao at ng Diyos.
 
Isang mahabang katahimikan ang naghari. Naunawaan ng mga bulaklak ang nais ipahiwatig ni Roque. Hindi man niya matulungan ang lahat ng may sakit sa panahon ng pandemia, malinaw kay Roque na handa niyang ibigay ang lahat. IIsang buhay, ngunit sapat na para sa marunong umibig.
 
Naunawaan ng mga bulaklak ang lahat. Hindi man sila magtagal sa mundong ibabaw, sapat na sa kanila na itodo ang lahat ng kanilang ganda at bango. Kahit ilang araw lamang. Hindi na mahalaga ang haba o ikli ng buhay. Ang mahalaga… ibinigay nila ang kanilang lahat!
 
– Pitik-Bulag

Leave a Reply

error: The Storytellers\\\' Society Inc. website content is protected.