PITIK-BULAG: Pito-Pitong Pag-Ibig
Marami sa atin ang pagod na sa pandemya. Ngunit bilang mga taong nagmamahal sa kapwa, hindi napapagod ang ating puso sa pagtugon sa mga pangangailangan ng ating kapwa. Ngunit kailangan nating aminin na napapagod ang ating katawan at isip, kaya’t dapat din nating bigyan ng pahinga ang ating katawan at isip.
Sa ating ebanghelyo, laging gumagawa ng PUWANG PARA SA SARILI AT DIYOS ang ating Panginoon. Lagi siyang umaakyat sa bundok upang maupo at manalangin. SA PANALANGIN SIYA KUMUKUHA NG LAKAS. Sa panalangin din siya nagpapagpag ng kanyang mga pagod, sama ng loob, at bigat ng damdamin. Para kay Hesus, mawala na ang lahat, huwag lang ang panalangin. Ang mismong kilos ng pag-akyat sa bundok at pag-upo ay mga simbolo ng PAGGAWA NG PUWANG UPANG MANALANGIN. Sa mga taong abala sa maraming bagay tulad natin, madalas nating malimutan ang pagdarasal. Kaya’t naroon ang tawag na gumawa ng puwang araw-araw para sa Diyos, upang huminga ng SARIWANG HANGIN MULA SA LANGIT.
Ikaw, gumagawa ka ba ng puwang para sa Diyos? Hindi mauubos ang mga gawain mo. Kailangan mong manalangin lagi upang hindi mabaliw sa panahon ng pandemya.
Ngunit tulad ng ating mga karanasan, tila laging sumusunod ang mga pang-araw-araw ng gawain. Kaya’t madaling maisangtabi ang sarili nating pangangailangan, pati na ang panalangin. Ito ang ang naganap kay Hesus. Sumunod sa kanya ang maraming maysakit upang humiling ng kagalingan (Mateo 15:30). Kaya’t nang makita niya ang kalagayan nila, itinabi niya ang kanyang sariling pangangailangan at muling inisip ang paglilingkod sa kapwa.
ANG TUNAY NA UMIBIG. Ganito talaga ang umiibig. Iba muna bago ang sarili. Naroon ang pagkabagabag ng puso sa tuwing ang mahal natin ay maysakit, nalulungkot, naliligaw at nagdamdam. Naroon lagi ang tawag na UMALALAY AT MAGPAKAIN. Alam ng Panginoon na malayo pa ang paglalakbay na gagawin ng mga tao, kaya’t naroon ang kagustuhan niya na magpakain bago paalisin ang mga tao. Malalim ang binitiwan niyang salita, “Ayokong paalisin sila nang gutom, baka sila mahilo sa daan.” (Mateo 15:32).
Baka mahilo sila sa daan. Sa pandemyang ito, nasa panahon tayo ng isang mahabang paglalakbay. Hindi natin alam kung kailan ito matatapos. Kaya’t naroon ang hamon na magpakain sa mga nagugutom (tiyan at puso). Hindi sila dapat mahilo at himatayin sa daan ng buhay. Naroon ang tawag na gumawa ng paraan. Mag-isip. Mangilatis. Pagalawin ang imahinasyon. Huwag tingnan ang limitasyon. Maghanap ng posibilidad. Maging maabilidad. Lampasan ang takot. May solusyon sa lahat ng problema. Buksan mo lang ang iyong mga mata.
TUMIRIK ANG ISIP. Sa ebanghelyo, naroon ang kagustuhan ng mga disipulo na magpakain din. Ngunit hindi nila alam kung saan kukuha. Walang mabibilihan. Kaya’t huminto na silang mag-isip. Sa panahon ng pandemya, marami sa atin ang huminto nang mag-isip. Ayaw nang maghanap. Tumirik na ang isip. Sumuko na.
HINDI SUMUSUKO ANG PAG-IBIG. Ngunit ang umiibig ay hindi sumusuko. Kaya’t nagtanong ang Panginoon, “Ilang tinapay mayroon tayo?” Pito tinapay ang tugon ng mga disipulo. Para kay Hesus, SA LOOB NG PUSO NATIN TAYO HUMANAP NG SOLUSYON. ANG PAG-IBIG AY MARUNONG MAGHANAP NG SOLUSYON. HINDI ITO SUMUSUKO. BAWAL ANG UMAYAW. NANDIYAN LANG YAN. Nais ipakita ni Hesus sa atin na kaya natin kung gugustuhin. Na kaya nating paramihin ang kaunti. Nasa diskarte lang yan. Huwag palulupig sa limistasyon at kakulangan. Matutong magbilang ng grasya, huwag ng disgrasya. Matutong makita ang meron, huwag ang wala.
PITO-PITO. Kaya’t kinuha ni Hesus ang pitong tinapay at pinarami ito. Ang pito ay simbolo ng kabuuan at perpekto. Kung buong-buo natin ibinibigay ang ating sarili at puso sa iba at sa paglilingkod, makakakita tayo ng milagro sa buhay natin. Kung ang ating puso at isipan ay buong-buo sa pagmamahal, panggagalingan tayo ng biyaya. Bumubusog ang wagas na pag-ibig. Alam ng Diyos ang ating limitasyon. Kaya’t ang tanging hinihiling lamang niya ay ating WAGAS NA PAGMAMAHAL. YUNG BUONG-BUO. Ang Panginoon na ang magpaparami at gagawa ng paraan. Ngunit kailanga niya ang ating buong pusong pagmamahal at pagtitiwala.
Naibigay mo na ba kay Hesus ang iyong pitong tinapay? Ang iyong buong pagmamahal at pagtitiwala. Sa panahon ng pandemya, mag-isip ng pitong gawain na nais mong ibigay sa Panginoon.
Ang tanong ng Panginoon, “Ilan ang tinapay ninyo riyan?” (Mateo 15:34). Ang sagot ng disipulo, “Pito po.”
IBIGAY MO ANG PITO MO. Ano ang iyong pitong tinapay? Isipin mo ng seryoso. Itodo mo na. Huwag ka nang mag-alinlangan pa. Maraming gutom sa panahon ng pandemya. Nagpapakain ang umiibig. Huwag kang ma-alala, gagawa ang Diyos ng milagro at may sobra pa. Ibigay mo lang ang pito mong tinapay.
– Fr. Willy M. Samson, SJ
———
Disyembre 2, 2020 – Mierkules
Ebanghelyo: Mateo 15: 29-39