parallax background

Puso ang Pairalin, Huwag Isip.

Si Hesus na Manloloob.
April 14, 2021
Pagkiling sa Dilim.
April 14, 2021
PITIK-BULAG: Puso ang Pairalin, Huwag Isip.
 
Tigib nang malalim na pagnanasa na lubusang maunawaan ang turo ni Hesus, naglakas loob si Nicodemus na bisitahin si Hesus sa gitna ng gabi. Nais niyang matuto sa isang guro na nagsasabi ng kakaibang katotohanan na bumubuhay ng puso. Naramdaman niya ang lawak at lalim ng pangaral ni Hesus. Kaya’t hahamakin niya ang lahat upang matuto kay Hesus. Ang kanyang bukas at mapagkumbabang disposisyon na matuto ang nag-udyok kay Hesus upang turuan si Nicodemus ng karunungang makalangit. Ang sinumang nagnanais na matuto ay hindi mabibigo. Kailangan lamang ng pusong mapagkumbaba at bukas sa bagong kaalaman.
 
ANG TUNAY NA PAGSAMBA. Bilang Pariseo, nasa larangan lamang ng utak o isip ang pagsamba sa Diyos. Ang sinumang makasusunod sa mga ritual na pagsamba, pag-sasaulo ng salita ng Diyos at magaling bumigkas sa harap ng templo, ay masasabing banal sa harap ng tao. Ngunit hindi lamang isip ang ginagamit są pagsamba. Ang pusong tapat ang hinahanap ng Diyos. Isang pusong may pagnanasang maunawaan at maisabuhay ang salita ng Diyos. Kaya’t binanggit ni Hesus na “malibang ang isang tao ay ipanganak sa pamamagitan ng tubig at ng Espiritu, hindi siya makakapasok sa kaharian ng Diyos.” (Juan 3:5).
 
SA ISIP AT PUSO. Ang tunay na pagsamba ay nagaganap sa pamamagitan ng isip at puso. Sa pamamagitan ng isip, pinalalalim natin ang kaalaaman tungkol sa batas ng Diyos na dapat nating sundin. At sa pamamagitan ng puso, pinalalalim natin ang ating personal na ugnayan sa Diyos. Kinikilala natin siya sa pamamagitan ng ating pagdarasal at nagnanasang isabuhay ang kanyang utos, hindi lamang isa-isip.
 
HUWAG ISIP LANG. Ngunit madalas, nasa antas lamang ng isip ang ating pagkakilala at pagsamba sa Diyos. Kaya’t laging kapos ang isip na makilala ang Diyos. Nasa puso ang tunay na pagsamba at pagkilala sa Diyos. Kaya’t kailangan nating gamitin ang ating puso sa pagsamba. Ang pagsambang galing lamang sa isip ay nakararating ng langit.
 
Kaya’t kinakailangan nating mamatay sa uring pagsamba na isip lamang ang ginagamit. Kinakailangan nating magkaroon ng bagong buhay sa Espiritu. Nasa puso at espiritu ang tunay na pagsamba. Hindi lamang utak ang ginagamit sa pakikipag-ugnayan sa Diyos, kundi puso’t kaluluwa.
 
TUTOK NG PAGSAMBA. Ngunit nasaan ang tunay na pagsamba? Sa napakaraming na batas na sinusunod ang mga Pariseo at Hudyo, naroon ang paglito ng isip at puso. Kaya’t si Hesus, bilang isang tunay na guro ng langit, ay nagbigay ng dalawang pamantayan ng tunay na pagsamba. Turuan natin ang puso ng wagas na pagsamba, at hindi puro isip lamang.
 
1. MAHALIN MO ANG DIYOS AT KAPWA.
 
Isa sa kanila, na dalubhasa sa Kautusan, ang nagtanong kay Jesus upang subukin ito. “Guro, alin po ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?” tanong niya. Sumagot si Jesus, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, buong kaluluwa mo, at buong pag-iisip mo. Ito ang pinakamahalagang utos. Ito naman ang pangalawa: Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” (Mateo 22:35-39).
 
2. MAHALIN ANG ANAK NG TAO.
 
” At kung paanong itinaas ni Moises ang tansong ahas doon sa ilang, gayundin naman, kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. ” (Juan 3:14-15).
 
Ituon natin ang ating mga mata kay Hesus na nakapako sa krus. Kung paanong binigyan ng bagong buhay ang mga Israelita na nagkasala sa Diyos sa pamamagitan ng pagtingin sa tansong ahas, ganun din ang magaganap sa sinumang lumingon kay Hesus na nakabayubay sa krus. Tayo rin ang nagkakaroon ng bagong-buhay.
 
Sa pamamagitan ng halimbawa ni Hesus na nag-alay ng kanyang buhay para atin, tayo rin ay inaanyayahan na mag-alay ng buhay para sa iba. Narito ang ating bagong buhay. Tayo’y hinahamon na mamatay sa sarili na makasarili at makasalanan. Sa ating pagkamatay sa sarili, tayo’y magkakaroon ng bagong buhay sa Espiritu.
 
BUHAY ESPIRITU. Ugaliin nating lumingon araw-araw kay Hesus na nakabayubay sa Krus. Sa pamamagitan ng kanyang sugat, pinagpagaling niya ang ating sugat at inaalis ang ating takot na masugatan. Sa pamamagitan ng krus, nakikita natin ang halaga ng tunay na pagsamba, ang pagsunod sa kalooban ng Diyos at pagyakap sa anumang krus sa ating buhay. At dahil dito, nagkakaroon tayo ng bagong buhay.
 
IHIP NG ESPIRITU. Sa panahon ng pandemya, naroon ang hamon sa atin na matutong lumingon sa mga sugat ng ating lipunan. Maraming mga sugatan ngayon, nalilito sa buhay, naliligaw ng landas, nalulungkot, at nawawalan ng pag-asa. Narito ang hamon ng Diyos. Dito tayo dinadala ng Espiritu ng Diyos upang magdala ng mabuting balita. At baka sa ating pagtingin at pangangalaga sa sugat ng iba, dito pa natin makita ang paggaling ng ating pusong sugatan at naguguluhan sa panahon ng pandemya.
 
Hindi natin alam kung kailan matatapos ang pandemyang ito. Kaya’t bilang mga anak ng Diyos na binuhay ni Hesus mula sa ating pagigiing makasalanan at binigyan ng bagong espiritu, naroon ang hamon sa atin na sundan lamang ang ihip ng Espiritu Santo, saan man tayo dahin. Alam ng Espiritu Santo kung saan tayo nararapat manatili at kung anong dapat nating gawin. HIningahan tayo ni Hesus ng Espiritu Santo upang mabuhay na magmuli, kaya’t naroon din ang hamon na bumuhay ng tao sa panahon ng pandemya.
 
“Huwag kang magtaka sa sinabi ko sa iyo, ‘kayong lahat ay kailangang ipanganak na muli. Umiihip ang hanginkung saan nito nais at naririnig mo ang ugong nito, ngunit hindi mo alam kung saan ito nanggagaling at kung saan pupunta. Ganoon din ang bawat ipinanganak sa Espiritu.” (Juan 3:7-8)
 
MATUTO KAY NICODEMUS. Pairalin natin ang ating puso sa pagsamba sa Diyos. Maging mapagkumbaba at hanapin si Hesus. Tulad ni Nicodemus, umupo tayo sa ating pagdarasal, at matutong makinig kay Hesus. Itabi mo ang iyong isip. Huwag magduda. Isapuso mo ang aral niya, huwag lang isa-isip. Maniwala at ito’y sapat na.
 
– Pitik-Bulag
 
———-
Abril 13, 2021 – Martes
Ebanghelyo: 3: 7 -15

Leave a Reply

error: The Storytellers\' Society Inc. website content is protected.