parallax background

Ang Pamatok ng Pag-ibig

Oo Lang Ang Katapat
December 8, 2020
Makinig at Magbago
December 11, 2020
PITIK-BULAG: Ang Pamatok ng Pag-ibig
 
Marami sa atin ang pagod na sa mga pagsubok ng pandemya. Nais na nating sumuko. Ngunit hindi sagot ang pagsuko sa panahon ng pandemya. Hindi sumusuko ang taong nagmamahal. Alam ng taong nagmamahal na kakambal niya ang pagpapakasakit at sakripisyo sa buhay. Kung pinili mong magmahal, pinipili mong magbuhay ng pamatok. Ang kung mayroon mang pamatok na dapat nating dalhin, wala nang iba kundi ang pamatok ng pag-ibig. Ngunit ang tanong, anong pamatok ang dala-dala ngayon? Pagod ka na ba?
 
Sa ating ebanghelyo ngayon, nakita ni Hesus ang pagod ng mga Hudyo sa pagbubuhat ng pamatok mula sa Pariseo. Ang mga batas sa pagsamba ay ginawa upang mailapit ang mga Hudyo kay Yahweh, ngunit hindi ito ang nagaganap. Sa halip, ang mga Hudyo ang naglilingkod sa batas. Nakaramdam sila ng paniniil sa kanilang pagsamba. Maraming mga turo ng Pariseo at Eskriba ang nagbibigay pagod sa mga Israelita. Nawala ang personal na pagsamba sa Diyos. Nauwi ang lahat sa mahigpit na pagsunod sa mga ritual ng pagsamba. Hindi na nila maramdaman ang Diyos na nagmamahal ng personal. Dahil sa mga batas ng Pariseo, hindi na lumalim at lumago ang kanilang ugnayan sa Diyos.
 
PAMATOK NG PAG-IBIG. Dahil dito, ang ating Panginoon ay nagbigay ng isang pamatok na dapat nating pasanin. Ito ang pamatok ng pag-ibig. Isang pamatok na madaling dalhin. Hindi mapang-alipin. Isang pamatok na nagbibigay ng kapahingahan. Hindi pagod. Isang pamatok na magpalalapit sa atin sa Diyos. At hindi tayo inilalayo sa Diyos. Isang pamatok na masayang buhatin, sapagkat nagbibigay ng kahulugan sa buhay.
 
May dalawang paanyaya ang ating ebanghelyo ngayon: Ang lumapit sa kanya at paşanın ang kanyang pamatok.
 
1. LUMAPIT SA KANYA. Marami sa atin ang pagod na sa panahon ng pandemya. Pagod ka na ba? Saan nanggagaling ang iyong pagod? Ito ba’y galing sa iyong pagkadismaya sa mga tao, sa buhay o sa sarili? Ito ba’y galing sa iyong walang hintong paglilingkod sa mga nangangailangan? Ito ba’y galing sa sugat ng iyong puso? O baka naman hindi ka na marunong magpahinga?
 
Narito ang Panginoong Hesus. Pakinggan mo siya. Inaanyayahan ka niya na lumapit sa Kanya at magpahinga. Huwag nang magdalawang-isip. Anumang bigat ng iyong puso at pagod ay pagagaanin niya.
 
2. PASANIN ANG KANYANG PAMATOK. Hindi inaalis ng Diyos ang ating mga pamatok sa buhay. Bahagi ng ating buhay ang pagkakaroon ng mga pagsubok at sakripisyo. Hindi natin hawak ang ating buhay. Ngunit nakikita ni Hesus ang lahat. Kaya’t hayaan natin si Hesus ang gumabay sa atin. Alam niya ang daan patungo sa kaligayahan at kapahingahan. Ang pamatok ng pag-ibig ang ibinibigay niya ay masarap pasanin. Sapagkat “madaling dalhin ang kanyang pamatok at magaan ang pasanin.” (Mateo 11:30).
 
HIndi nakakapagod ang pamatok ng pag-ibig. Bagkus, nagdadala pa ito ng kapahingahan ng puso at isip. Ang anumang likas sa ating puso ay hindi nakakapagod gawin. Likas sa atin ang umibig, kaya’t ito’y hindi mabigat na gawin. Kasama niya, ito ang pamatok na nais ni Hesus na bitbitin natin.
 
Mahaba pa ang ating paglalakbay sa panahon ng pandemya. Walang nakakaalam kung kailan ito matatapos. Ngunit hindi na ito mahalaga. Sapat nang malaman natin na hindi tayo nag-iisa. Sa pamatok na bigay ni Hesus, makakakita ka ng kapahingahan. Ilingon mo ang iyong mata sa tabi mo. Makikita mo si Hesus. Kasama mo sa pagbubuhat ng iyong pamatok araw-araw.
 
Oo, napapagod din ang mga taong nagmamahal, ngunit hindi sila sumusuko. Alam nila na pahinga lang ang katapat ng pagod ng kanilang katawan at isip. Wala sa kanilang dugo ang sumuko. HIndi sumusuko ang tunay na disipulo, maging anuman ang kanilang pagod, sugat, kalungkutan at paghihirap.
 
Alam ng Panginoon ang pagod mo. Nais ka niyang bigyan ng kapahingahan. Mahal ka niya. Kaya’t pakinggan mo at bigyan ng pansin ang kanyang paanyaya:
 
“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at lubhang nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan.” (Mateo 11:28).
 
– Fr. Willy M. Samson, SJ
 
——–
Disyembre 9, 2020 – Mierkules
Ebanghelyo: Mateo 11:28-30

Leave a Reply

error: The Storytellers\\\' Society Inc. website content is protected.