parallax background

Makitagay kay Hesus.

Huwag Magbuhat ng Sariling Silya.
April 5, 2021
The Lazarus in My Life.
April 5, 2021
PITIK-BULAG: Makitagay kay Hesus.
 
Anong gusto mo? Hindi na bago sa ating pandinig ang katanungang ito. Narinig na natin ito sa bibig ni Hesus nang tanungin niya si Bartimaeus. Nagalak si Hesus sa sagot ng bulag, “Nais ko pong makakita.” (Mark 10:51). Malinaw sa kanya ang nais niya – si Hesus mismo! Bulag ang kanyang pisikal na mata, ngunit hindi ang kanyang espiritual na mata.
 
Anong gusto mo? Muling lumitaw ang tanong na ito sa ebanghelyo ngayon. Sa pagkakataong ito, ang ina ni Juan at Santiago tinanong ni Hesus, “Anong gusto mo?” (Mateo 20:21). Ngunit hindi tulad ni Bartimaeus, kalungkutan ang idinulot ng sagot ng babae kay Hesus, “Kapag naghahari na po kayo, paupuin ninyo sa inyong tabi ang dalawa kong anak, isa sa kanan at isa sa kaliwa.” (Mateo 20:21).
 
Ngunit hindi nagpakita nang pagkadismaya si Hesus sa harapan ng ina ni Juan at Santiago. Bagkus hinarap niya ang dalawang disipulo at nagtanong si Hesus, “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi,” sabi ni Jesus sa kanila. “Kaya ba ninyong tiisin ang saro ng hirap na malapit ko nang danasin?” (Mateo 20:22).
 
Mabilis na “Oo” ang sagot ng dalawang disipulo. Malinaw na hindi na inisip ang kanilang sagot. Nagalit ang ibang disipulo sa nais ng dalawang kasama. Ito rin kasi ang kanilang iniisip at matagal ng pinagtatalunan (Markos 9:33-37) … kung sino ang pinakadakila sa kanila.
 
Hindi naman pinagbawalan ni Hesus na mangarap ang mga disipulo na maging dakila o tanyag. Ngunit nais niyang tahakin nila ang tamang landas sa kadakilaan. Walang ibang daan kundi ang daan ng paglilingkod sa kapwa. Dahil dito, nagbigay ang ating Panginoon ng mga pamantayan tungo sa tunay na kadakilaan.
 
MAKITAGAY KAY HESUS. Dalawang saro ang nais ni Hesus na ating inumin kasama siya. Kung kabarkada natin siya at mahal natin siya, makikiisa tayo sa kanya. Yakapin natin ang kanyang buhay. Makitagay sa kanyang saro.
 
1. SARO NG PAGHIHIRAP.
 
At sinabi ni Jesus, “Daranasin nga ninyo ang hirap na titiisin ko.” (Mateo 20:23)
 
Nasa pagyakap ng ating mga paghihirap at sakripisyo ang daan tungo są kadakilaan. Dakila ang mga Santo, ngunit ang kanilang kabanalan ay nakamit lamang sa pagiging martir para sa pananampalataya. Maluwag nilang niyakap ang saro ng paghihirap na dulot ng kanilang paniniwala kay Hesus. Inusig sila dahil sa kanilang pananampalataya.
 
Inusig ka na ba dahil sa iyong pagtatangol sa iyong pananampalataya kay Hesus? Ikaw ba’y kinutya o tinakot dahil sa pagtatangol sa katotohanan? Kung wala ka pang pag-uusig at paghihirap na nararamdaman dahil sa Diyos, malamang na hindi mo pa lubusang sunuşundan ang kanyang mga yapak.
 
2. SARO NG PAGLILINGKOD.
 
“Kung nais ninyong maging dakila, dapat kayong maging lingkod sa iba, at kung sinuman sa inyo ang nagnanais maging una, ay dapat maging alipin ninyo.” (Mateo 20:26-27).
 
Dinadalisay ng paglilingkod ang ating puso. Sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba, natututo tayong kalimutan ang sariling kapakanan at matutong mahalin ang kapwa.
 
ANONG GUSTO MO? Ikaw kapatid? Anong gusto mo sa buhay? Anong nais mong makamit o marating sa buhay? Maipagmamalaki mo ba sa Diyos ang bagay na pinag-uubusan mo ng lakas, panahon at yaman sa ngayon? Tulad ni Bartimaeus, malinaw ba sa iyo ang nais mo sa buhay? O tulad ka ba ng mga alagad, na MAGING DAKILA ang hinahangad? Nasa puso mo ba ang paglilingkod sa kapwa? Handa mo bang pasanin ang iyong krus araw-araw?
 
SI HESUS BILANG PAMANTAYAN.
 
“Sapagkat maging ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ialay ang kanyang buhay sa ikatutubos ng marami.” (Mateo 20:28).
 
Si Hesus ang daan patungo sa kadakilaan. Wala ng ibang daan. Ngunit hindi madaling sundan si Hesus. Mabato, matinik at madugo ang landas. Maraming sakripisyo. Maraming paghihirap. Maraming pagkalimot sa sarili. Maraming pagkamatay. Ngunit narito rin ang paglago ng puso.
 
ISANG ALAK SA TAGAYAN. Sa inuman ng barkada, isang saro at alak lamang ang iniinom. HIndi na natin tinatanong kung anong alak meron tayo. Handa nating pagsaluhan ang lahat. Isa lang ang mahalaga – ang pakikpagkaibigan at komunidad.
 
Są kwento ni Bartimaeus, agad-agad siyang sumunod kay Hesus patungong Jerusalem … ang lugar ng pag-aalay ng buhay. (Markos 10:52).
 
Są kwento ng dalawang magkakapatid na si Juan at Santiago … ininom din nila ang saro ng paghihirap.
 
Sa Gawa ng mga Apostoles 12, Pinatay ni Herodes si Santiago sa pamamagitan ng espada.
 
Sa panahon ng paghahari ni Emperor Nero, si Juan naman ay itinapon sa Patmos, isang isla sa dagat ng Aegean, dahil sa kanyang pananampalataya. At namatay sa Epesus noong 100 AD.
 
Ibinigay ng magkapatid ang kanilang sarili para kay Hesus. Naging martir ang magkapatid. Dahil pinili nilang inumin ang saro ng paghihirap para sa pananampalataya.
 
Ikaw, handa ka na bang makipag-inuman kay Hesus?
 
– Pitik-Bulag
 
——–
Marso 3, 2021 – Mierkules
Ebanghelyo: Mateo 20: 17-28

Leave a Reply

error: The Storytellers\' Society Inc. website content is protected.