PITIK-BULAG: Matigas at Manhid na Kamay
Likas kay Hesus ang magpagaling ng maysakit, magpalayas ng demomyo at magpakain sa mga nagugutom. Ang kanyang kabutihang-loob ang nagpapatingkad ng kanyang pagkatao. Marami siyang pinagaling sa kanilang pisikal na karamdaman, ngunit tiyak na mas marami siyang pinagaling na puso. Ang mga salita at gawa ni Hesus ay liwanag na nagbibigay buhay sa mga pusong matigas at nanlalamig sa pananampalataya.
MATIGAS NA PUSO. Sa ating ebanghelyo ngayon, nagpakita ng galit at pagkadismaya si Hesus sa mga Pariseo dahil sa kanilang katigasan ng puso. Matagal na nilang sinusububayan at pinakikinggan si Hesus, ngunit hindi upang matuto at magbagong-loob, kundi upang hanapan siya ng pagkakamali laban sa batas. Matigas na ang puso ng mga Parieso dahil sa kanilang kayabangan, kaya’t hindi na makapasok ang liwanag ng Diyos. At dahil sa katigasan ng kanilang puso, naging manhid na sila sa pangangailangan ng kapwa. Ang istriktong pagsunod sa batas ang kanilang pinahahalagahan, hindi ang kalagayan ng mga mahihirap, maysakit at gutom. Dahil dito, nagpakita ng galit si Hesus, upang ituwid ang kanilang pagkakamali at anyayahan silang bumalik sa tunay na diwa ng pagsamba sa Diyos – ang paglingkuran ang kapwa.
ANG PINAKAMAHALAGANG BATAS. Upang magbigay ng aral, tinawag ni Hesus ang isang lalaking paralisado ang kamay. Inutusan niya ito na tumindig at pumunta sa gitna ng lahat. Nagtanong si Hesus, “Alin ba ang naaayon sa Kautusan, ang gumawa ng mabuti, o ang gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga? Ang magligtas ng buhay, o ang pumatay?” (Markos 3:4). Sa puntong ito, si Hesus na nais nilang hanapan ng mali at hatulan, ang naging taga-hatol sa kanila. Alin ang mahalaga, ang bumuhay o pumatay ng tao? Isang katanungang lampas pa sa lahat ng batas, sapagkat ang BATAS NA MAGLIGTAS NG KAPWA ANG PINAKAMAHALAGANG BATAS. Ang dahilan nang pagkakatawang-tao ng Diyos ay magligtas, hindi ang pumatay, ang hanapin ang naliligaw at ibalik sa tamang daan. GALIT ANG DIYOS SA MGA TAONG MAY MATIGAS NA PUSO AT MANHID SA PANGANGAILANGAN NG KAPWA.
MANHID NA KAMAY. Ang katahimikan ng mga Pariseo ay pag-amin na tama si Hesus. Mahirap gawing mali ang isang tama. Mahirap baluktutin ang isang katotohanan. Bumulaga sa mga Pariseo na sila ang may sakit. Sila ang may paralisadong kamay. Dahil manhid na ang kanilang kamay sa pagtulong sa iba. Hindi na nila ginagamit ang kanilang kamay upang tumulong sa kapwa. Bagkus ang kanilang kamay ay natuto nang manakit, maghiganti at gumawa ng masama sa kapwa.
IKAW? Kumusta na ang iyong puso? Manhid na rin ba ito sa pangangailangan ng kapwa? Paralisado ba ang iyong kamay? Saan mo madalas gamitin ang iyong kamay? Marunong pa bang umabot ito ng tao? O madalas bang manakit ng kapwa ang iyong kamay? Bakit naging matigas ang iyong puso?
IUNAT MO ANG IYONG MGA KAMAY. Upang mapagaling ni Hesus ang paralisadong kamay ng lalaki, ipinag-utos niya, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat naman ng lalaki ang kanyang kamay at ito’y gumaling. (Markos 3:5).
HUMIPO NG KAPWA. Nasa pag-uunat ng ating kamay ang kagalingan ng ating pusong magtigas. Sa tuwing inaabot natin ang ating kapwa, lumambot ang ating puso. Kailangan nating mahawakan ang kamay ng ating kapwa, upang maramdaman ng ating puso ang kanilang takot, pagkabagabag, kalungkutan at kawalan ng pag-asa. Sa tuwing hinihipo natin ang ating kapwa, hinihipo rin nila ang ating puso. Masdan mo ang taong laging naglilingkod sa mahihirap, hindi ba’t buhay na buhay ang kanilang puso? Masdam mo ang walang ginagawa sa kahirapan ng kapwa, hindi ba’t puro galit, higanti at kadiliman lamang ang laman ng kanilang puso? SUBUKAN MONG ABUTIN ANG KAPWA MO, MAGUGULAT KA, LALAMBOT ANG IYONG PUSO.
Sa ating ebanghelyo, lalong naging matigas ang puso ng mga Pariseo nang pinagaling ni Hesus ang maysakit. Kaya’t binalak na nilang ipapatay si Hesus. Lubos nang nilamon ng kadiliman ang kanilang puso. Hindi na nila pinakinggan ang imbitasyon ni Hesus na IUNAT ANG KANILANG KAMAY AT ABUTIN ANG KAPWA. Dito na naging bato ang kanilang puso. Mas ninais na nilang pumatay kasya bumuhay ng tao.
GAGALING KA. Madalas ka bang mag-unat ng kamay upang abutin ang kapwa? Ito ba’y bahagi ng iyong pang-araw-araw na gawain? Ito ba’y ehersisyo ng iyong kamay, upang lalong maglagablab ang iyong pag-ibig sa kapwa? Paralisado ba ang iyong kamay sa paglilingkod at matigas na ang iyong puso? Simple lang ang solusyon … IUNAT MO ANG IYONG KAMAY. Sa panahon ng pandemya, maraming nagugutom at naliligaw ng landas, iunat mo ang iyong kamay. Abutin mo silat at hipuin ang kanilang puso. At magugulat ka, pati ikaw ay gagaling.
– Pitik-Bulag
——-
Enero 20, 2021 – Miyerkules
Ebanghelyo: Markos 3: 1-6