parallax background

Saan Ka Humuhugot ng Lakas?

Nakakakita ka ba?
December 4, 2020
Oo Lang Ang Katapat
December 8, 2020
PITIK-BULAG: Saan Ka Humuhugot ng Lakas?
 
Saan ka humugot ng lakas? Anong nagpapabangon sa iyo sa umaga? Sa panahon ng pandemya, anong nagbibigay sa iyo ng inspirasyon na magpatuloy? Anong nagpapasaya o nagpapangiti sa iyo?
 
Madalas nating nakikita ang mga suliranin at pagsubok sa buhay. Ngunit madalas hindi natin binibigyan ng pansin kung saan tayo humuhugot ng lakas upang hindi panghinaan ng loob sa gitna ng pandemya. Kung ang pinanggagalingan ng ating sigla sa buhay ay ang mga makamundong bagay, tiyak na mapupuno ka ng takot at pangamba. Napatunayan na natin sa pandemya na hindi natin masasandalan ang kayamanan sa panahon ng pandemya. Naroon pa rin ang takot kahit na sagana tayo sa matetyal na bagay. Maraming hindi makatulog sa gabi kahit na nakahiga sila sa berdeng pera.
 
Sa ating ebanghelyo ngayon, malinaw sa mga tao na si Hesus ang kanilang kailangan. Ang Diyos lamang ang kanilang maaring sandalan at panghawakan. Sila’y parang mga tupang walang pastol. Si Hesus na Haring Pastol ang kanilang kailangan, sapagkat alam niya kung nasaan ang luntiang bukirin. Ikaw, hinahanap mo ba si Hesus? Sa kanya ka ba humuhugot ng lakas sa gitna ng pandemya?
 
Kung kay Hesus tayo humuhugot ng lakas, saan naman humuhugot ng lakas si Hesus? Anong nagpapabangon sa kanya sa umaga?
 
Sa ating ebanghelyo, nang makita ni Hesus ang mga tao na LITUNG-LITO AT HINDI MALAMAN ANG GAGAWIN, AT PARANG MGA TUPA NA WALANG PASTOL, siya’y NAHABAG SA KANILA. Naramdaman niya ang hirap at pagod sa buhay. Dahil dito, naantig ang kanyang puso. Itinabi ni Hesus ang kanyang pagod at pinagaling ang mga may sakit. Ang kanyang PAG-IBIG SA KAPWA ANG PINANGHUHUGUTAN NIYA NG LAKAS. Malinaw kay Hesus na ito ang nais ng Diyos Ama. Ito ang misyon niya. Ito ang nagpapabangon sa kaniya sa umaga.
 
Hindi ba’t itinatabi ng ina ang kanyang pagod at hirap, mabigyan lamang ng kaginhawan ang kanyang anak? Kahit pagod na ang isang ama sa kanyang hanap-buhay, gigising siya sa umaga upang magbanat ng buto at mapakain ang pamilya. HIndi ba’t nagbibigay ng ngiti sa isang guro na makitang natututo ang kanyang mag-aaral? HIndi ba’t nagiging matapang ang isang frontliner na doktor at nurses upang pagalingin ang mga mga sakit na covid? DITO TAYO HUMUHUGOT NG LAKAS, SA ATING MGA INIIBIG, SA ATING KAPWA NA NANGANGAILANGAN NG KALINGA AT PAGMAMAHAL.
 
Alam ni Hesus ang lawak at lalim ng misyon. Diyos Siya. Kaya niyang pagalingin ang mga maysakita at tulungan ang naliligaw ng landas. Ngunit hindi niya sinarili ang misyon. Tumawag siya ng mga disipulo upang maging KATUWANG sa pagpapagaling ng mga may sakit. Ibig ni Hesus na matagpuan natin ang TUNAY NATING SARILI AT KALIGAYAHAN. Nasa pagdamay sa kapwa ang tunay na kaligayahan. Nasa paghahanap sa mga naliligaw na tupa ang kahulugan ng buhay. Nais imulat ni Hesus ang ating mga mata sa katotohanang ito: Na tayo’y mga anak na Diyos. Kung kaya’t binigyan niya ng kapangyarihan na magpagaling ng maysakit at magpalayas ng masamang espiritu.
 
Malinaw kay Hesus na hindi lamang AYUDA ANG KANYANG DALA sa mga tao. Pinupukaw din niya ang kanilang kakayahan ng maging liwanag sa gitna ng kadiliman o pandemya. May kakayahan tayo na magpagaling, gumabay at magligtas sa mga naliligaw ng landas. Sinusukat ng pandemya ang ating pag-ibig. Sa mga pagsubok sa buhay, dito makikita kung sino ang tunay na disipulo ni Hesus. Hinanap ni Hesus ang mga naliligaw ng landas. Pinakain niya ang mga nagugutom at pinagaling ang mga maysakit. Sa panahon ng pandemya, hinahanap mo rin ba ang mga naliligaw ng landas? Pinapagaling mo rin ba ang mga may karamdaman? Pinakakain mo rin ba ang mga nagugutom?
 
Saan ka nga ba humugot ng lakas? Huwag sa yaman ng mundo. Huwag sa iyong lakas at galing. Hindi mo ito masasandalan ng todo. Nawawala’t lumilipas ito. Tumingin ka sa harap mo. Nariyan ang kapwa mo na nahihirapan at naguguluhan sa pandemya. Sila ang gawin mong inspirasyon upang gumising nang may sigasig. At pagkatapos, tumingin ka sa langit. Manalangin ka. Kay Hesus ka humugot ng ibayong lakas. Sapagkat hindi ka nag-iisa. Kasama mo ang Diyos. At tinawag ka niya upang maging katuwang sa paghanap ng mga nawawalang tupa.
 
– Fr. Willy M. Samson, SJ
 
——–
Disyembre 5, 2020 – Sabado
Ebanghelyo: Mateo 9:35-10:1, 5-8

Leave a Reply

error: The Storytellers\\\' Society Inc. website content is protected.