parallax background

Walang Pag-ibig na Nasasayang

To Please God, Not Men.
April 5, 2021
Magtanim, Magbungkal at Maghintay.
April 5, 2021
PITIK-BULAG: Walang Pag-ibig na Nasasayang.
 
Isang malaking palaisipan sa mga Pariseo kung anong laman ng isip ni Hesus. Mahigpit nilang binabantayan ang bawat salita at gawa ni Hesus upang masampahan siya ng reklamo. Ngunit laging may sagot si Hesus sa kanilang mga katanungan.
 
Makukuha natin kung anong nasa puso ni Hesus sa ating pagbasa ngayon. Kung bakit ganoon na lang ang kanyang pagtitiyaga sa pagpapalaganap ng Diyos, may makinig man sa kanya o wala. May resulta man o wala. May tumuligsa man sa kanya o pumira. Hindi magdadalawang-isip si Hesus na ipahayag ang mabuting balita ng Diyos.
 
Ating pagnilay-nilayan ang 5 puntos ng ating ebanghelyo ngayon. Ang buhay ni Hesus ay isang malaking talinghaga na dapat nating tingnan nang mabuti, pakinggan ang kanyang sinasabi, pag-isipan ang bawat kilos niya at dalhin sa panalangin. Dito lamang natin mababanaagan ang nasa puso ni Hesus.
 
1. Si Hesus ay nagturo sa dalampasigan.
 
Hitik sa kahulugan ang pagtuturo ni Hesus sa tabing-dagat. Ito’y nagbabadya ng isang paanyaya ni Hesus na tumawid ng dagat. Bilang isang disipulo ni Hesus, naroon ang hamon ng pagtawid sa buhay. Nasa pagtawid ang paglago, kaligayahan at kahulugan ng buhay. Huwag tayong manatili sa pampang. Iwanan natin ang ating mga comfort zones at puntahan ng mga lugar ng kahirapan, kadiliman at kaguluhan. Tawirin natin ang ating mga kapwa na nangangailangan sa atin. Makinig tayo kay Hesus.
 
2. Sinundan siya ng maraming tao.
 
Marami sa mga sumunod kay Hesus ang naghahanap lamang ng kagalingan sa kanilang mga karamdaman. May mga pabor silang hinihingi kay Hesus. HIndi si Hesus mismo ang kanilang hinahanap. Bilang mga disípulo ni Hesus, siya mismo ang ating pakay at naisin. Nais nating siyang makilala ng lubusan at malaliman. Hindi tayo grupo laman ng mga tao. Tayo ay isang komunidad at pamilya na may misyon: ang sundan si Hesus at gawin ang kalooban ng Diyos.
 
3. Nagturo si Hesus sa pamamagitan ng talinghaga.
 
Ang buhay natin ay punung-puno ng misteryo. Marami tayong hindi maunawaan. Ito’y nangahgailangan ng malalim na pagdarasal at pagmumuni-muni upang maunawaan ang buhay. Si Hesus ang pinakamalaking talinghaga ng ating buhay. Kaya’t naroon ang kanyang imbitasyon na kilalanin siyang mabuti. At kapag nakilala natin si Hesus, madali na nating mauunawaan ang ating mga ibat-ibang talinghaga ng ating buhay.
 
4. Ang Diyos na lubusang mapagbigay.
 
Ang magsasaka sa ating ebanghelyo ay ang Diyos mismo. Nag-uumapaw ang kanyang pagiging mapagbigay. Alam niya na may matatapon na butil ng trigo. Alam niyang may babagsak sa batuhan at matinik na daan. HIndi siya nanghihinayang sa kanyang ipinundar. Handa siyang magsayang sa ngalan ng pag-ibig. Handa siyang makipagsapalaran dahil alam niyang may papatak pa rin sa mabuting lupa.
 
Tinatawag tayo ng Diyos na maging mapagbigay sa ating mga gawa. May resulta o wala, maging matagumpay man o hindi ang anumang kabutihan na gagawin natin, itutuloy pa rin natin ito. Hindi tayo dapat maging result-oriented. Dapat na maging love-oriented tayo. Dahil nasasayang na pag-ibig. Ang ating pag-ibig ay laging namumunga ng 30, 60 o 100. Ang mahalaga, ito ay tiyak na may bunga. Maging isa lang o isang daan … bunga pa rin ito.
 
Ganito mag-isip si Hesus. Malinaw ang kanyang malalim na pag-ibig sa atin. Malinaw na nais niya tayong makasama sa kanyang misyon. Malinaw na hindi nagsasawa ang pag-ibig at hindi nagbibilang ng resulta. Basta ang mahalaga ay umibig nang umibig nang umibig. Wala nang iba.
 
– Pitik-Bulag
 
——-
Enero 27, 2021 – Mierkules
Ebanghelyo: Markos 4: 1-20

Leave a Reply

error: The Storytellers\' Society Inc. website content is protected.