parallax background

Yakap ng Langit

Hindi Kita Susukuan
January 15, 2021
Paano Ba Maging Bata?
January 17, 2021
PITIK-BULAG: Yakap ng Langit
 
Maging sino ka man, naroon sa atin ang malalim na pagnanasa na mapalapit sa Diyos. Alam natin na kailangan natin si Hesus sa ating buhay. Nais nating mapalapit sa Kanya at mapalalim ang ating ugnayan sa Diyos. Ngunit madalas, nagdadalawang-isip tayo na lumapit kay Hesus. Alam nating hindi tayo karapat-dapat sa kanyang harapan o sa Kanyang pag-ibig. Naroon ang pag-aalinlangan na baka hindi tayo patawarin o pakinggan ng Diyos sa laki ng aking pagkukulang sa Kanya. Kaya’t madalas, nanatili tayong malayo sa Diyos. Tinatanaw lang natin Siya sa malayo. Gusto nating lumapit, subalit tayo’y nag-aalinlangan. Urong-sulong. Pakiramdam natin, para tayong mabahong bata na hindi makalapit sa kanyang magulang dahil umaalingasaw ang ating baho at pawis.
 
Noong bata pa tayo, hiyang-hiya tayo tuwing niyayakap tayo ng ating magulang. Tumatagaktak ang ating pawis. Umaalingasaw ang ating katawan sa paglalaro sa init ng araw. Ngunit ewan ko, bakit hindi inaalintana ng ating magulang ang ating baho at dumi? Para sa kanila, tayo ang mahalaga, at hindi ang ating amoy o itsura. Maging sino man tayo, mabaho man o mabango, mga anak pa rin tayo ng ating magulang! Kaya’t buong higpit at pagmamahal ang kanilang pagyakap sa atin. At pagkatapos, saka lang natin maririnig ang salitang, “O maligo ka na anak, umaalingasaw ka.” Napapangiti na lamang tayo. Ang mahalaga, niyayakap tayo ng ating magulang, mabaho man tayo o mabango, maligo man tayo o hindi.
 
Marahil ito ang naramdaman ni Levi. Alam niyang makasalanan siya. Marami siyang pagkukulang sa Diyos at kapwa. Marami siyang nilamangan o dinaya bilang taga-singil ng buwis. Naging makamundo siya at pagpapayaman lang ang nasa isip niya. Ngunti naroon din sa kanya ang pagnanasang mapalapit sa Diyos. Kaya’t siya’y urong-sulong. Ang kanyang baho o kasalananan ang pumipigil sa kanya upang lumapit kay Hesus.
 
Kaya’t lumukso ang kanyang puso ng MAKITA SIYA NI HESUS AT TINAWAG NA SUMUNOD SA KANYA. Sa unang pagkakataon, naramdaman ni Levi ang YAKAP NG LANGIT. Tulad ng isang magulang, hindi inalintana ni Hesus ang kanyang baho o pagiging makasalanan. Hindi tulad ng mga Pariseo at Eskriba na ang nakikita kay Levi ay ang kanyang baho o pagiging makasalanan.
 
Umuusbong ang pagbabago sa atin kung may nagmamahal sa atin, maging sino man tayo. Nag-uumapaw ang ating kaligayahan sa ating puso, na tayo’y tinatawag ni Hesus na maging disipulo sa likod ng ating pagkukulang at pagiging makasalanan. Sa sobrang tuwa, inanyayahan ni Levi (o Mateo) si Hesus na maghapunan sa kanyang bahay. Sa sobrang tuwa, nagbigay siya ng isang handaan upang magdiwang, sapagkat nakatagpo siya ng tunay na yaman .. ang Diyos Mismo. Ngunit sa totoo lang, mas ipinagdiriwang niya na NAKITA SIYA NG DIYOS, NIYAKAP, PINATAWAD, BINIGYAN NG BAGONG PAGKAKATAON AT GINAWANG DISIPULO. IPINAGDIRIWANG NIYA NA NATAGPUAN SIYA NG DIYOS.
 
Ikaw? Huwag nang magdalawang isip pa. Maging ano man ang iyong kasalanan o pagkukulang sa Diyos, handa ka Niyang tanggapin, yakapin at patawarin. Nakikita ka ni Hesus, hindi ang iyong kasalanan. Nakikita ka niya bilang ikaw. Mahal ka ng Diyos maging sino ka man. Huwag nang magduda sa kanyang pagmamahal. Huwag nang matakot. Magpayakap kay Hesus. Huwag nang mag-alinlangan pa. Bigyan mo nang pagkakataon ang Diyos na mahalin ka. Bigyan mo nang pagkakataon ang Diyos na mayakap ka.
 
– Pitik-Bulag
 
——-
Enero 16, 2021 – Sabado
Ebanghelyo: Markos 2: 13-22

Leave a Reply

error: The Storytellers\' Society Inc. website content is protected.